9: HELPING HAND

76 1 0
                                    


Nagngangalit ang panahon ng mga oras na iyon. Malakas ang kulog at matalim ang kidlat. Malakas rin ang buhos ng ulan. Madilim ang buong paligid dahil hating gabi na. Wala ng mga tao sa kalye kung saan siya tumatakbo at basang-basa ng ulan. Nanlalabo na ang kanyang paningin sa pinaghalong luha at tubig-ulan.

Bakas ang kanyang dibdib at katawan sa manipis na sedang kanyang suot. Nanginginig na ang buo niyang katawan dahil sa pinaghalong lamig at matinding kaba ngunit hindi siya puwedeng tumigil upang sumilong man lang. Kahit hindi alam ng mga paa niya kung saang direksiyon pupunta ay patuloy lang siya sa pagtakbo. Kailangan niyang tumakbo nang tumakbo upang makalayo sa mga taong humahabol sa kanya.

Panay ang lingon niya sa likuran. Umaasa siyang nakalayo na siya sa mga ito. Napapitlag siya sa gulat nang biglang tumama ang kidlat at malakas na kulog. Nagtakip siya ng tenga habang nakayukong tumatakbo. Ang akala kasi niya ay putok iyon ng baril.

Tumakbo siya sa loob ng palengke at doon naghanap ng masisilungan. Nagsumiksik siya sa ilalim ng sementadong lamesa. Pinagtitindahan iyon ng isda o dili kaya ay baboy dahil amoy pa niya ang lansa niyon. Tiniis niya ang mabahong amoy at doon nahiga at niyakap ang sarili.

Kahit nanginginig sa lamig ay takot ay ipinikit niya ang kanyang mga mata at pilit kinalma ang kanyang kalooban. Dahil sa sobrang pagod ay nakatulog siyang may luha sa mga mata.

"Bili na kayo ng isda! Mga suki! Bili na kayo!" malakas na sigaw at matinding ingay sa paligid ang gumising sa kanya.

Idinilat niya ang kanyang mga mata pero hindi niya magawang makabangon. Nasapo niya ang kanyang ulo at bandang likuran dahil sa sobrang sakit niyon. Nakakaramdam din siya nang matinding pagkahilo. Umiikot ang kanyang paningin.

Sinubukan pa rin niyang bumangon upang makalabas sa pinagtataguang lamesa kahit masama ang pakiramdam niya.

"Ay susmaryosep!" Nagulat pa ang tindera nang bigla siyang lumabas sa ilalim ng lamesa.

"Sino ka? Bakit nariyan ka?" mataray na sabi ng babae. Nakapamewang at nakataas ang kilay nito habang nakatingin sa kanya.

Hindi siya nakasagot sapagkat bigla na lamang siyang nawalan ng malay. Nagising siya na nakahiga sa isang mahabang upuan. Nasa loob pa rin siya ng palengke at mukha ng isang nakangiting lalaki ang bumungad sa kanya.

"Mabuti at gising ka na. Kumusta ang pakiramdam mo?" tanong nito sa kanya.

Sinapo niya ang kanyang ulo. Sobrang sakit pa rin niyon. Hinawakan rin niya ang kanyang tiyan dahil nakaramdam siya ng matinding sakit niyon.

"Siguro ay gutom ka na. Kumain ka muna para makainom ka ng gamot," sabi pa ng lalaki saka inabot sa kanya ang baunan ng pagkain na may lamang kanin at pritong isda. Tiningnan niya iyon bago tinanggap. "Sige, kainin mo na. Baon ko iyan pero ikaw na lang ang kumain. Mas kailangan mo iyan kaysa sa akin."

"S-salamat," aniya saka sinunggaban na ang pagkain. Wala siyang pakialam kahit nagmukha siyang patay-gutom. Gutom na gutom talaga siya dahil hindi na niya nagawa pang kumain man lang matapos masaksihan ang nangyari kagabi sa mansiyon na kanyang pinanggalingan. Mas nanaig ang takot sa kanya kaysa sa gutom at ang tanging nasa isip niya nang mga oras na iyon ay ang tumakbo palayo.

"Taga-saan ka ba?" tanong ng lalaki sa kanya. Hindi naman siya sumagot sa halip ay nagpatuloy lang sa pagkain. "Sige, kung ayaw mong sabihin kung saan ka nakatira baka puwede mong sabihin sa akin kahit ang pangalan mo?"

"Zoey," tipid na tugon niya.

"Ako si Nathaneil, Neil for short." Nag-abot pa ito ng kamay sa kanya. Alanganin naman niya itong tinanggap.

Untold Story Of The Billionaire's EscortTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon