26: NECKLACE

40 1 0
                                    

Oras na para gawin niya ang binabalak na pagtakas. Pigil ang kanyang hininga nang makalabas ng kuwarto at maglakad sa kahabaan ng pasilyo. Sa wakas ay narating din niya ang malaking wooden door sa may entrance ng mansion. Bumuntong hininga siya nang malalim bago hinawakan ang seradura niyon. Ngunit hindi pa man niya naiikot ang seradura ay may kamay na bigla na lamang humawak sa kanyang balikat.

Muntik na siyang mapasigaw. Mabuti na lamang at agad na natakpan ng kung sinoman ang kanyang bibig. Nanlalaki ang mga mata niyang nakatitig sa hindi niya gaanong maaninaw na mukha ng isang babae. Alam niyang babae iyon dahil aninag niya ang mahabang buhok nitong nakaladlad at ang suot nitong duster.

"Huwag kang maingay," saway nito sa kanya nang magpumiglas siya. Inalis nito ang kamay na nakahawak sa kanyang bibig at sumenyas ito sa pamamagitan ng isang daliri na nakatayo sa gitna ng labi nito.

"Sino po kayo?" mahinang bulong niya.

"Hindi na mahalaga kung sino ako. Basta ang gusto ko lang, tulungan kang makaalis dito." Pamilyar sa kanya ang boses ng babae. Lalo niyang inaninaw ang mukha nito. Salamat sa kaunting liwanag na mula sa labas ng bintana matapos nitong buksan iyon para silipin ang mga tao sa labas dahil nakilala niya ito.

"K-kayo po ang asawa ni Don Guillermo 'di ba?"

Hindi sumagot ang babae pero kita niya sa mukha nito ang labis na lungkot at pagdurusa.

"Huwag ka na magsayang ng oras. Kailangan mo na makatakas dito at gusto kong dalhin mo ito." Inilagay nito sa kanyang palad ang isang kuwintas na may nakasabit na maliit na susi.

"Para saan po ito?"

"Susi iyan ng isang mahalagang kahon. Gusto kong ibigay mo iyan sa anak ko," sabi pa nito saka itiniklop ang kanyang mga palad.

"Pero sino po ba anak ninyo?"

May papel itong ibinigay sa kanya. "Nandiyan ang impormasyon tungkol sa anak ko. Pati na rin ang instructions ng dapat ninyong gawin sa kahon na sinasabi ko. Puntahan mo ang anak ko. Tutulungan ka niya."

Hinawakan niya ang kuwintas matapos sumagi sa isip niya ang babaeng tumulong sa kanya para makaligtas sa kamay ni Don Guillermo. Iniisip niya kung saan niya mahahanap ang sinasabing mahalagang kahong paggagamitan sa susi at ang anak nitong ni hindi man lang niya nalaman kung ano ang pangalan niyon.

Bumuntong hininga siya nang malalim habang nakatitig pa rin doon.

"Hoy Zoey! Baka malunod ka sa lalim ng iniisip mo a," sabi sa kanya ni Chelsea na bigla na lamang sumulpot sa kanyang likuran.

Nasa Desire's Place sila at naghihintay ng gaganaping bidding. Tumabi ito sa kanya at umupo sa steel chair na nasa tapat ng bar counter kung saan nagse-serve ng mga inumin ang isang bartender.

Walang salitang nilingon niya ito. Kinuha niya ang baso ng alak na kanina pa naka-serve sa kanya at tinungga iyon. Basta na lang din niya inagaw hawak ni Chelsea na stick ng sigarilyo at hinithit iyon.

"Aba't ang babaeng ito, hindi na lang nagsindi para sa sarili niya," reklamo nito sa kanya sabay irap.

"Ikaw na lang ang magsindi ng para sa'yo," sabi naman niya at humihit ulit sa sigarilyo. Ibinuga pa niya iyon malapit sa mukha nito na ikinaubo niyon.

"Pasaway ka talaga," reklamo nito habang panay ang pag-ubo.

Hindi naman siya sumagot at muling itinuon ang isip at mga mata sa kuwintas na kanyang suot.

"Isanla na lang kaya natin ang kuwintas mo na iyan?" biglang suhestiyon ni Chelsea sa kanya sabay nguso sa kwintas na suot niya. "Ginto iyan. Tiyak na mamahalin."

Untold Story Of The Billionaire's EscortTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon