ALTHEA’S POV
Mahigit isang linggo na ang lumipas mula noong araw na malagay ako sa bingit ng kamatayan dahil sa pagsaksak sa akin ni Jayda. At sa isang linggong ‘yon ay hindi ako pumasok sa akademya. Gustuhin ko man kasing pumasok nitong mga nakaraang araw ay hindi ko magawa dahil ayaw akong payagan ni Kaiden dahil kailangan ko pa raw magpahinga. Pati nga siya ay hindi rin nakapasok sa loob ng isang linggo dahil sa pagbabantay sa ‘kin. Todo bantay kasi siya sa ‘kin upang tiyakin na hindi ako tatakas.
Nakakainis man ang pagbabawal at pagbabantay na ginagawa ni Kaiden ay may parte pa rin sa akin ang natutuwa. Natutuwa akong makita kung paano niya ako alalahanin at bantayan para lamang matiyak niyang tuloy-tuloy na nga ang pagbabalik ng lakas ko.
Hindi rin naman ako nabagot sa loob ng isang linggo kaya ayos lang sa akin kahit pa lumipas ang isang linggo na hindi ako pumapasok sa akademya. Madalas kasi akong yayain ni Kaiden na mamasyal. Iyon nga lang ay kami lang dalawa ang palaging magkasamang mamasyal dahil pinagbawalan niyang sumama sa amin si Kamila dahil baka raw mabinat ako sa kakulitan at kalikutan ng kapatid niya.
Sulit din naman ang isang linggong pahinga ko dahil sa paglipas ng mga araw ay mas lalo ko pang nakilala si Kaiden. Sa mga araw kasing lumipas ay nagawa kong makita ang iba’t ibang side niya at napagtanto kong hindi lang siya cold‚ snob at masungit. May side din siya na malambing‚ maalaga at protective. In short‚ moody siya at hindi mo malalaman kung kailan siya mabait at kailan hindi. Minsan nga ay nagulat na lang ako nang bigla niya akong halikan sa noo para mag-goodnight. Tapos kinabukasan ay balik ulit siya sa pagiging masungit na para bang naging ibang tao siya sa loob lamang ng isang gabi.
Aaminin kong mahirap intindihin si Kaiden dahil pabago-bago ang ugali niya. Pero kahit na ganoon ay unti-unti ko na rin siyang natututunang intindihin at pagpasensyahan. Kaya lang ay may mga pagkakataon talagang nagsasalubong na lang bigla ang kilay ko dahil sa mga bagay na ginagawa niya na hindi naman niya madalas gawin kaya bago ito sa paningin ko. Katulad na lang noong ibigay niya sa akin ang bracelet na suot-suot ko ngayon sa kanang kamay ko. Hindi ko alam kung para saan iyon‚ kung bakit niya ako binigyan nito at kung bakit mahigpit niyang ibinilin na palagi ko itong suutin at huwag kong tatanggalin. Ang tanging paliwanag lang na ibinigay niya sa akin ay konektado raw siya at ang bracelet na suot ko kaya kahit saan daw ako naroroon at kahit gaano raw kalayo ang distansya namin ay parang kasama ko pa rin daw siya.
Kahit na hindi pa rin malinaw sa akin kung para saan ang bracelet na bigay ni Kaiden at kung anong ibig niyang sabihin sa sinabi niya ay sinunod ko pa rin ang gusto niya. Hindi ko na inalis pa sa kamay ko ang bracelet magmula noong isuot ko ito. Wala namang mawawala sa akin kung susunod ako sa utos niya. Saka may pakiramdam din akong may mahalagang gamit ang bracelet na bigay niya at hindi ito basta accessories lang. Gawa kasi ito sa mga makikinang na hiyas at may mga pagkakataon ding bigla na lang itong nagliliwanag na para bang may mahikang bumabalot dito.
“Thea?”
Awtomatiko akong napabalik sa kasalukuyan nang may tumawag sa pangalan ko mula sa labas ng silid kasabay ng sunod-sunod na pagkatok sa pinto ng may-ari ng boses na walang iba kundi si Kaiden.
“Pasok!” sigaw ko sa kumatok saka dali-dali ko nang tinapos ang pagpapatuyo ng buhok ko gamit ang tuwalya.
“What do you think you’re doing?” mataray na tanong ni Kaiden na ngayon ay nakatayo na sa gilid ko habang ramdam ko ang titig niya.
Sa halip na balingan ng tingin si Kaiden at sagutin ang tanong niya ay sinimulan ko na lamang na suklayin ang buhok.
“Ano sa tingin mo?” mataray ko ring tanong sa kaniya habang abala pa rin ako sa pagsuklay ng buhok ko.
BINABASA MO ANG
The Prophecy
FantasyIsang propesiya ang kinatatakutan ng lahat na maganap. Propesiyang nagsasaad ng kakila-kilabot na katapusan sa sandaling ang kadiliman ay hindi mapigilan. Isang natatanging babae lamang na siyang itinakda ang makapipigil ng kanilang kinatatakutang k...
