"Mahigit isang linggo na pero wala pa rin tayong balita kay Zoey," saad ni Mang Alvin kay Gavin habang magkaharap sila sa may sala. Katatapos lang nilang kumain ng agahan at naisipang magpahinga bago muling maghanap kay Zoey.
Nasa Alabang sila ngayon kung saan dating nakatira si Gavin. Isinama niya ang kanyang ama upang makatulong niya sa paghahanap. Humingi na rin sila ng tulong sa kaibigan nitong pulis para mahanap si Zoey ngunit hanggang ngayon ay wala pang impormasyon galing sa mga ito kahit sa kinaroroonan ni Dancel na dumukot dito.
Pinagsalikop naman ni Gavin ang kanyang mga kamay at inilagay iyon sa kanyang noo pagkatapos ay malalim na bumuntong hininga. Ilang araw na ring sumasakit ang kanyang ulo sa labis na pag-iisip. Labis rin siyang nag-aalala sa kalagayan ni Zoey. Labis rin ang kanyang pagsisisi na sana ay hindi na lang niya iniwan ito.
Nagpunta na siya sa Glorioso Group of Companies pero wala ni anino ni Dancel roon. Ang sabi ng receptionist na nakausap niya ay matagal na raw nasa bakasyon si Dancel at hindi pa bumabalik. Ilang ulit ring binalikan niya ang mga lugar na posibleng pagdalhan ni Dancel kay Zoey pero bigo pa rin siya.
"Buwisit ka, Dancel! Saan mo tinago si Zoey?" inis na sabi niya sabay suntok sa lamesa na nasa kanyang harapan. Mabuti na lamang at gawa rin iyon sa kawayan kaya't hindi madaling nasira.
"Narito po tayo ngayon kung saan gaganapin ang presscon ng nag-iisang heiress ng Glorioso Group of Companies. Kamakailan lamang ay napabalita na nawawala si Miss Candice Valdez Smith kaya hindi natuloy ang inaasahan sana nating kasalan ng taon. Ngunit ngayon ay sasagutin na nila ang mga katanungan. Masasagot na ang katanungan kung ano nga bang nangyari kay Miss Candice at kung bakit ito nawala. Masasagot na rin kung itutuloy na nga ba ang naudlot na kasal nito at ng kanyang fiancé na si Dancel Rodriguez. Antabayan po natin sa isang saglit lamang."
Natuon ang atensiyon nina Mang Alvin at Gavin sa balitang nakita at narinig sa telebisyon. Parehas silang nakatutok ang mga mata roon at nagkatinginan pagkatapos.
"Nandito na sila," sambit pa ni Gavin. Biglang sumibol ang pag-asa sa puso niya na makikita at mababawi na niya si Zoey.
Muling itinutok niya ang atensiyon sa telebisyon nang ipakita ang mukha nina Dancel at Zoey sa harap ng telebisyon. Para itong mga artista na pinagkaguluhan ng mga press pagpasok na pagpasok palang sa main hall ng Glorioso. Umupo ang mga ito sa silya na nasa gitna ng mahabang mesa.
Nakatuon ang mga mata ni Gavin kay Zoey na tipid na nakangiti sa harap ng camera. Halata sa mukha nito ang kaba at nerbiyos. Kumunot ang kanyang noo dahil sa pagtataka.
"Paano kayang nakumbinsi ni Dancel si Zoey na magpakita sa press?" si Mang Alvin ang nagsalita ng kanyang saloobin.
"Iyon nga rin po ang tanong na naglalaro sa isip ko." Kahit anong pag-iisip ang gawin niya hindi pa rin niya maunawaan kaya pinili niyang makinig sa sasabihing kasinungalingan ng mga ito. Tiyak naman siyang may hinabi na si Dancel na kasinungalingan para ilatag sa mga press.
"You may start asking Mr. Dancel and Miss Candice," anunsiyo ng emcee ng programa.
Tumayo naman ang isang babae at hawak ang microphone na nagtanong, "Miss Candice, bakit po kayo matagal na nawala noon?"
Tumingin naman si Zoey kay Dancel bago nagsalita. Tumango ang huli at makahulugang ngumiti bago muling humarap sa mga tao. Inilapit ni Zoey ang microphone sa kanyang bibig saka nagsalita.
"I had an accident before our wedding," saad ni Zoey na ikinagulat ng lahat. Kahit si Gavin ay nagulat sa isinagot nito. Nagtataka siya kung bakit hindi sinabi ni Zoey ang totoo. Na tinakasan nito si Dancel at nagtago ito kasama siya.
"Accident?" sambit ng isang media personnel.
Tumango naman si Zoey. "Yes. It happened when I go for a vacation before our wedding day. All are settled for our wedding and we are only waiting for the date so I decided to unwind by myself. You know, after a long time being single I will be married soon and I can't believe it but unfortunately, an accident happened."
BINABASA MO ANG
Untold Story Of The Billionaire's Escort
RomanceMatagal nang prostitute si Zoey kaya naman sanay na siyang binabastos lang ng mga lalaki. Wala lang iyon sa kanya. Sanay na siya! Kaya naman niyang ibigay ang katawan niya sa kahit sinong lalaki basta may katumbas na halaga pero nagbago ang pananaw...