"Palagi na lang tayong ganito! Ayoko na! Sawang-sawa na ako!" Halos lumabas na ang litid ng ina ni Dancel dahil sa galit nito sa ama niyang walang ibinigay kundi kunsumisyon. Nag-eempake na ito ng mga damit at aktong aalis.
"Sawa?" Tila naman nagpanting ang tenga ng ama ni Dancel at agad na hinatak ang buhok ng ina nito. Halos mabali ang leeg ng huli sa lakas ng pwersa ng pagkakahatak nito.
"Aray! Ano ba nasasaktan ako?" galit pa ring turan nito.
"Masasaktan ka talaga sa akin! Ang kapal ng mukha mong sabihing sawang-sawa ka na sa akin! Bakit? May ibang lalaki ka na ba ha?"
"Mas gugustuhin ko pa ngang manlalaki kaysa ang magtiis pa sa piling mo! Hayup ka!" Dinuraan nito ang mukha ng lalaki na lalong ikinagalit nito.
Sa sobrang galit naman ng lalaki ay isinubsob nito ang mukha ng babae sa kama kung saan naroon ang mga iniimpakeng damit nito.
"Hayup pala ha? Ipapakita ko sa'yo ang hayup na hinahanap mo!" Mabilis na kumuha ito ng pantali at iginapos patalikod ang babae. Nagpupumiglas ito pero hindi makawala.
"Hayup ka!" sigaw pa rin ng babae.
"Talagang hayup ako. Akala mo ba maiiwan mo ako nang basta-basta na lang?" galit rin na sabi ng lalaki at patuloy na hinihigpitan ang pagtatali sa babae.
"Pakawalan mo ako!"
"Huwag kang maingay kundi papatayin kita!" banta pa nito saka binalingan si Dancel na ngayon ay nakatulala lang na nakatingin sa mag-asawa. "Hoy ikaw! Kunin mo ang packing tape! Dali!"
Hindi naman agad nakakilos ang batang si Dancel sa sobrang takot. Nanginginig ang buong katawan niya at hindi niya maikilos ang mga paang tila natulos sa kinatatayuan. Ngayon lang niya nakita ang kanyang mga magulang na nag-away ng ganoon katindi. Sanay na siya na nagsisigawan lang ang mga ito palagi pero hindi ang nagsasakitan katulad ng nangyayaring ito ngayon.
"Anong tinatanga-tanga mo diyan! Kilos na!" utos pa ng kanyang ama.
Taranta namang agad na sinunod ni Dancel ang utos ng ama. Kinuha niya mula sa cabinet ng mga gamit ang packing tape na hinihingi nito. Kitang-kita niya kung paanong pinutol iyon ng kanyang ama at inilagay sa bibig ng kanyang ina.
"Ayan! Para manahimik ka!" sabi pa nito saka inihagis ang packing tape sa kama. Nagpupumiglas pa rin ang kanyang ina at wala ng marinig dito kundi ang ungol dahil sa pagkakatakip ng tape sa bibig niyon.
Tumalikod ang lalaki at naghalungkat ng gamit sa loob ng cabinet. Natagpuan nito ang perang itinatago at iniipon ng kanyang ina. Kitang-kita niya sa mga mata ng ina ang labis na pagtutol sa ginagawa ng kanyang ama pero wala itong magawa kundi ang magpumiglas.
"Akin na lang ito," sabi pa ng kanyang ama hawak ang perang kinuha mula roon. Ngumisi pa ito bago sila tinalikuran at lumabas ng bahay.
Tiyak niyang sa sugalan na naman ang punta ng kanyang ama. Lagi naman itong naroon. Uuwi lang ito kapag natatalo na sa sugal at kukuha ulit ng pera. Kung wala namang perang pansugal ay maglalasing naman ito. Magwawala sa loob ng kanilang bahay at sisirain ang bawat gamit na makita nito.
Awang-awa naman si Dancel sa kalagayan ng kanyang ina kaya nilapitan niya ito. Umungol naman ito na waring humihingi ng tulong. Lumingon muna sa likuran si Dancel. Sinigurong wala roon ang kanyang ama bago niya inalis ang takip sa bibig ng kanyang ina.
"Hayup talaga siya! Mamatay na sana siya!" Unang salita ng kanyang ina matapos ang maalis ang takip sa bibig.
"Kalagan mo ako!" utos pa nito sa kanya na agad naman niyang tinalima.
BINABASA MO ANG
Untold Story Of The Billionaire's Escort
RomanceMatagal nang prostitute si Zoey kaya naman sanay na siyang binabastos lang ng mga lalaki. Wala lang iyon sa kanya. Sanay na siya! Kaya naman niyang ibigay ang katawan niya sa kahit sinong lalaki basta may katumbas na halaga pero nagbago ang pananaw...