83: SPY

34 1 0
                                    


Masayang nagsalo-salo sa hapag-kainan ang mga ito kasama si Aloha. Mababakas sa mukha ng mga ito ang labis na saya. Pinagsisilbihan pa ni Aloha ang anak na waring isa itong maliit na bata.

"Tama na po. Masyado na pong marami iyan, busog na po ako," sabi naman ni Angela na iniwat na ang ina sa paglalagay ng kanin sa kanyang plato.

"Pasensiya ka na, anak. Nasabik lang akong pagsilbihan ka." Ibinaba nito ang mangkok ng kanin sa gitna pagkuwan ay yumuko na tila napahiya.

"Sa totoo lang anak, nahihiya ako sa'yo. Ang akala ko ay magagalit ka sa akin dahil sa pag-iwan ko sa'yo. Hindi ko akalaing tatanggapin mo ako nang ganoon kadali," sabi pa nito/

Hinawakan naman ni Angela ang kamay ni Aloha at bahagyang pinisil. Nginitian nito ang ina matapos magtama ang kanilang paningin.

"Hindi ninyo po alam kung gaano ako kasabik na makilala kayo. Kahit alam ko po kung anong klaseng trabaho mayroon ka, hindi ko pa rin kayo ikinahiya. Nanggaling ako sa inyo kaya dapat ko pa rin kayong igalang at irespeto. Alam kong may dahilan kayo kung bakit ninyo ako iniwan kay Tatay Damian at naiintindihan ko po iyon."

Tumulo naman ang luha sa mga mata ni Aloha saka hinaplos ang mukha ng anak.

"Napakabuti at napakatalino mong bata, anak. Pinagsisisihan ko ang araw na iniwan kita. Ang dami kong sinayang na panahon." Humagulgol kaya't niyakap ito ni Angela.

"Hindi ba't sabi ninyo ay babawi kayo sa akin? Gawin ninyo na lang po iyon at huwag ninyo na pong isipin ang nakaraan. Tapos na po iyon at hindi na maibabalik pa."

Pinahid naman ni Aloha ang mga luha at ngumiti. "Salamat, anak."

Ipinagpatuloy na ng mga ito ang pagkain.

"Kung hindi lang tayo nakakulong sa safe house na ito ay maganda sana kung maipapasyal ko si Angela. Gusto kong bilhin ang mga bagay ng gusto niya," pagkuwan ay sambit ni Aloha. Katatapos lang nitong kumain.

Tapos na rin naman sila at mataman na lamang nakikinig sa usapan.

"Sa ngayon, hindi pa tayo puwedeng lumabas ng safe house. Kailangang maayos muna natin ang isasampa nating kaso sa mga taong umagrabyado kay Zoey," sabi naman ni Sgt. Martinez.

"Bakit hindi na lang asikasuhin agad?" tanong naman ni Aloha.

"Kailangan pa kasing maging klaro ang statement ni Zoey sa korte. Kailangang maalala niya ng buo ang mga naganap noong namatay si Mrs. Jameson."

"Bakit ba nawalan ng alaala si Zoey?" tanong pa nito. Kay Zoey ito nakatingin.

"Na-overdose siya ng mga gamot na nagpapahina ng memorya. Si Dr. Dancel Rodriguez ang may kagagawan niyon sa kanya."

Tumango-tango naman si Aloha.

"Kung ganoon, hanggang hindi bumabalik ang alaala ni Zoey, mananatili tayo rito sa safe house? Paano kung hindi na bumalik?"

"Umaasa kaming magbabalik na iyon sa lalong madaling panahon. May therapy session naman si Zoey na makakatulong sa kanya upang bumalik ang alaala niya."

"Mabuti naman kung ganoon. Sana nga ay maalala na niyang lahat." Makahulugan itong tumingin sa kanya. Bigla siyang kinabahan sa istilo ng pagtingin nito sa kanya. Hindi niya maunawaan kung anong ibig sabihin ng mga tingin na iyon pero kinutuban siya ng masama.

Pinagmamasdan lang nina Zoey at Gavin sina Angela at Aloha sa may hardin kasama rin si Tatay Damian. Masayang nagkukuwentuhan ang mga ito hindi kalayuan sa kinatatayuan nila. Hinahayaan lang nila ang mga ito na sulitin ang mga panahong nawala sa mga ito.

Untold Story Of The Billionaire's EscortTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon