75: DANCEL'S HEARTBREAK

29 1 0
                                    

Patuloy pa ring nilalapitan si Dancel ng batang babae kahit na hindi niya ito pinapansin. Palagi pa rin itong nakangiti sa kanya at kinakausap siya. Nakukulitan na siya dito pero kahit ni isang salita ay walang lumalabas sa kanyang bibig para sawayin ito. Nakalimutan na yata niyang magsalita mula ng araw na makita niyang duguang nakahandusay ang kanyang ama.

"Pipi ka ba?" tanong sa kanya ng bata pero saglit lang niyang tiningnan ito pagkatapos ay ibinalik niya ang kanyang paningin sa malayo.

"Alam mo nakakainis ka na," nakangusong sabi ng batang babae. "Ang tagal-tagal mo na dito pero kahit isang salita wala man lang akong narinig sa'yo. Baka naman talagang pipi ka."

Hindi pa rin niya ito pinansin.

"Ayaw mo talagang mamansin a." Kiniliti siya nito sa may bewang at sa iba't ibang parte ng kanyang katawan pero ni paggalaw man lang ng labi para ngumiti ay hindi niya ginawa. Tila namanhid na yata ang kanyang puso. Nakalimutan na rin yata niya kung ano ang salitang tawa o kahit ang salitang iyak. Dahil kahit na ang tanging tumatakbo sa isip niya ay ang pagmamaltrato at pag-iwan sa kanya ng mga magulang ay hindi niya magawang umiyak.

"Aba! Wala ka ring kiliti?" nagtatakang tanong ng batang babae. "Robot ka ba o di kaya alien?"

Wala pa ring sagot galing sa kanya. Ni hindi niya ito nilingon.

"Teka," sabi nito saka may kinuha sa loob ng maliit na bag nito. Isang balahibo iyon ng manok at inilagay nito iyon sa loob ng kanyang tenga. Sinubukan siyang kilitiin nito.

Tumawa siya nang napakalakas na ikinagulat nito at ikinatuwa. Nagkataon kasi na naroon talaga ang kanyang malakas na kiliti.

"Wow! Ganyan ka pala tumawa!" manghang-manghang sabi ng batang babae saka inulit ang pagkiliti sa kanyang tenga.

"Tama na!" saway niya rito pero hindi pa rin niya mapigilan ang pagtawa.

Itinigil naman ng bata ang ginagawang pangingiliti sa kanya. "Marunong ka naman palang magsalita."

Tumigil naman siya sa pagtawa at hindi na ulit umimik.

"Oh bakit hindi ka na naman nagsasalita? Ang daya mo naman. Touch move na, nagsalita ka na e. Hindi ka na puwedeng mag-astang robot ulit."

Nilingon niya ito na nakasimangot. "Bakit ba ang kulit mo?"

"Ay yehey! Nagsalita ka ulit."

Umikot naman ang kanyang mga mata at napailing. Hindi siya makapaniwala sa babaeng kaharap. Ang babaw ng kaligayahan nito at talaga namang napakakulit.

"Hoy magsalita ka ulit. Sige na." Siniko-siko siya nito sa tagiliran at inisod-isod siya. Malapit na tuloy siyang mahulog sa dulo ng bench na inuupuan.

"Mahuhulog na ako, ano ba?" inis na sabi niya.

Ngiting-ngiti naman ang batang babae na para bang tuwang-tuwa sa kanyang pagsasalita. Umusod ito pabalik sa kinauupuan. Inayos rin naman niya ang kanyang pagkakaupo.

"Dahil nagsalita ka na, baka puwede mo nang sabihin sa akin ang pangalan mo."

"Dancel," malamig na sagot niya.

"Maganda naman pala ang pangalan mo. Dancel parang Hanzel, ang sarap!" biro nito sabay tawa. Napailing naman siya.

"Mababaw ba talaga ang kaligayahan mo?"

Tumango naman ito. "Oo. Bigyan mo nga lang ako ng isang candy masaya na ako e."

"Bakit?" nagtatakang tanong niya.

"Anong bakit?"

"Bakit ang saya mo kahit nandito ka sa ampunan?"

"E kasi wala naman akong pagpipilian. Wala na akong mga magulang. Baby palang ako iniwan na nila ako dito. Kaya sanay na ako at saka masaya naman dito kasi marami akong itinuturing na nanay at mga kapatid."

Untold Story Of The Billionaire's EscortTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon