Alas dose pasado na pero hindi pa rin dinadalaw ng antok si Zoey. Labis siyang nag-aalala sa kalagayan ni Gavin. Pinagkiskis niya ang namamawis niyang mga palad habang pabalik-balik na naglalakad sa loob ng sala. Hindi niya maipaliwanag ang lakas ng kaba sa kanyang dibdib.
"Hija, huwag kang mag-alala, parating na ang mga iyon," sabi naman ni Mang Alvin sa kanya.
"Sigurado po ba kayong hindi sila nahuli ng pulis?" nag-aalalang tanong pa niya.
"Hindi, hija. Nag-text na sa akin si Gavin. On the way na raw sila," tugon naman nito na ipinakita pa sa kanya ang cell phone kung saan naroon ang mensahe ni Gavin.
Nagbuga naman siya nang malalim na buntong hininga saka naupo sa sofa.
"Salamat naman kung ganoon pero nasaan na kaya sila? Malapit na kaya sila?"
Sakto namang may narinig silang malakas na busina galing sa labas.
"Oh, sila na siguro iyon," sabi naman ni Mang Alvin.
Halos sabay silang tumayo at mabilis na tumungo sa labas ng bahay. Nakita niyang binubuksan ng dalawang guwardiyang pulis ang malaking green na gate. Pumasok mula roon ang kotse na pagmamay-ari ni Sgt. Martinez. Pumarada iyon malapit sa kinaroroonan ng sasakyan ni Gavin. Iniluwa ng kotseng iyon ang mga sakay nito.
Biglang lumukso sa tuwa ang kanyang puso nang makita si Gavin. Nagtama ang kanilang mga paningin at nginitian ang isa't isa. Biglang naningkit naman ang kanyang mga mata nang mapansin ang babaeng huling lumabas ng sasakyan. Pamilyar ang mukha nito sa kanya ngunit hindi pa niya gaanong matandaan kung sino ito.
Sabay-sabay na lumapit sina Gavin sa kinaroroonan nila.
"Oh, bakit gising pa kayong dalawa?" tanong ni Sgt. Martinez sa kanilang dalawa ni Mang Alvin.
"Sinamahan ko lang si Zoey. Hindi kasi siya makatulog hanggang wala pa kayo," sabi naman ni Mang Alvin.
Agad namang niyakap ni Zoey si Gavin nang makalapit ito sa kanya. Gumanti naman ito ng yakap at hinalikan siya sa noo.
"I am safe now," sabi pa nito sa kanya. "Bawasan mo ang pag-aalala mo. Hindi iyon makabubuti sa'yo."
"Hindi ko maiwasang hindi mag-alala kapag wala ka sa tabi ko," sabi pa ni Zoey habang nagsumiksik sa dibdib ni Gavin.
"Ang sweet naman," komento ng babae habang nakatingin sa kanilang dalawa. Tiningnan niyang muli ito. Kunot ang kanyang noo at naniningkit pa rin ang kanyang mga mata sa labis na pagtataka kung sino ang babaeng kasama ni Gavin na dumating.
"S-sino siya?" tanong pa niya.
"Hindi mo ako kilala, Zoey?" nagtatakang tanong naman ng babae.
Umiling naman siya. Nanlaki ang mga mata nito at napanganga nang bahagya sa gulat. "Talaga? May amnesia ka ba?"
"Wala siyang amnesia. Nagkaroon lang siya ng temporary memory loss dahil sa mga gamot na ininom niya dati," sagot naman ni Gavin.
Tumango-tango naman ang babae pero hindi pa rin inaalis ang tingin sa kanya.
"Siya nga pala, siya si Aloha. Kaibigan mo siya," pakilala pa ni Gavin sa babae.
"Kaibigan?" Tila diskumpiyado siya sa sinabi ni Gavin. Wala kasi siyang matandaan na kahit isang kaibigan.
"Oo. Kaibigan mo ako at saka si Chelsea. Nami-miss ka na ng bruhang iyon."
"Chelsea?" Pamilyar naman sa kanya ang pangalang iyon ngunit hindi naman niya matandaan ang mukha nito. Marahil ay kapag nakita niya ay saka pa lamang niya ito matatandaan.
BINABASA MO ANG
Untold Story Of The Billionaire's Escort
RomanceMatagal nang prostitute si Zoey kaya naman sanay na siyang binabastos lang ng mga lalaki. Wala lang iyon sa kanya. Sanay na siya! Kaya naman niyang ibigay ang katawan niya sa kahit sinong lalaki basta may katumbas na halaga pero nagbago ang pananaw...