KAIDEN’S POV
Marahan kong itinulak pabukas ang pinto ng silid ni Thea matapos niya akong pahintulutang pumasok. Kaagad siyang nahagip ng aking paningin nang sandaling makapasok ako ng kaniyang silid. Siya’y nakaupo sa upuang katapat ng dressing table habang abala siya sa pagsuklay ng kaniyang buhok na basang-basa pa.
Sa halip na batiin si Thea ay tuloy-tuloy akong pumasok ng silid. Nilampasan ko siya at dumiretso ako sa tabi ng kama.
“Here.” Inihagis ko sa kama ni Thea ang kaniyang school uniform na nakatupi at nakasilid sa isang magarang kahon. Ngayong araw na siya papasok ng akademya para matutunan niya lahat ng dapat niyang matutunan at upang maturuan siya sa tamang paggamit ng kapangyarihan niya.
Tumayo si Thea mula sa pagkakaupo niya sa upuang kaharap ng dressing table at lumapit siya sa kama kung saan ko inihagis ang unipormeng gagamitin niya sa pagpasok niya sa akademya. Marahan siyang umupo sa kama at salubong ang kilay na pinulot niya ang unipormeng nakapatong dito.
“Ano ‘to?” nagtatakang tanong niya habang salubong ang kilay na pinagmamasdan ang unipormeng hawak na niya sa kaniyang kanang kamay.
“Damit‚” tipid kong sagot sa kaniya.
Hindi ko na inabala pa ang sarili kong ipaliwanag sa kaniya kung para saan ang damit na hawak niya at kung bakit ko ito ibinigay sa kaniya. Wala sa ugali ko ang magpaliwanag kung hindi naman kinakailangan. Saka dapat alam na niya kung para saan ang damit na hawak niya. Halata namang school uniform ito sa unang tingin pa lang. Sadyang napakamatanong lang talaga niya kaya mas pinipili niyang magtanong nang magtanong kaysa alamin ang sagot sa sarili niyang pamamaraan. Saka masyado pang maaga para sirain niya ang araw ko at pasakitin niya ang ulo ko. Kaya sana naman ay kusa niyang alamin kung para saan ang damit na hawak niya. Nakakapagod na ring sagutin ang hindi maubos-ubos niyang mga tanong at nakakairita na rin ang pagiging matanong niya.
“Anong gagawin ko rito?” naguguluhang tanong niya at sa pagkakataong ito ay nakakunot na ang noo niya habang nasa akin na ang tingin niya.
Napasapo na lang ako sa noo ko dahil sa tanong niya. Napahilot na rin ako sa aking sentido upang pigilan ang sarili kong singhalan siya.
“Kainin mo kung gusto mo‚” irita kong sagot.
Kahapon pa ako nagtitimpi sa kaniya. Kaya kapag hindi pa niya itinikom ang bibig niya ay baka hindi ko na magawang magpigil at masinghalan ko na siya o kaya naman ay gamitan ko siya ng kapangyarihan para lang mapatahimik siya.
Kung noon ay pangungulila ang nararamdaman ko sa kaniya‚ ngayon na magkasama na kami at panatag na akong dito na siya mananatili sa mundo namin ay napalitan na ng pagkairita ang dating pangungulila ko sa kaniya. Sino ba naman kasing hindi maiirita kung sa lahat na lang ng bagay ay may tanong siya.
“Ano ako‚ baliw?” mataray niyang sagot na sinabayan niya pa ng pagtaas ng kaniyang kilay.
‘Hindi! Pero ako ang mababaliw kapag hindi ka pa tumigil sa katatanong!’ sigaw ko sa aking isipan na kung pwede ko lang isigaw sa kaniya ay ginawa ko na.
Kahapon pa siya tanong nang tanong. Hindi ba siya nauubusan ng tanong sa isipan niya? Oo‚ isinama ko siya sa mundo namin para mabigyan ng kasagutan lahat ng katanungan niya pero hindi ko naman sinabing ako ang sasagot nito. Siya mismo ang tutuklas nito. Naging daan lamang ako upang mapalapit siya sa katotohanan at upang makabalik siya sa mundong tunay niyang kinabibilangan.
Kung hindi man siya nauubusan ng tanong‚ sana’y ibahin niya ako. Dahil nauubusan din ako ng isasagot sa walang kakuwenta-kuwenta niyang mga tanong katulad na lang ngayon. Argh! Ibang-iba talaga siya sa Thea na nakilala ko noong nasa mundo pa kami ng mga tao. Kung dati napakatahimik niya‚ ngayon naman ay halos wala ng pahinga ang bibig niya sa katatanong.
BINABASA MO ANG
The Prophecy
FantasyIsang propesiya ang kinatatakutan ng lahat na maganap. Propesiyang nagsasaad ng kakila-kilabot na katapusan sa sandaling ang kadiliman ay hindi mapigilan. Isang natatanging babae lamang na siyang itinakda ang makapipigil ng kanilang kinatatakutang k...
