ATHENA’S POV
Nakarating kami ni Gwyn sa Hidden Palace nang hindi ko namamalayan dahil hindi pa rin maproseso ng utak ko ang ginawa niya kanina. Hanggang ngayon ay isang malaking katanungan pa rin sa akin kung paano niya nagawa ‘yon. Sa pagkakaalala ko ay wala pa siya sa tamang edad kaya napakaimposible talagang kaya na niyang palabasin ang kapangyarihan niya tulad ng ginawa niya kanina. Mas lalo lang tuloy akong naniniwala na maaaring totoo nga ang hinala ko. Pero hindi pa rin ito sapat. Kailangan ko pa rin ng matibay na katibayan dahil ang pagkatao at buhay ng kaibigan ko ang nakasalalay rito kaya hindi ako maaaring magkamali at magpadalos-dalos.
“Jane‚” malambing na tawag sa akin ni Gwyn na pumukaw sa atensyon ko at nagpalingon sa akin sa direksyon niya.
Kaagd kong napansin sa mga kilos ni Gwyn na parang may gusto siyang sabihin pero nag-aalangan siya kaya naman ay ako na ang nagtanong para hindi na siya mag-alangan pa.
“What is it‚ Gwyn?” tanong ko sa malambing na boses.
Nang mapansin kong medyo nagtatalo pa rin ang isip ni Gwyn kung sasabihin ba niya ang gusto niyang sabihin o hindi ay naisip kong bigyan siya ng oras na mag-isip at magpasya. Kaya naman ay naglakad na lamang ako patungong kitchen habang hinihintay ko ang magiging pasya niya.
Ang kitchen sa Hidden Palace ay hindi na katulad ng dati. Binago ko kasi ang disenyo nito nang maka-recover ako sa nangyari sa ‘kin at nang matanggap ko na kung sino talaga ako.
Habang patungo ako ng kitchen ay tahimik lang namang nakasunod sa akin si Gwyn. Nang malapit na kami sa kitchen ay doon lamang niya binasag ang katahimikang bumabalot sa amin.
“May naaalala ka na ba sa nakaraan mo kahit kaunti?” may himig ng pag-aalangang tanong ni Gwyn.
Awtomatiko naman akong napatigil sa paglalakad dahil sa tanong ni Gwyn at matamlay ko siyang tiningnan. Pero agad din akong ngumiti nang pilit nang makita ko ang lungkot sa mga mata niya. Kailangan kasing may isa sa amin ang manatiling kontrolado ang emosyon niya para maiwasan namin ang anumang dramahan na maaaring mangyari.
Hindi kami pwedeng magpadala sa emosyon namin. Kailangan naming magpakatatag para na rin sa ikabubuti namin at ng mga nasa paligid namin. Bilang isang charmer kasi‚ ang labis na emosyon ang siyang kahinaan namin dahil kapag nagpadala kami sa emosyon namin ay maaaring ito ang ikapahamak namin at maaari din kaming makapagdala ng kapahamakan o kasawian sa iba.
“Ikinalulungkot ko‚ Gwyn‚ pero wala talaga akong maalala ni katiting. Kahit anong pagpipilit ang gawin ko ay ayaw pa ring bumalik ng alaala ko. Ginawa na rin nina ina at ama ang lahat ng maaaring paraan. Humingi na sila ng tulong sa isang gabay na kayang makakita ng nakaraan para alamin ang dahilan ng pagkawala ng memorya ko pero wala silang makitang kahit ano sa nakaraan ko na siyang ipinagtataka namin‚” mahabang tugon ko na ikinabagsak ng balikat ni Gwyn.
“Parehas lang pala tayo. Sinubukan na rin nina nommy’t daddy ang lahat ng medications na posibleng makatulong sa ‘kin pero walang kahit isa man sa kanila ang gumana. Narinig ko rin minsan na sinabi ng isa sa mga naging doctor ko na napaka-rare daw ng kaso ko dahil wala naman daw akong damage sa ulo o utak kaya imposible raw na magka-amnesia ako. Tinanong ko na noon sina daddy tungkol dito pero ipinagpipilitan nilang nabagok daw ang ulo ko na maaaring sanhi ng pagkawala ng memorya ko‚” salaysay rin ni Gwyn sa mga ginawa nilang paraan para matulungan siyang maibalik ang memorya niya saka bigla na lamang siya napahilot sa sentido niya.
“Sa totoo lang ay naguguluhan ako. Hindi ko alam kung sino at alin ang paniniwalaan ko. Hindi kasi nagtutugma ang sinabi ng doctor sa sinabi nina daddy. Pero isa lang ang tiyak ko. May inililihim sa ‘kin sina daddy. Kaya lang ay gustuhin ko mang alamin kung ano ‘yon ay huli na. Wala na sila kaya hindi ko na malalaman pa kung ano ang nalalaman nila na pilit nilang itinatago sa ‘kin‚” pagtatapat sa akin ni Gwyn at bigla na lamang tumulo ang mga luha niya sa huli niyang sinabi.
BINABASA MO ANG
The Prophecy
FantasyIsang propesiya ang kinatatakutan ng lahat na maganap. Propesiyang nagsasaad ng kakila-kilabot na katapusan sa sandaling ang kadiliman ay hindi mapigilan. Isang natatanging babae lamang na siyang itinakda ang makapipigil ng kanilang kinatatakutang k...
