THIRD PERSON’S POV
Gaya ng plano ay sinalubong ng hukbo nina Thea ang pagdating ng mga kaaway upang ilayo ang gulo sa palasyo. Ngunit ganoon na lamang ang pagsinghap ng ilan sa kanila nang mapagmasdan nila ang napakaraming bilang ng mga nakaitim na cloak sa kanilang harapan.
Sa unang tingin pa lang ay iisipin mo nang walang laban sina Thea sa hukbo ng mga kaaway dahil kulang na kulang ang bilang nila. Ni hindi pa nga nangangalahati ang bilang nila kung ikukumpara sa bilang ng mga kaaway na hindi na nakakagulat pa dahil kawal lamang ng Ardor Kingdom ang kasali sa digmaan at wala ang mga kawal ng tatlong kaharian. Ngunit kung kapangyarihan naman ang pagbabasehan ay lamang na lamang sila dahil nasa kanilang panig ang lahat ng tagapagmana ng apat na kaharian—iyon ang akala nila. Ngunit lingid sa kanilang kaalaman ay balewala pala ang kapangyarihang taglay ng royalties kung ito’y ikukumpara sa kapangyarihang taglay ng pinuno ng mga kaaway na siyang bukod-tanging nakalutang sa ere.
Matapos ilang segundong paghaharap-harap ng dalawang grupo ay agad na kumilos ang mga nakaitim na cloak at mabilis nilang sinugod ang grupo nina Thea. At kahit na mga nakatakip ang kalahati ng mukha ng mga kaaway dahil sa talukbong ng mga suot nilang cloak ay hindi pa rin sila nahirapang kumilos. Sanay na kasi silang lumaban na ganito ang kanilang ayos dahil kailangang itago nila sa lahat ang kanilang pagkakakilanlan.
Si Kaiden ang pinuntirya ni Ulises habang si Jane naman ay mabilis na sinugod ni Jayda. Si Thea naman ay mabilis na pinalabas ang pakpak niya at agad siyang lumipad paitaas bago pa man may makalapit sa kaniyang kaaway para tapatan ang pinuno ng mga kaaway na nanatili pa ring nakalutang sa ere matapos niyang ibigay ang hudyat niya sa kaniyang mga alagad na simulan na ang laban.
Inilabas ni Thea ang pakpak niya dahil mahihirapan siyang lumaban sa ere kung hangin lamang ang gagamitin niya. Kapag kasi nawala siya sa pokus ay maaari siyang malaglag hindi tulad ng pakpak na madali lang makontrol. Ang kalaban naman na nakalutang din sa ere katulad niya ay itim na kapangyarihan ang ginamit upang makalutang sa ere.
May ilang metrong distansya sa pagitan nina Thea at ng pinuno ng mga kaaway. At nanatili lamang silang magkalayo at magkatitig sa isa’t isa sa kabila ng nangyayaring gulo sa kanilang ibaba at sa kabila ng talukbong na nakatakip sa mukha ng pinuno ng mga kaaway.
“Sino ka?” hindi na napigilan pang tanong ni Thea makalipas ang ilang segundong pagtitig niya sa pinuno ng mga kaaway.
Kanina pa hindi maalis ni Thea ang tingin niya sa lalaking kaniyang kaharap dahil parang may kung anong puwersang nagtutulak sa kaniyang titigan ito. May matinding koneksyon din siyang nararamdaman sa pagitan nila na hindi niya maipaliwanag kung ano at kung bakit niya nararamdaman.
“Ako ang papatay sa ‘yo‚” nakangising sagot ng lalaki saka bigla na lamang itong nagpalabas ng itim na liwanag sa kaniyang magkabilang kamay at sunod-sunod niyang pinagbabato nito si Thea.
Mabilis namang naiwasan ni Thea ang lahat ng tira ng lalaki. Ngunit laking gulat niya nang may maramdaman din siyang kung anong kapangyarihan na palapit sa kaniya mula sa kaniyang likuran. Kaya naman ay awtomatiko siyang napaharap dito at awtomatiko ring kumilos ang mga kamay niya upang protektahan ang sarili niya mula sa papalapit na napakalaking itim na bolang may itim na usok na tila isang kometa.
Mabilis na pinaekis ni Thea ang mga braso niya sa harap ng kaniyang mukha na kaagad na lumikha ng transparent shield upang protektahan ang kaniyang sarili. At nang walang kahirap-hirap niyang mapaglaho ang malaking bolang itim na tatama sana sa kaniya ay galit niyang hinarap ang pinuno ng mga kaaway na nabungaran niyang nakangisi na‚ dahilan para mas lalo siyang magalit dito dahil tila pinaglalaruan lamang siya nito.
Dala ng galit ni Thea dahil sa pakiramdam na pinaglalaruan lamang siya ng kaniyang kaharap at dahil na rin sa ginawa nitong pag-atake sa kaniya nang palihim kanina na pinakaayaw niya sa lahat ay sunod-sunod niya itong pinagbabato ng bolang ginto na gawa sa pinaghalo-halo niyang kapangyarihan. Ngunit madali lamang itong naiwasan ng kaniyang kalaban dahil sa bilis nitong kumilos. Kaya naman sa halip na sa kalaban ang tama ng lahat ng ibinatong bola ni Thea ay diretso ang tama ng mga ito sa lupa na nagdudulot ng mga pagsabog‚ pagkasunog at pagyanig ng paligid. At dahil dito ay nagiging mahirap sa mga nasa ibaba ang pakikipaglaban dahil sa walang tigil na pagsabog at pagyanig ng paligid. Maliban na lamang kina Kaiden‚ Jane at Ali na nagpalabas na rin ng kanilang mga pakpak upang makalaban sila nang maayos at upang hindi sila maapektuhan ng mga pagyanig.
BINABASA MO ANG
The Prophecy
FantasyIsang propesiya ang kinatatakutan ng lahat na maganap. Propesiyang nagsasaad ng kakila-kilabot na katapusan sa sandaling ang kadiliman ay hindi mapigilan. Isang natatanging babae lamang na siyang itinakda ang makapipigil ng kanilang kinatatakutang k...
