"Okay ka lang ba, hija?" tanong sa kanya ni Mang Damian. Nakatingin ito sa kanya mula sa may rear view mirror ng taxi. Bakas ang pag-aalala sa mukha nito.
Tila naman siya natauhan nang marinig ang boses ng matanda. Tumunghay siya para makita ang mukha nito. Hindi niya gaanong maaninaw ang mukha nito dahil sa luhang tumakip sa kanyang mga mata. Pinahid niya iyon at tipid na ngumiti.
"O-okay lang po ako. Umuwi na po tayo."
Pinilit niyang magpakatatag kahit na pakiramdam niya ay bigla siyang nanghina. Tatlong taon na mula nang makatakas siya mula sa poder ni Don Guillermo pero hanggang ngayon ay nakatatak pa rin sa isip niya ang mukha nito at ang mga bagay na ginawa nito sa kanya. Hindi na niya napigilan ang sarili na umiyak at mahabag sa sarili kapag naaalala ang nakaraan.
Akala niya sa paglipas ng panahon ay naging manhid na siya pero kapag sumasagi pa rin sa isip niya ang kanyang madilim na nakaraan, nagiging mahina pa rin siya. Umiiyak pa rin siya at nakakaramdam ng matinding takot. Nangangamba siya na baka magkita ulit sila ni Don Guillermo at sa pagkakataong iyon ay bawian na siya ng buhay nito o dili kaya ay ibalik sa impyernong buhay na tinakasan niya.
Hindi naman muling nagtanong ang matanda at pinaandar na lamang ang taxi at inihatid siya sa apartment niya. Hindi na siya nakapagpaalam sa matanda. Basta na lamang siyang bumaba at tila wala sa sarili na pumasok sa loob ng apartment. Nanghihina siyang umupo sa gilid ng kama.
Malalim na buntong hininga ang kanyang pinakawalan.
"Okay ka lang ba?"
Muntik na siyang mapatalon sa gulat nang may magsalita sa kanyang likuran. Nasapo niya ang kanyang dibdib at tumingin sa nagsalita.
"Gavin?" nagtatakang tanong niya. Hindi niya inaasahan na nakabalik na ito galing sa kung saan man ito nagpunta.
"Oh, para kang nakakita ng multo," sambit pa nito.
"Nakakagulat ka na naman kasi e!" Hinampas niya ang braso ni Gavin. Tumawa naman ito.
"Grabe ka magulat. Para kang aatakihin sa puso," biro nito.
"Kasalanan mo kapag namatay ako," inis niyang sabi sabay irap.
"Patay agad? Hindi ba puwedeng hospital muna?" biro ulit nito.
Muli niyang hinampas ito sa braso at sinamaan ng tingin. "Wala kang pampaospital sa akin kapag inatake ako."
"Who told you?"
"Naks. Spokening dollar ka pa rin kahit wala kang pera," pang-iinsulto niya rito.
"Akala mo lang," bulong nito.
"Anong sabi mo?" Nagsalubong ang kilay niya at pinakatitigan nito si Gavin. Nakapamewang pa ito.
"Wala. Sabi ko, pahinga ka na. Mukhang pagod na pagod ka." Umiwas ito ng tingin sa kanya.
"Hindi naman iyon ang sinabi mo e." Ngumuso siya. Alam niyang nagpapalusot na naman ito.
"Anong sinabi ko kung hindi iyon?"
"Hindi ko nga narinig e," reklamo niya.
"Kung hindi mo narinig, ibig sabihin wala akong sinabi," pilosopong sabi nito.
"Ewan ko sa'yo." Inirapan niya ulit ito. Dumukot siya ng barya sa kanyang bulsa at inabot iyon kay Gavin. "Heto piso, maghanap ka ng kausap mo."
Tumayo siya at nagpunta sa kusina. Kumuha ng tubig siya ng baso at nilagyan iyon ng tubig. Kinuha rin niya ang garapon na may lamang orange juice. Inilapag niya iyon sa lamesa at aktong magsasalin sa baso nang magsalita ulit si Gavin.
BINABASA MO ANG
Untold Story Of The Billionaire's Escort
RomanceMatagal nang prostitute si Zoey kaya naman sanay na siyang binabastos lang ng mga lalaki. Wala lang iyon sa kanya. Sanay na siya! Kaya naman niyang ibigay ang katawan niya sa kahit sinong lalaki basta may katumbas na halaga pero nagbago ang pananaw...