"Gusto ko na nga pong mag-propose kay Carla para naman po sakaling magkaanak kami ay kasal na kami," masayang saad ni Gavin habang naglalakad sila sa may pilapil pauwi sa kanilang bahay.
"Mabuti iyang plano mo. Hindi na dapat pa pinatatagal ang ganyang bagay," sabi naman ni Mang Alvin na nakasunod sa kanya. Bitbit nila ang pinamiling mga gulay, isda at karne. Tamang-tama para sa ilang araw na pagkain nila.
"Kaya nga po, nag-iisip na ako kung paano ako magpo-propose."
"Noong kami pa ni Selena, nagpropose ako sa kanya sa ilalim ng punong mangga. Doon! Doon sa punong mangga na iyon." Itinuro nito ang mangga na nakatayo sa hindi kalayuan sa kinaroroonan nila. Malapit iyon sa kubo na tinutuluyan nila.
"Nakaukit roon ang pangalan naming dalawa. Inukit naming dalawa ni Selena. Pagkatapos binigyan ko lang siya ng singsing na mumurahin na binili ko sa palengke. Wala naman kasi akong pera noon para bumili ng mamahaling singsing." Bahagya itong natawa nang maalala ang nakaraan.
"Ang totoo, may singsing na po akong nabili para sa kanya. Isang taon bago ako maaksidente, binili ko na ito at ibibigay sana sa kanya pero iyon nga po may hindi inaasahang pangyayari." Kinuha niya ang singsing mula sa necklace na suot-suot niya. Kasama iyon ng susi na ibinigay ni Zoey sa kanya.
"Naaksidente ka pala." Bumakas sa mukha nito ang pag-aalala.
"Opo, nabangga po ang kotse na sinasakyan ko sa isang poste. Na-comatose ako tapos paggising ko, wala na akong alaala. Hindi ko na maalala si Carla." Minabuti niyang limitado lang ang ikuwento rito. Hindi na niya sinabi ang pagkawala ni Zoey noong panahong na-comatose siya at nawalan ng alaala.
"Mabuti at kayo pa rin kahit na nawala ang alaala mo."
"Opo. Sadya po sigurong makapangyarihan ang pag-ibig. Nagagawa nitong lampasan ang mga imposibleng pagsubok na pinagdaraanan."
"Totoo. Ibang klase ang tunay na pag-ibig kaya kung ako sa'yo huwag na huwag mo nang papakawalan pa," anito sabay tapik sa kanyang balikat.
Tango lamang ang tinugon niya. Ibinalik niya mula sa pagkakatago sa kanyang damit ang kuwintas. Nakarating na sila sa bahay at pumasok na sila sa loob. Inilinga niya ang paligid ngunit hindi niya nakita si Zoey kaya naman tinawag niya ito.
"Mahal," sambit niya ngunit walang sumasagot. Tinawag pa niya ito ng ilang ulit habang nililibot ang kabuuan ng bahay. Kinakabahan na siya dahil hindi naman ganoon si Zoey. Matiyaga itong naghihintay sa kanya at sinasalubong siya nito.
Nagtungo siya sa kuwarto at para siyang nabunutan ng tinik nang makita itong mahimbing na natutulog ito sa loob ng kuwarto. Nilapitan niya ito at hinaplos ang mukha.
"Mahal," tawag niya rito.
Dahan-dahan naman nitong idinilat ang mga mata at tumingin sa kanya.
"G-Gavin," nasambit nito. Mabuti na lamang at mahina lamang iyon at halos bulong lang. Hindi iyon narinig ni Mang Alvin na nasa labas lamang ng kanilang kuwarto.
"Napagod ka ba sa paglilinis dito sa bahay?" nag-aalalang tanong niya.
"Medyo lang naman. Nahilo lang ako ng kaunti kaya nagpahinga ako," anito saka tipid na ngumiti. Inalalayan naman niya itong bumangon.
"Hindi kaya may nabuo na tayo?" pabiro pero may tono ng pag-asa at pagkasabik sa tanong niya.
Tila umasim naman ang mukha ni Zoey na tila hindi nagustuhan ang kanyang sinabi.
"Huwag kang magbiro ng ganyan," saway pa nito sa kanya.
"Bakit naman? Ayaw mo pa bang magkaanak tayo?" Nakaramdam siya ng kaunting kirot sa dibdib. Pakiramdam niya ay hindi gusto ni Zoey na magkaroon sila ng anak.
BINABASA MO ANG
Untold Story Of The Billionaire's Escort
RomanceMatagal nang prostitute si Zoey kaya naman sanay na siyang binabastos lang ng mga lalaki. Wala lang iyon sa kanya. Sanay na siya! Kaya naman niyang ibigay ang katawan niya sa kahit sinong lalaki basta may katumbas na halaga pero nagbago ang pananaw...