ALTHEA’S POV
Ngayon ay araw ng Linggo at tinanghali na ako ng gising sa kadahilanang wala naman kaming pasok.
Nag-unat-unat pa muna ako bago ako bumangon ng kama. Nang makabangon na ako ay panay pa ang hikab ko habang inihahanda ko ang damit na susuutin ko sa araw na ito. Saglit lang naman akong naghanda ng aking susuutin dahil wala naman akong lakad kung kaya hindi na ako nag-abala pang pumili ng magandang susuutin.
Kaagad na akong pumasok ng paliguan bitbit ang damit na susuutin ko upang makaligo na ako at upang doon na lamang din ako magbihis sa loob.
Sandaling oras lang ang iginugol ko sa pagligo at pagbibihis. Makalipas lamang ang halos labinlimang minuto ay natapos na ako sa pagligo at maging sa pagbibihis kung kaya agad na rin akong lumabas ng paliguan.
Isang simpleng dilaw na shirt dress ang pinili kong suutin na hindi ko na pinaresan pa ng sapatos. Sa halip‚ ang pinili kong suutin ay ang pambahay na tsinelas na siyang suot ko kapag nasa loob lang ako ng silid.
Balot na balot ang ulo ko ng tuwalya nang lumabas ako ng paliguan para hindi tumulo ang tubig na nanggagaling sa buhok ko. Naaawa na kasi ako kay Sara dahil araw-araw niyang nililinis ang silid na inookupa ko. Ayaw ko namang pagpunasin pa siya ng sahig kaya mas mabuting iwasan ko na lamang na mabasa ang sahig nang sa gayon ay hindi na niya kailanganin pang punasan ito.
Maingat akong lumapit sa upuang katapat ng dressing table at dito ko pinalipas ang oras. Nang pakiramdam ko ay hindi na masyadong basa ang buhok ko ay saka ko lamang inalis ang tuwalya na nakabalot dito.
Bumalik na muna ako sa paliguan upang isampay roon ang tuwalyang ginamit ko bago ako bumalik sa kaninang kinauupuan ko upang suklayin ang aking buhok.
Tahimik ko lang na sinusuklay ang buhok ko sa harap ng salamin nang bigla akong makaramdaman ng isang presensya na papalapit sa pinto. Marahil ay si Sara ang aking nararamdamang papalapit. Siya kasi ang palaging nagdadala ng pagkain ko dahil ayokong sumabay kina Kaiden at sa pamilya niya. Nahihiya na rin kasi ako. Hindi ko rin naman kayang pakiharapan sila sa hapag dahil nakikitira na nga ako sa palasyo nila tapos makikisalo pa ako sa kanila. Isang kalabisan ang makisalo pa ako sa kanila lalo na’t hindi ko naman sila kapantay. Sila’y mga royalty habang ako ay isang ordinaryong tao lamang na malayong-malayo sa katayuan nila.
Nang maramdaman ko ang pagbukas ng pinto ay agad kong kinausap si Sara bago pa man siya makapasok ng silid habang abala pa rin ako sa pagsusuklay.
“Sara‚ nandito ka na pala. Kanina pa ki—”
“Magandang umaga!” sigaw ng isang pambatang boses na parang nakalunok ng sampung megaphone sa sobrang lakas ng kaniyang boses.
Agad kong itinigil ang pagsuklay ng aking buhok at salubong ang kilay na ibinaling ko ang aking tingin sa gawing kaliwa ko kung nasaan ang pinto. Bumungad sa akin ang isang batang babae na parang isang manika sa sobrang cute nito. Nakasuot ito ng kulay cyan na tutu dress at isang maliit na tiara na gawa sa purong ginto. Ang sapatos naman nito ay kulay ginto at napapalamutian ng mga hiyas‚ may ankle strap‚ may laso sa dulo at may takong na lampas sa isang pulgada ang haba.
Nilapag ko na muna sa tabi ng maliit na salamin ang suklay na kanina ko pa hawak saka ko nilapitan ang bagong dating na bata. Nang makalapit ako sa batang kanina pa nakatingin sa ‘kin ay maingat akong lumuhod sa kaniyang harapan para magpantay kami.
“Hi‚ baby girl. Ang cute-cute mo naman‚” tuwang-tuwa kong sambit habang pilit kong nilalabanan ang panggigigil na nararamdaman ko para sa batang aking kaharap na ubod ng cute.
Giliw na giliw na pinagmasdan ko ang maamong mukha ng bata. May katabaan ang pisngi nito‚ kulay asul ang kaniyang round shaped eyes‚ matangos ang ilong‚ pinkish ang manipis nitong mga labi at may maputing balat na mamula-mula pa.
BINABASA MO ANG
The Prophecy
FantasíaIsang propesiya ang kinatatakutan ng lahat na maganap. Propesiyang nagsasaad ng kakila-kilabot na katapusan sa sandaling ang kadiliman ay hindi mapigilan. Isang natatanging babae lamang na siyang itinakda ang makapipigil ng kanilang kinatatakutang k...