Malakas ang buhos ng ulan at nagngangalit ang kulog at kidlat ng gabing iyon. Nagising siya sa malakas na sigaw ni Don Guillermo mula sa itaas. Galit na galit ito.
"You bastard!" malakas na kalabog ang narinig niya matapos iyon. Bigla siyang nag-alala sa asawa nitong hindi na niya nalaman ang pangalan mula't sapul pa na tumira siya roon. Bawal siyang magtanong kahit na kanino at hindi rin naman iyon nababanggit ng don. Lalong hindi naman din ito nagpakilala noong araw na pinatakas siya nito.
Mabilis niyang binuksan ang pinto ng kanyang kuwarto at umakyat sa second floor kung saan naroon ang mga ito. Kitang-kita niyang sinasakal ni Don Guillermo ang asawa. Nakaangat ito sa ere habang nakasandal sa pader. Namumula na ang mukha nito at hirap na itong huminga. Bahagyang nakalawit na ang dila nito.
"Ang akala mo ba hindi ko alam na ikaw ang tumulong kay Lorraine para tumakas?" Diniinan pa nito ang pagkakasakal sa leeg ng babae. Hindi na ito makahinga. Nangingitim na ang gilid ng labi nito. Unti-unti na itong nanghihina.
"Hinding-hindi kayo makakatakas sa akin. Dito na kayo mamamatay!"
Hindi siya nakatiis. Naghanap siya nang matigas na bagay. Natagpuan ng kanyang mga mata ang isang maliit na plorera, hindi kalayuan sa puwesto niya. Mabilis niya iyong kinuha at walang atubiling inihampas sa ulo ng don. Bumagsak ito sa sahig at nawalan ng malay.
Agad niyang inalalayang tumayo ang takot na takot na babae.
"Tara na po bago pa siya magising."
Hahakbang na sana siya nang biglang may humila sa paa niya. Nagising pala agad si Don Guillermo. Agad na gumana ang defense mechanism niya. Pinagtatadyakan niya ang kamay at mukha nito hanggang sa makawala siya.
Magkahawak-kamay silang tumakbo palabas ng kuwarto. Abot-abot ang kanilang kaba na baka maabutan sila nito. Binilisan nila ang takbo hanggang sa makarating sila sa ibaba.
"Hindi kayo makakatakas sa akin!" sigaw nito. Nakasapo ang kamay nito sa batok na nasaktan. May hawak naman itong baril sa isa pa nitong kamay. Pinaputok nito iyon sa kanila. Buti na lang at walang natamaan sa kanila.
"Subukan ninyong ihakbang ang mga paa ninyo at aagos ang dugo sa mga ulo ninyo," banta nito.
Dahan-dahan itong lumapit habang nakatutok pa rin ang baril nito sa kanila. Samantala, nakatitig lang siya sa baril nito. Iniisip niyang katapusan na rin niya. Isang putok lamang niyon ay magwawakas ang malupit niyang buhay. Kung sa ganoong paraan siya mamamatay, mabuti pang lumaban. Nag-iisip siya kung paano ito makukuha sa mga kamay nito.
Bago pa man siya nakakilos ay ikinagulat niya ang biglang pagsunggab ng babae sa baril nito. Nag-agawan ang mga ito sa baril.
"Umalis ka na! Bilis!" utos sa kanya ng babae.
Taranta naman siya habang nakatingin pa rin sa mga ito. Tila biglang nanigas ang kanyang mga paa. Hindi niya alam kung ano ang dapat gawin. Kung tatakbo ba siya at iiwan ang babae o tutulungan itong makipag-agawan ng baril? Ngunit hindi pa man siya nagdedesisyon ay agad nang pumutok ang baril. Nanlaki ang kanyang mga mata at nanginig ang nakabuka niyang mga labi. Labis siyang nahintakutan nang bumagsak sa harapan niya ang babae. Puno na ito ng dugo sa may tiyan nito.
"A-alis na," pabulong pang usal nito bago nito ipinikit ang mga mata. Nalagutan ng hininga ito sa harapan niya pero hindi man lang niya malapitan ito upang tulungan. Labis siyang nabigla sa bilis ng pangyayari.
Hindi niya alam kung paano niya naihakbang ang mga paa niya palabas ng bahay na iyon habang ang don ay saglit na natulala sa pagkamatay ng asawa nito sa kanyang harapan. May sumalubong sa kanyang mga alipores ni Don Guillermo. Nagtatakbuhan ang mga ito papasok sa mansiyon. Tumigil lang ang mga ito nang makita siya.
BINABASA MO ANG
Untold Story Of The Billionaire's Escort
RomanceMatagal nang prostitute si Zoey kaya naman sanay na siyang binabastos lang ng mga lalaki. Wala lang iyon sa kanya. Sanay na siya! Kaya naman niyang ibigay ang katawan niya sa kahit sinong lalaki basta may katumbas na halaga pero nagbago ang pananaw...