CHAPTER 85: TORN BETWEEN THE TWO OPTIONS

1.5K 45 1
                                        

ALTHEA’S POV

Bago pa man kumagat ang dilim ay nagtipon-tipon na lahat ng pinatawag ko sa meeting hall. Lahat sila ay mga nakaupo sa mga nakahilerang upuan sa magkabilang gilid ng napakahabang mesa habang ako naman ay nakaupo sa nag-iisang upuan sa dulo nito sa pinakaunahan ng lahat dahil ako ang mamumuno sa magaganap na pagpupulong. Ngunit para mas maging pormal ang aming pagpupulong at mas magmukha akong lider at kagalang-galang ay may suot akong gold na tiara bilang simbolo ng pagiging prinsesa ko na hindi naman masyadong kita dahil sa gold ko ring buhok. At maging si Kaizer na tahimik na nakaabang sa labas ng hall ay nakasuot din ng gintong korona. At bukod doon ay nakasuot din siya ng kasuotang karaniwang isinusuot ng mga prinsipe. Pula ang kulay ng damit niya na may halong ginto.

“Marahil ay nagtataka kayo sa biglaang pagpapatawag ko ng pagpupulong na ito. Ngunit ang pagpupulong na ito ay hindi na maaaring patagalin pa dahil may mahalagang bagay kayong dapat na malaman na hindi maaaring ipagpabukas pa‚” panimula ko at isa-isa kong tinapunan ng tingin ang mga kasama ko sa pagpupulong na pare-parehong mga nagtataka at mga walang ideya sa kung anong paksa ng pagpupulong lalo na’t ito ang unang pagpupulong na ipinatawag ko kung saan kasama ang lahat ng maharlika at maging ang buong konseho.

Habang nagtataka ang mga kasama ko sa pagpupulong at mga kunot-noong nakatingin sa akin ay patago kong ginamit ang kapangyarihan ko para buksan ang pinto ng hall. At ang pagbubukas ko ng pinto ay ang nagsilbing hudyat na kailangan nang pumasok ni Kaizer. Kaya naman ay agad siyang naglakad palapit sa kinaroroonan namin nang hindi gumagawa ng anumang ingay. At dahil nga nullification ang kapangyarihan niya ay walang ni isa man sa mga kasama ko sa mesa ang nakapansin sa presensya niya kahit pa noong makalapit na siya sa mesang aming kinaroroonan.

“Ngunit bago ang lahat ay may nais akong ipakilala sa inyo‚” wika ko makalipas ang may kahabaang katahimikan na namayani sa silid saka ako tumayo upang salubungin ang pagdating ni Kaizer. At dahil nga tuluyan nang nakalapit sa mesa si Kaizer ay inilahad ko sa kaniya ang kanang kamay ko na agad naman niyang tinanggap kahit pa may takot at pag-aalangan akong nababakas sa mukha niya.

Pagkatanggap ni Kaizer sa kamay kong nakalahad ay agad ko siyang hinila palapit sa ‘kin ngunit pinanatili ko pa ring magkahawak ang aming mga kamay kahit pa magkatabi na kaming nakatayo sa harap ng lahat. Ito kasi ang paraan ko para iparamdam kay Kaizer na nasa tabi niya lang ako at hindi ko siya iiwan anuman ang mangyari.

“Siya si Kaizer‚ ang prinsipe ng kahariang ito‚” pagpapakilala ko kay Kaizer sa lahat na umani ng samut-saring tanong.

“Bakit hindi namin alam ito?” kunot-noong tanong ni Tito Isaiah.

“Bakit ninyo inilihim ang bagay na ito?” nagtatakang tanong din ni Tita Selena.

Marami pa ang nagbato sa amin ng mga tanong ngunit sa halip na patigilin ko sila ay hinayaan ko na lang muna silang batuhin kami ng mga tanong sa loob nang ilang segundo. At nang sa wakas ay tumahimik na ang paligid ay humugot muna ako ng malalim na hininga bago ako nagsimulang magpaliwanag sa lahat.

“Marahil ay nagtataka kayo kung sino siya at kung bakit ngayon lang namin siya ipinakilala sa inyo. Iyon ay dahil ngayon lang kami nagkaroon ng pagkakataong ipakilala siya sa inyo dahil kinailangan naming ilihim sa lahat ang tungkol kay Kaizer dahil ayaw namin siyang malagay sa panganib at mahusgahan‚” mahabang saad ko na ikinakunot ng noo ng mga kasama ko sa mesa.

“Bakit naman siya mahuhusgahan at malalagay sa panganib?” naguguluhang tanong ni Tita Makayla.

“Oo nga. Normal lang naman ang magkaroon ng kapatid‚” pagsegunda pa ni Miss Kaia sa sinabi ni Tita Makayla.

“Hindi naman porke ikaw ang itinakda ay hindi ka na pwedeng magkaroon ng kapatid‚” wika naman ni Sir Ahmir.

“Wala ka naman sigurong hindi sinasabi sa amin hindi ba‚ K?” nakataas ang kilay na tanong ni Vera habang ang karamihan sa kasama namin sa mesa ay nanatili lamang tahimik at hinihintay lang kung anong sasabihin ko.

The ProphecyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon