68: REGRET

25 1 2
                                    

"Mahal!" masayang tawag ni Gavin kay Zoey pagpasok na pagpasok palang sa bahay-kubo na kanilang tinitirhan. Natigilan siya nang mapansing magulo ang buong bahay. Nawala sa pagkakaayos ang mga upuan at ilang mga gamit. Nagbagsakan ang ilang mga gamit na nakapatong sa lamesa at mga estante.

Agad siyang kinutuban ng hindi maganda. Pabagsak niyang nailapag ang mga hawak na pinamili. Mabilis siyang pumasok sa loob at nilibot ang buong bahay. Tinawag niya nang paulit-ulit ang pangalan ni Zoey ngunit walang sagot mula rito. Wala rin ni anino nito.

Natawag ang pansin niya ng isang punit na puting tela na nasa sahig. Agad niya itong dinampot. Naamoy niya ang pinaghalong pabango at amoy ng gamot. Pamilyar ang amoy na iyon kaya't agad pumasok sa isip niya ang iisang taong kilala niyang may ganoong klaseng pabango.

"Dancel," gigil na sambit niya. Nakuyumos niya ang hawak na tila at nanlilisik ang mga mata niyang nakatitig sa kawalan.

Agad siyang lumabas ng bahay na iyon. Walang pagtutumpik-tumpik na tinahak niya ang kahabaan ng pilapil. Walang laman ang utak niya kundi ang bawiin agad si Zoey sa mga kamay ni Dancel.

"Oh, Gavin. Bakit nagmamadali ka?" tanong ni Mang Alvin nang magkasalubong sila. Malapit na siya sa kanyang sasakyan nang makasalubong niya ito.

"Si Zoey, kinidnap siya ni Dancel," tugon niya.

"Ha?" Bumakas ang gulat at pag-aalala sa mukha nito. "Kung ganoon, alam mo ba kung saan siya dinala?"

"May ideya na ako kung saan niya dinala si Zoey kaya doon ko siya pupuntahan. Kailangan kong mabawi agad si Zoey bago pa man may mangyaring hindi maganda sa kanya."

Aktong sasakay na siya sa sasakyan nang pigilan siya nito sa braso.

"Sandali lang, may armas ka bang magagamit kung sakali?"

Sandali siyang nag-isip. Nawala sa loob niya ang bagay na iyon. Bigla siyang napailing.

"Halika, bumalik tayo sa bahay," aya nito sa kanya. Sumunod naman siya kahit wala siyang ideya sa kung anong nasa isip nito.

Nakarating sila sa bahay at agad na nagtungo si Mang Alvin sa loob ng kuwarto nito. Paglabas nito ay may hawak na itong kalibre .45. Iniabot nito ito sa kanya. Kumunot ang kanyang noo sa pagtataka kung bakit nagkaroon ng ganoong klaseng baril si Mang Alvin.

"Lisensyado iyan. Hiningi ko iyan sa kaibigan kong pulis, pamproteksiyon."

Tumango naman siya at tinanggap ang baril. Tinalikuran na niya ito pero muli siyang tinawag nito.

"Mag-ingat ka, anak."

Masarap sa pakiramdam niya ang pagtawag nito sa kanya ng ganoon. Ngumiti siya at nilapitan ito. Niyakap niya ito ng mahigpit. Yakap ng isang anak sa kanyang ama.

"Salamat, itay," tugon naman niya saka kumawala sa pagkakayakap nito. Mabilis na siyang naglakad patungo sa kanyang sasakyan. Wala siyang sinayang na sandali. Pinaharurot niya iyon. Isang destinasyon lamang ang kanyang nasa isip. Sa resthouse ni Dancel.

Mahaba ang kanyang naging biyahe pero hindi niya ininda ang pagod at gutom. Ang nais lang niya ay agad matagpuan si Zoey at mabawi sa kamay ni Dancel. Nang makarating siya sa rest house ay agad siyang sumugod dito. Sinipa niya ang walang kalaban-labang pinto niyon. Halos mawasak iyon sa lakas ng ginawa niyang pagsipa.

Nilibot niya ang kabuuan ng bahay. Tinawag niya ang pangalan ni Zoey ngunit walang sumasagot. Malinis ang paligid at walang bakas ng tao na nagawi sa lugar na iyon. Tahimik ang paligid at tanging huni ng ibon ang maririnig. Kumahol din ang aso na nasa kabilang bahay malapit roon. Marahil ay napansin nito ang ingay na nilikha niya. Tumawag ng pansin iyon sa matandang babaeng nasa kabilang bahay.

Untold Story Of The Billionaire's EscortTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon