34: SEARCHING FOR ZOEY

34 1 0
                                    


"Gavin," paulit-ulit niyang narinig ang kanyang pangalan habang siya ay nakapikit. Napakalabo ng itsura ng babaeng tumatawag sa kanya pero pamilyar ang boses nito.

"Gavin," muling tawag ng babae. Palakas iyon ng palakas na para bang tinatawag talaga siya. May lungkot din sa boses nito na para bang hirap na hirap ito.

"Gavin, tulungan mo ako!" sabi pa nito.

Bigla siyang bumangon mula sa pagkakahiga sa kanyang kama. Tagaktak ang kanyang pawis at tila hinahabol ang kanyang paghinga. Naguguluhan ang kanyang isip kung sino ang babaeng tumatawag sa kanyang panaginip.

"Sino kaya siya?" tanong niya sa sarili. Pilit inaalala ang mukha nito.

"Gising na pala kayo, Sir Gavin," sabi naman ng dalagitang may hawak na tray ng pagkain at inumin. Nakangiti itong lumapit sa kanya at inilapag ang pagkain sa side table. "Ito na po ang pagkain ninyo. Pinadala po ni Itay baka daw po gising na kayo. Tanghalian na rin po kasi kaya baka gutom na rin kayo."

Nginitian niya ang dalaga. "Salamat."

Umalis na rin ang dalaga at naiwan siyang nag-iisip pa rin. Mula nang magising siya mula sa pagka-comatose ay ito lang at ang ama nito ang tanging nagisnan niya. Ito rin ang nag-alaga sa kanya habang siya ay nagpapagaling. Ni hindi niya alam ang pangalan ng mga ito. Nagpakilala lang ang mga ito bilang Mang Damian at Angela.

Dinala siya ng dalawang ito dito sa bahay niya. Pamilyar siya sa bahay na iyon sapagkat ito ang regalo ng kanyang yumaong ina. Wala naman siyang natatandaang nagkaroon siya ng kasama sa bahay na iyon. Tanging siya lamang ang naninirahan doon mula nang magpasya siyang manatili na lamang sa Pilipinas at bumukod sa kanyang ama.

Sabi ng doctor na tumingin sa kanya ay nagkaroon daw siya ng tinatawag na retrograde amnesia kung saan nakalimutan niya ang mga bagong tao at pangyayari sa buhay niya. Ang tanging natatandaan lamang niya ay ang nakaraan.

Ang huling alaala niya ay umuwi siya ng Pilipinas para dalawin ang kanyang ina. Ibinalita kasi ng kanyang ama na patay na raw ito. Nagpakamatay raw ito. Hindi siya naniwala dito at nagkimkim siya ng sama ng loob. Lumayas siya sa mansion nito at namuhay ng mag-isa sa bahay na bigay ng kanyang ina.

Bukod sa nawala raw ang alaala niya ay nagkaroon siya ng injury sa kanyang kanang paa. Naipit ito nang mabangga ang kanyang sinasakyan sa isang poste. Hindi pa siya makalakad nang maayos hanggang ngayon pero nag-umpisa na ang kanyang therapy. Kahit paano ay malayo-layo na rin ang kanyang nalalakad gamit nga lang ang kanyang stainless na saklay.

Kumain na siya at matapos iyon ay tumayo na upang maligo. Hindi pa rin mawala sa isip niya ang boses ng babaeng tumatawag sa kanyang pangalan.

"Sino nga kaya siya?" sambit niya habang nagbibihis.

Matapos magbihis ay dahan-dahan na siyang naglakad palabas ng kanyang kuwarto. Hirap man ay nagawa niyang bumaba sa hagdan. Mabilis naman siyang sinalubong ng matanda. Itinigil nito ang tangkang pag-inom ng tubig nang makita siya.

"Sir Gavin," bati nito sa kanya at inalalayan siya nito hanggang sa makaupo siya sa sofa.

"Itay Damian, may gusto po akong itanong."

"Ano iyon, Hijo?"

"Bakit po ako naaksidente?" tanong niya.

"Lasing ka noon e. Hindi ko alam pero parang may hindi kayo naging pagkakaintindihan ni Zoey," tugon naman nito.

"Sino po si Zoey?" nagtatakang tanong niya. Hindi niya matandaan ni ang pangalan nito.

"Girlfriend ninyo siya, Sir. Kasama ninyo siya sa bahay na ito."

Untold Story Of The Billionaire's EscortTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon