19: PROMISE

60 3 0
                                    

Agad na nagpunta si Gavin sa bahay ng kanyang ama. Sa gate pa lamang ng kanilang bahay ay sumalubong na sa kanya ang mga tauhan nito na armado ng mga baril.

"Magandang gabi, Sir Gavin," bati sa kanya ng mga ito. Tinanguan lang niya ang mga ito at dumiretso na sa loob ng bahay. Kilala siya ng mga ito kaya naman malaya siyang nakapaglakad papasok sa loob ng bahay.

Dumiretso siya sa library room kung saan naroon ang opisina ng kanyang ama. Lumingon ito sa gawi niya nang buksan niya ang pinto niyon. Agad itong ngumiti sa kanya. Ibinaba nito ang hawak na libro at lumapit sa kanya.

"Akala ko, susuwayin mo na naman ako," sambit ng kanyang ama saka inakbayan siya at iginiya sa may mini bar na nasa sulok ng library room na iyon. Nagsalin ito ng alak sa baso at ibinigay sa kanya. Tinanggap naman niya iyon at diretsong nilagok ang laman niyon. Gumuhit pa ang mainit na likido niyon sa kanyang lalamunan.

"Ano na naman bang illegal na transaction ang ipapagawa mo?" diretsahang tanong niya rito.

"How did you know it's illegal?" nakangising tanong nito.

"Who will do a negotiation that was late in the evening?" pilosopong sagot niya.

Ngumisi lang ito at tinapik siya sa balikat. "This is your second time and I know you can do it again. We have a deal with Mr. Kang. That was a shipment of high-powered firearms. Don't worry, I'll go with you."

"Pinasok na rin pala ninyo pati ang pag-i-smuggle ng mga high powered na baril. Iba ka talaga!" sarkastikong sabi niya.

"If that was a compliment, then thank you, son," sarkastikong tugon nito na may nakakainis na ngiti.

"Next time, I will train you how to handle guns," sabi pa nito sa kanya bago lumagok ng wine sa baso nito.

"Tuturuan mo akong pumatay?" Tumaas ang kanyang kilay. "That would be better."

"Kasama sa business natin ang pagpatay. Sa negosyong ito, kailangang maka-survive ka. Makaka-survive ka lang kung marunong kang lumaban at pumatay."

"Parang bigla akong na-excite sa training na iyan. Magagawa ko nang ipaghiganti si Mama laban sa'yo." Nakipagtitigan siya sa kanyang ama. Nagtagisan sila ng masamang tingin sa isa't isa.

"You bastard! Do you think na tuturuan kita para suwagin lang ako? Hindi mo magagawa iyan. Kahit matuto ka pang humawak ng baril, imposibleng mapatay mo ako. In your personality, I know you are scared of killing people," puno ng kompyansang sabi nito.

"Gaano ka kasigurado?" nakangising sabi niya sa ama.

"You can't kill your own father. I'm 100% sure of that."

Hindi siya sumagot. Nag-igting ang kanyang mga panga at lihim niyang ikinuyom ang kanyang mga kamao. Kapag nakikita niya ang kanyang ama, tanging galit ang nararamdaman niya para dito.

Ngunit tama ang kanyang ama, kahit ang sarili niya ay hindi sigurado kung kaya niya bang pumatay lalo na ng sariling ama. Kaya ba ng galit niyang patayin ito? Wala naman siyang ebidensiya na ito talaga ang pumatay sa kanyang ina kaya wala pa siyang matibay na rason para patayin ito. Ang tanging pinanghahawakan niya ay ang malakas niyang kutob.

Eksakto alas nuebe ng gabi nang makarating sila sa isang pier. Maraming nakapalibot na naglalakihang container van. Kaharap na nila ngayon ang isang instik na nasa 40's ang edad. May kakisigan at may itsura rin namang ipinagmamalaki. Mukhang bata pa ito at sanay na sa ganoong klaseng negosyo base sa tikas nito. Marami ring armadong kalalakihan ang nakapalibot sa kanila. Medyo kinakabahan siya na baka biglang magkaengkwentro. Sa ganitong kalaking transaksiyon hindi imposible ang double cross o kaya ay raid ng mga pulis.

Untold Story Of The Billionaire's EscortTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon