KAIDEN’S POV
Ngayon ay araw ng Biyernes at katulad ng napagkasunduan ay doon na sa Mesh Kingdom dumiretso si Thea pagkatapos ng klase niya para mag-ensayo. Tapos na kasi akong sanayin siya sa pagpapalabas‚ paggamit at pagkontrol ng fire at ice charm niya kaya ngayon ay ang air charm naman niya ang pagtutuunan niya ng pansin. Nagkaroon na rin naman si Thea ng ilang araw na pahinga pagkatapos ng pagsasanay namin kaya may lakas na ulit siyang magsanay. Ngunit lingid sa kaalaman ng lahat‚ hindi lang si Thea ang nagsasanay. Maging ako ay palihim ding nagsasanay sa paggamit ng bago kong kapangyarihan at iyon ang pinagkaabalahan ko nitong mga nakaaraang araw. Matapos kasi ang isang linggong pagsasanay ko kay Thea ay ako naman ang nagsanay kaya hindi pa rin ako nakapasok ng akademya sa loob ng mga sumunod na araw.
Ang totoo niyan‚ nagsimula ang pagsasanay ko noong araw na pumasok na ulit si Thea sa akademya. Noong araw na sinabi ko sa kaniya na may aasikasuhin ako ay ang siya ring araw na kinausap ko si ama tungkol sa air charm ko na basta na lang lumabas noong mga panahong nalagay siya sa panganib. At ang payo sa akin ni ama ay ang pag-aralan ko kung paano ito gamitin at palakasin para daw magamit ko ito sa panahong kailanganin ko ito na siya namang ginawa ko.
Sa ngayon ay kasalukuyan akong nasa hardin para magpahangin at tanawin ang mga nagliliwanag na bituin sa kalangitan. Hindi kasi ako makatulog kaya napagpasyahan kong lumabas na muna sa halip na magkulong ako sa aking silid at tumunganga habang naghihintay na dalawin ako ng antok.
“Kuya!” masayang tawag sa akin ni Kamila na nakaagaw ng atensyon at nagpalingon sa akin sa kanang direksyon ko kung saan nanggagaling ang boses ni Kamila na kasalukuyan nang tumatakbo patungo sa direksyon ko.
“Kuya‚ sabihan mo ako kapag dumating na si Ate Thea ah‚” bilin sa akin ni Kamila na hindi ko na mabilang pa kung ilang ulit na niyang sinabi sa araw na ito.
Ang totoo nga niyan ay kahit noong kaaalis pa lang ni Thea ay nagbilin na agad si Kamila na ipaalam ko sa kaniya kapag bumalik na si Thea. Kaya nga nakapagtataka kung paanong napapayag ni Thea si Kamila na doon na muna siya kina Athena gayong palagi siyang hinahanap ni Kamila kahit pa saglit lang siyang mawala. E noong nakaraan nga na hindi siya nakauwi dahil sa pagdala sa kaniya Athena sa kaharian nila nang walang pasabi ay halos hindi na makatulog si Kamila sa kaiiyak dahil sa paghahanap niya kay Thea. Pero kung anuman ang ginawa o sinabi ni Thea para mapapayag niya si Kamila ay hindi na mahalaga ‘yon. Ang mahalaga lang ngayon ay hindi umiiyak si Kamila sa paghahanap sa kaniya.
“Huwag kang mag-alala dahil sa oras na makabalik si Thea ay ikaw ang unang-una kong sasabihan. Kaya pumunta ka na sa silid mo at matulog ka na para may lakas kang salubungin ang pagdating ng Ate Thea mo matapos ang pagsasanay niya‚” masuyong wika ko kay Kamila para pumasok na siya sa loob ng palasyo at nang sa gayon ay maaga siyang matulog.
Lumalalim na rin kasi ang gabi at makakasama sa kalusugan ni Kamila kung mananatili siya sa labas lalo na’t malamig na rin ang simoy ng hangin.
“Hala! Oo nga pala. Nakalimutan ko. Lagot ako nito kay ate. Baka hindi na niya ako bigyan ng regalo kapag hindi ako natulog nang maaga‚” nag-pa-panic na sambit ni Kamila saka sapilitan niya akong pinaupo para magpantay kami. “Papasok na ako sa loob. Magandang gabi sa ‘yo!” paalam ni Kamila at hinalikan pa niya ako sa kaliwang pisngi ko bago siya patakbong pumasok ng palasyo.
Nang makaalis si Kamila ay iling-iling na lamang akong tumayo dahil sa bigla niyang pagkawala na dinaig pa ang toro sa bilis niyang tumakbo. Mayamaya’y napangiti na lamang ako nang mag-isa nang maalala ko ang pagbanggit ni Kamila kay Thea. Mukhang may kasunduan silang dalawa ni Thea at mukhang ito rin ang dahilan kung bakit excited si Kamila sa pagbalik ni Thea.
“Kaiden‚ anak‚” malambing na tawag ng isang boses na nakaagaw ng atensyon ko.
Napaangat ako ng tingin sa nagsalita at nang mapako ang tingin ko kay ina na nakatayo ilang metro ang layo mula sa ‘kin ay tipid na lamang akong napangiti at dali-dali akong lumapit sa kaniya. Nang makalapit ako kay ina ay agad ko siyang ginawaran ng magaang halik sa kaniyang kaliwang pisngi saka agad din akong lumayo para magkaroon ng distansya sa aming pagitan.
BINABASA MO ANG
The Prophecy
FantasiIsang propesiya ang kinatatakutan ng lahat na maganap. Propesiyang nagsasaad ng kakila-kilabot na katapusan sa sandaling ang kadiliman ay hindi mapigilan. Isang natatanging babae lamang na siyang itinakda ang makapipigil ng kanilang kinatatakutang k...