ALTHEA’S POV
Matapos kong malaman ang tungkol sa katotohanang hindi sina mommy at daddy ang biological parents ko ay agad na kinuwento sa akin nina mommy ang lahat. Ikinuwento nila lahat mula sa buhay nila noong nasa Fantasia pa sila hanggang sa naging buhay nila nang mapadpad sila sa mundo ng mga tao. Kinuwento rin nila kung paano nila kami natagpuan ni Jane sa kakahuyan kung saan matatagpuan ang lagusan patungong Fantasia. At dahil sa kanilang mga kuwento ay nalaman kong ang totoo palang pangalan ni daddy ay Fabian samantalang Thara naman ang kay mommy.
Nakuwento nina mommy sa akin na maayos at masaya naman daw ang pamumuhay nila noon sa Fantasia. Sa katunayan ay naging matalik na kaibigan pa nila si Haring Uriel at ang isa sa mga pinagkakatiwalaan nitong tagapagsilbi ng palasyo na si Mathilde. Nagmamahalan din daw noon sina Lady Hera at daddy pero tutol sa kanilang pagmamahalan ang ama ni Lady Hera na siyang dating hari ng Ardor Kingdom na pumanaw na. Ayaw raw kasi ng dating hari kay daddy para sa kaniyang anak dahil hindi si daddy nabibilang sa angkan ng mga maharlika at isa lamang siyang kawal ng palasyo. Kaya naman nang malaman ng hari ang lihim na pag-iibigan nina daddy at Lady Hera ay pilit nitong pinaghiwalay ang dalawa. At dahil nga hari ito noon ng Ardor Kingdom at labis itong makapangyarihan ay walang kahirap-hirap nitong napaghiwalay sina daddy at Lady Hera.
Sa pagkakalayo nina daddy at Lady Hera ay labis na nadurog ang puso ni daddy at hindi niya kinayang harapin ang buhay nang mag-isa. Mabuti na lamang daw at naroon si mommy para siya’y damayan na siya ring tumulong sa kaniya upang makabangon siya mula sa kaniyang pagkakalugmok. At dahil si mommy ang naging sandalan niya noong mga panahong wala siyang masandalan ay hindi na nakakagulat pa na nahulog siya kay mommy na dati pa palang may lihim na pagtingin sa kaniya ngunit mas piniling magparaya.
Ang hindi inaasahang pag-iibigan na nabuo sa pagitan nina mommy at daddy ay nagbunga ng isang supling na inilihim nila sa lahat katulad ng kung paano nila inilihim ang tungkol sa kanilang relasyon. Ngunit kung pagbabasehan ko ang salaysay nila ay masasabi kong hindi nila intensyong ilihim ang tungkol sa kanilang relasyon at ang pagkakaroon nila ng anak. Naipit lang sila sa sitwasyon at hindi lang talaga alam ni daddy kung paanong ipagtatapat ito kay Lady Hera lalo na’t hindi naman siya makalapit dito sa higpit ng pagbabantay rito ng ama nito.
Nagawa naman nina daddy na mamuhay nang payapa at masaya kasama ang anak nila. Iyon nga lang ay hindi rin nagtagal ang kanilang kaligayahan dahil nang biglaang mamatay ang ama ni Lady Hera at pumalit sa trono ang panganay nitong anak na si Haring Uriel ay nagulo ang kanilang tahimik na pamumuhay. Ginamit kasi ni Haring Uriel ang kaniyang pagiging hari para ipagkasundo ang kapatid niyang si Lady Hera kay daddy. At kahit pa gustong-gusto ni daddy na tanggihan ang kasunduang ‘yon at ipagtapat sa hari at kay Lady Hera ang totoo ay hindi niya nagawa. Hindi niya kasi alam kung paano sasabihin sa magkapatid ang katotohanang may mahal na siyang iba at may anak na sila. Ayaw niya kasing saktan ang damdamin ni Lady Hera at ang kaibigan niyang si Haring Uriel na labis na minamahal ang kaniyang kapatid na kayang gawin lahat upang ito’y pangalagaan.
Dahil nga hindi ni daddy maamin ang totoo sa magkapatid na sina Haring Uriel at Lady Hera ay patuloy na naniwala ang magkapatid na wala pa ring nagbabago sa nararamdaman ni daddy para kay Lady Hera. Kaya naman ay minadali na ng hari ang kanilang kasal dahil na rin sa kagustuhan ni Lady Hera na gustong-gusto nang makaisang-dibdib si daddy. At dahil dito ay hindi na nakatiis pa si mommy na manahimik na lang. Kumilos na siya at siya na mismo ang nagtapat sa hari at kay Lady Hera ng relasyon nila ni daddy. Ngunit hindi niya binanggit sa magkapatid ang pagkakaroon nila ng anak ni daddy dahil ayaw niyang madamay sa gulo ang kanilang anak. At para pangalagaan ang kanilang anak ay ipinagkatiwala niya ito sa matalik nilang kaibigan na isa ring tagapagsilbi ng palasyo katulad niya.
Halos sumabog daw noon sa galit si Lady Hera matapos ipagtapat ni mommy ang totoo kaya inalisan nito ng alaala sina mommy at daddy. Ngunit hindi rito nagtatapos ang kalbaryo nina mommy. Matapos alisan ng alaala ay ipinatapon pa sila ni Haring Uriel sa mundo ng mga tao upang hindi na sila makabalik pa ng Fantasia kailanman. Ngunit sa kabila ng kanilang galit ay nakakapagtakang hindi nila pinaglayo sina mommy at daddy. Kaya naman ay hindi ko maiwasang isipin na kahit papaano ay may katiting na pang-unawa pa rin pala silang tinatago dahil hindi nila pinaghiwalay sina mommy at daddy.
![](https://img.wattpad.com/cover/130714319-288-k387130.jpg)
BINABASA MO ANG
The Prophecy
FantasyIsang propesiya ang kinatatakutan ng lahat na maganap. Propesiyang nagsasaad ng kakila-kilabot na katapusan sa sandaling ang kadiliman ay hindi mapigilan. Isang natatanging babae lamang na siyang itinakda ang makapipigil ng kanilang kinatatakutang k...