53: KONTRA-BIDA

28 1 0
                                    

"Aalis muna ako," paalam ni Aling Helga sa kanila. Magtutungo ito sa palengke ng araw na iyon para mamili ng kanilang kakainin hanggang mamayang gabi. Tapos na silang magsikain ng almusal at naghuhugas na siya ng plato. Samantalang si Chelsea naman ay naglilinis na ng bahay.

"Sige po, ingat po kayo," sabi na lamang niya saka ipinagpatuloy ang ginagawa.

Lumapit naman si Chelsea sa kanya at bumulong. "Hanggang kailan mo ba balak magtago at magpanggap na Grace. Grabe ha? Nakakarami ka na ng pangalan."

"Hindi ko pa alam pero naiisip kong maghanap tayo ng pagkakakitaan para makaipon na rin tayo at makaalis dito. Ayoko na rin namang maging pabigat dito."

"Hay naku, kung hindi mo siguro ako dinamay, siguradong dire-diretso pa ang raket ko sa Desire's. Hindi sana ako nakikitira dito at namumulubi dahil wala kahit singkong duling," anito na nag-roll eyes pa.

"Sorry na kung nadamay kita. Hindi ko naman akalaing biglang susulpot doon si Don Guillermo. Kung bakit ba kasi ang lakas ng pang-amoy ng demonyong iyon," aniya saka napabuntong hininga.

"Hay naku, baka naman kasi malakas talaga ang kamandag mo at kahit malayo ka ay naaamoy ka nila. Ewan ko lang ba kasi itong si Gavin kung bakit hindi siya nauunang mahanap ka."

Bigla siyang nakaramdam ng lungkot sa pagkabanggit sa pangalan nito. Miss na miss na niya ito pero hindi niya magawang lumapit dito. Kung ginawa niya iyon, tiyak na mas malala ang naging sitwasyon. Ayaw niyang mapahamak pa si Gavin dahil sa kanya. Tulad nila ngayon ni Chelsea na nagtatago sa panganib.

"Kahit makita niya ako, hindi ako sasama sa kanya," aniya pa.

"Pero bakit? Kaya ka naman niyang protektahan laban sa demonyong ama niya."

"Hindi. Hindi niya kayang labanan ang sarili niyang ama. Mapapahamak lang siya."

"Akala ko ba mahal mo siya? Dapat may tiwala ka sa kanya. Lahat ng taong nagmamahal kayang lumaban kahit pa hanggang kamatayan."

"Iyon nga ang ayokong mangyari. Ang mamatay siya dahil sa akin. Hindi ko kakayaning mawala siya sa buhay ko."

"Hay naku, ewan ko sa'yo. Ayaw mo siyang mawala pero iniiwasan mo naman siya. Alam mo bang mas masakit sa isang tao ang alam mong nandiyan siya pero hindi mo makasama. Mas matindi pa iyon sa namatayan ka. Kapag namatay ang isang tao, isang pagluluksa lang. Pero iyang hindi mo makasama kahit buhay naman siya, para kang paulit-ulit na pinapatay. Panghabang-buhay ang pagdurusa," mahabang litany nito.

"Aba! Kung makapagsalita ka, akala mo naman nakaranas ka ng umibig ng wagas," aniyang natatawa.

"Hoy! Kahit pokpok ako, marunong akong magmahal 'no? Iyon nga lang, hindi ko pa nakikita talaga ang knight in shining armour ko. Pero kung matagpuan ko na siya, hindi ko siya papakawalan katulad ng ginagawa mo. Abot-kamay mo na ayaw mo pang hawakan."

Inirapan siya nito bago tinalikuran. Ipinagpatuloy nito ang pagwawalis. Nailing na lamang siyang ipinagpatuloy rin ang ginagawa. Napapaisip rin naman siya. Paano nga kaya kung subukan niyang bumalik kay Gavin? Matatanggap pa kaya siya nito kahit na itinaboy na niya ito?

Alas diyes ng umaga nang makabalik si Aling Helga. Sinalubong nila ito at tinulungan sa pagbubuhat ng bayong na may mga pinamiling iba't ibang gulay.

"Salamat," ani Aling Helga nang maiabot sa kanila ang pinamili.

Ipinasok na nila iyon sa loob ng bahay. Samantalang abala naman sina Vil at Vic sa ginagawa sa vulcanizing shop. Napapansin lang niyang sumulyap si Vil sa kanya nang dumaan siya sa harap nito. Ginantihan lang niya ito ng ngiti.

"Nakakapagod maglibot sa palengke. Ang hirap maghanap ng mumurahing bilihin. Napakamahal ng gulay at karne pati na rin ang isda," reklamo ni Aling Helga nang makaupo na ito sa silya. Nagpunas pa ito ng pawis gamit ang mga kamay.

Untold Story Of The Billionaire's EscortTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon