Titig na titig pa rin si Zoey sa lalaking bagong dating hanggang sa sumalo ito sa kanila sa pagkain. Halos hindi na niya maisubo ang kanyang kinakain at natuon na lamang ang atensiyon niya sa lalaki. Napansin naman iyon ni Gavin kaya naman hinawakan niya ang balikat nito at tinanong.
"Okay ka lang ba, mahal?" tanong sa kanya ni Gavin. Sinulyapan nito si Alvin na abala sa pakikipagkuwentuhan sa nakatatandang kapatid at sa asawa nito. Kumunot ang kanyang noo at nagtataka kung bakit ito tinitingnan ni Zoey. Kanina pa niya napapansin na may kakaiba kay Zoey mula nang dumating ito.
Kumurap-kurap pa si Zoey bago humarap sa binata. "Ayos lang naman ako."
Alam niyang nagsisinungaling ito. Hindi ito makatingin sa kanyang mga mata. Yumuko lang ito at nagpatuloy sa pagkain pero dahan-dahan na para bang wala itong gana. Panay pa rin ang tingin nito nang palihim kay Alvin.
"Kilala mo ba siya?" tanong niya kay Zoey. Nakaramdam siya ng kaunting inis. Hindi niya maiwasang hindi mainis dahil alam niyang may nililihim ito sa kanya at gusto niyang malaman iyon.
Saglit itong sumulyap sa kanya bago umiling. "Hindi."
"Kung ganoon, bakit kanina ka pa nakatingin sa kanya?" hindi na niya napigilang itanong.
"Wala naman. Medyo pamilyar lang siya. Hindi ko alam kung saan ko siya nakita," ani Zoey.
Tumango-tango naman si Gavin. Pinili niyang maniwala sa sinasabi nito kahit may pag-aalinlangan ng kaunti. Ipinagpatuloy niya ang pagkain.
Lumapit naman si Alvin sa kanila. Nakangiti ito at dala pa rin ang plato na pinagkakainan nito. Tumabi ito kay Gavin.
"Matagal na raw kayo rito?" tanong nito na tila nagkukumpirma lang. Marahil ay naikuwento na ni Aling Celia ang pagdating nila.
"Mga tatlong buwan na po," ani Gavin.
Tumango-tango naman ito at bahagyang sumulyap kay Zoey. "Ang ganda ng asawa mo," puri nito.
Hinigpitan naman ni Gavin ang pagkakahawak sa balikat ng nobya bago sumagot. "Salamat. Magaling lang po talaga akong pumili." Tumawa pa siya ng bahagya.
"Totoo. Aba! Bihira ka nang makakakita ng babaeng kasing ganda ng taong mahal mo. Kaya huwag mo nang pakawalan." Tinapik pa siya sa balikat nito.
"Opo. Hinding-hindi ko siya papakawalan." Tumingin siya kay Zoey at nagtama ang kanilang mga mata. Tila naman naiilang si Zoey sa presensiya ng lalaki sa tabi nila. Hindi ito makangiti nang maayos. Ang ngiti nito ay tila nagiging ngiwi.
Gusto niyang isipin na baka nagkatrauma na rin si Zoey sa mga lalaki lalo na ang kaedad ng taong nasa harap nila ngayon. Kaedad lang halos ito ng kanyang kinilalang ama. Hindi niya masisisi ito kung bakit takot itong makihalubilo sa ibang lalaki bukod sa kanya.
"Kasal na ba kayo?" tanong nito sa kanya.
Umiling naman siya. "Hindi pa po pero nasa plano na rin po namin iyon."
"Mabuti kung ganoon. Hindi mo na dapat pinatatagal ang pagpapakasal. Iyon ang magsasabing opisyal na kayong mag-asawa at tiyak na magpapatibay sa inyo," sabi pa nito. Naramdaman niya ang lungkot sa mga salita nito. Nag-ulap ang mga mata nito na tila may naalala.
"Mawalang-galang na po, nabanggit po kasi ni Aling Celia na may kasintahan kayo noon. Hindi ninyo po ba siya nakatuluyan talaga?" biglang tanong ni Zoey na ikinagulat niya.
Lalong lumungkot ang mukha nito at biglang bumuntong hininga. Ngumiti nang tipid bago sumagot.
"Sa kasawiang-palad, hindi kami nagkatuluyan. Inilayo siya sa akin ng kapalaran."
BINABASA MO ANG
Untold Story Of The Billionaire's Escort
RomanceMatagal nang prostitute si Zoey kaya naman sanay na siyang binabastos lang ng mga lalaki. Wala lang iyon sa kanya. Sanay na siya! Kaya naman niyang ibigay ang katawan niya sa kahit sinong lalaki basta may katumbas na halaga pero nagbago ang pananaw...