Sa isang abandonadong gusali sila dinala ni Don Guillermo. Hindi niya sigurado kung gaano kalayo ang kanilang nilakbay mula sa safe house hanggang dito. Ngunit isa lamang ang alam niya, nasa tiyak silang panganib at anumang oras ay may masamang mangyari sa kanila.
Ibinaba sila sa kotse at dinala sa isang bakanteng silid. Walang anumang naroon kundi isang silya at isang mesa. Pabagsak silang inihagis roon. Halos madapa pa siya sa lakas ng pagkakatulak sa kanya. Pinagtulungan sila ng mga lalaki na itali ang kanilang mga paa at kamay.
"Hayup ka talaga, Don Guillermo!" patuloy na sigaw ni Aloha habang itinatali ang mga kamay nito.
"Lagyan ng duct tape ang bibig ng babaeng iyan. Ang ingay!" reklamo at utos ni Don Guillermo na agad namang sinunod ng mga tauhan nito. Ngunit kahit may duct tape na ang bibig ni Aloha ay patuloy pa rin ang pagsasalita nito ngunit hindi na maintindihan dahil sa nakatakip sa bibig nito.
"Huwag si Lorraine." Pinigilan nito ang lalaki sa tangkang paglalagay ng duct tape sa kanyang bibig. Agad naman tumayo ang lalaki at lumayo. "May pag-uusapan lang kaming importanteng bagay."
Lumapit sa kanya si Don Guillermo at itinapat ang mukha sa kanyang mukha. Dinuraan niya ito at tinitigan nang masama. Inis namang pinahid nito ang laway na tumalsik sa mukha nito. Nagngalit ang ngipin nito at nagsalubong ang mga kilay. Agad na dumapo sa kanyang mukha ang isang malakas na sampal galing sa mga palad nito. Halos tumabingi ang kanyang mukha sa lakas ng sampal na iyon. Ramdam niya ang labis na hapdi at pag-iinit ng kanyang mukha pero ininda niya iyon at muling tiningnan si Don Guillermo.
Inis namang sinakmal ng mga kamay nito ang kanyang mukha. Mariing pinisil ang kanyang pisngi. Sinalubong nito ang nanlilisik niyang mga mata.
"Matapang ka pa rin kahit nakagapos ka na," sabi nito sa kanya sabay ngisi.
"Kapag nakawala ako dito, papatayin kita," matapang niyang sambit.
Tumawa naman ito. "Iyon ay kung makakawala ka pa. Sabagay, hindi naman talaga ako ganoon kasama. Papakawalan ko naman kayo pero sa oras na maibigay ni Gavin ang gusto ko."
"Ano ba kasing gusto mo?"
"Ang ebidensiya lang naman ang gusto ko."
"Wala akong alam sa sinasabi mo," sabi pa niya.
"Huwag mong bilugin ang ulo ko. Alam kong alam mo kung anong sinasabi ko! Ikaw lang at wala ng iba ang pinagbigyan ni Selena ng mga ebidensiya," giit nito sa kanya.
"Alam kong itinatago iyon ni Gavin." Tumingin ito kay Aloha bago nagsalitang muli. "Salamat sa impormasyon."
Nagsalita naman si Aloha pero hindi pa rin maintindihan. Alam niyang minumura nito si Don Guillermo base sa facial expression nitong galit na galit habang pilit na nagwawala. Tinawanan lang ito ni Don Guillermo.
"No one refuses money. Money can buy anything even friendship and the love for her child." Tumingin naman ito kay Angela na umiiyak pa rin at nakatali rin ang mga kamay. Lumapit ito sa dalagita.
"Don't touch her!" utos niya kay Don Guillermo nang tangkain nitong hawakan ang braso ng dalagita.
"Anong kaya mong gawin para pigilan ako?" nakangising tanong nito.
Hinaplos nito ang mukha ni Angela. Humagulgol naman ito at patuloy na umiiling. Nasa mga mata nito ang pakiusap na huwag siyang galawin ni Don Guillermo. Hindi lang ito makapagsalita dahil sa duct tape na nakalagay sa bibig nito.
"Ako na lang ang galawin mo, huwag ang bata!" lakas-loob niyang sabi.
Tumingin naman sa kanya si Don Guillermo at tumawa nang mala-demonyo.
BINABASA MO ANG
Untold Story Of The Billionaire's Escort
RomanceMatagal nang prostitute si Zoey kaya naman sanay na siyang binabastos lang ng mga lalaki. Wala lang iyon sa kanya. Sanay na siya! Kaya naman niyang ibigay ang katawan niya sa kahit sinong lalaki basta may katumbas na halaga pero nagbago ang pananaw...