ALTHEA’S POV
“Pero teka. Bakit parehas tayo ng kulay ng mata at buhok?” naguguluhang tanong ko habang nakatingin pa rin ako sa mga mata ni Kaiden na kulay abo rin katulad ng mga mata ko.
Hindi ko maiwasan ang magtaka at mapaisip kung bakit sa dinami-rami ng magiging kulay ng mata at buhok ko‚ bakit talagang parehas pa kami. May paliwanag ba rito o talagang nagkataon lang na pareho ang kulay ng mata at buhok namin?
Dahil sa gulong-gulo pa rin ako sa nangyayari ay hindi ko inalis ang pagkakatitig ko kay Kaiden habang hinihintay ko ang sagot niya sa tanong ko. Nakatitig lang ako sa kaniya habang naguguluhan pa rin ako kung paanong nag-iba ang kulay ng buhok at mata ko at nakatitig lang din siya sa akin nang biglang may mahagip ang paningin ko na isang lalaki na nakasuot din ng unipormeng katulad ng suot ni Kaiden. Nakatayo ito malayo sa amin ngunit sa akin nakatuon ang malamig niyang mga titig na tila ba inoobserbahan niya ako.
‘He looks familiar‚’ nasambit ko na lamang sa aking isipan habang pilit kong inaalala kung kailan at saan ko nakita ang lalaking ngayon ay kasukatan ko ng tingin.
“I have no idea but—”
Kumaripas ako ng takbo bago pa man matapos ni Kaiden ang kaniyang sinasabi. Bigla na lang kasing umalis ang lalaking kanina ay katitigan ko at pumunta ito sa kung saan nang mapagtanto niyang nakikipagtitigan na ako sa kaniya.
Alam kong kabaliwan ang ginawa kong pagsunod sa lalaking hindi ko naman kilala pero maging ako ay hindi alam kung anong tumatakbo sa isipan ko at kung bakit ko sinundan ang lalaking ‘yon. Ang alam ko lang ay kilala ko siya at nakita ko na siya. Hindi ko nga lang maalala kung kailan at saan ko siya nakita kaya kailangan ko siyang makaharap at makausap para siya mismo ang magpakilala ng sarili niya nang sa gayon ay mabigyang kasagutan ang tanong sa aking isipan.
Mas lalo ko pang binilisan ang aking pagtakbo para sundan ang lalaking nakamasid sa akin kanina mula sa malayo. Hindi ko na makita pa sa paligid ang lalaking hinahabol ko ngunit nakita ko kung saang direksyon siya pumunta bago siya tuluyang mawala sa aking paningin kung kaya tinahak ko ang direksyon kung saan ko siya nakitang pumunta. Iyon nga lang ay wala na akong inabutan. Wala na ni anino nito. Para itong bula na bigla na lamang naglaho nang walang iniiwang kahit anong bakas.
“Kung sino ka man‚ magpakita ka!” malakas kong sigaw sa pag-asang maririnig ako ng lalaking sinundan ko.
Inilibot ko ang aking tingin sa paligid ngunit wala akong makitang kahit sino na pakalat-kalat sa paligid kung kaya muli akong nagpatuloy sa pagtakbo hanggang sa makarating ako sa magubat na bahagi ng akademya nang hindi ko namamalayan. Nasa bahaging likuran na ito ng mga gusali ngunit kung titingnan ang gubat na nasa aking harapan ay hindi mo aakalaing parte pa rin ito ng akademya. Kung ano kasing ikinaganda at ikinaliwanag ng akademya kung ito’y iyong pagmamasdan mula sa harap o sa labas ay ang siya namang ikinadilim at ikinasukal ng gubat na matatagpuan sa pikadulo at pinakalikurang bahagi. Masyado itong madilim at masukal. Walang tumatagos kahit katiting na sinag ng araw sa gubat dahil nahaharang ng naglalakihang dahon ng mga puno ang liwanag na nagmumula sa tirik na tirik na araw.
Habang pinag-aaralan ko pa rin ang gubat na nasa aking harapan ay bigla akong nakarinig ng mahinang kaluskos sa loob ng gubat kaya hindi na ako nagdalawang-isip pa at agaran akong lumapit dito upang mas marinig ito at malaman kung anong ingay iyon.
“Hey. Are you there?” mahinang tanong ko sa kung sinumang nasa loob ng gubat na siyang may likha ng ingay na aking narinig. Nagbabaka sakali akong ang taong may likha ng kaluskos ay ang lalaking hinahanap ko. Maaaring pinagtataguan lamang ako nito sa kung anong dahilan na hindi ko batid.
Naghintay ako na may sumagot sa aking katanungan ngunit ilang minuto na ang nakakalipas ngunit wala pa rin akong nakukuhang sagot. Kaya naman ay mas lumapit pa ako sa pinanggalingan ng ingay na narinig ko at muli kong tinawag ang sinumang nasa loob ng gubat. Ngunit katulad kanina ay wala na naman akong nakuhang sagot. Sa halip ay naging marahas at malakas ang kaluskos na naririnig ko na tila ba may kung anong nilalang ang nagkukubli sa paligid na naghihintay lamang ng tamang pagkakataon upang umatake.
![](https://img.wattpad.com/cover/130714319-288-k387130.jpg)
BINABASA MO ANG
The Prophecy
FantasyIsang propesiya ang kinatatakutan ng lahat na maganap. Propesiyang nagsasaad ng kakila-kilabot na katapusan sa sandaling ang kadiliman ay hindi mapigilan. Isang natatanging babae lamang na siyang itinakda ang makapipigil ng kanilang kinatatakutang k...