80: EVIDENCE

34 1 0
                                    


"Oh, nasabi na ng doctor mo kung anong dapat gawin kaya sundin mo iyon a," paalala sa kanya ni Gavin bago sila naupo sa sofa. Naroon pa rin ang mga kasama nila sa safe house na iyon.

"May natandaan ka ba noong oras na nasa therapy ka?" tanong sa kanya ng pulis na si Sgt. Martinez.

Tumango naman siya. "Alam ko na po na ako si Zoey. Kilala ko na rin po ang magulang ko. Nakita ko sila sa alaala ko."

"Mabuti kung ganoon. Nakita mo rin ba sa alaala mo si Don Guillermo?" tanong pa ng pulis.

"Don Guillermo?" Kumunot ang kanyang noo. Hindi niya sigurado kung ang tinutukoy nito ay ang lalaking huli niyang nakita sa kanyang alaala.

"Huwag po muna nating pilitin si Zoey na maalala ang lahat. Hindi po makabubuti sa kanya kung sapilitan natin iyong gagawin," sabi naman ni Gavin. Nakaakbay pa rin ito sa kanya.

Tumango-tango naman ang pulis.

"Pasensiya na. Kating-kati na kasi ako na maipakulong ang drug lord na iyon. Matagal ko na siyang tinutugis pero laging nakakalusot," inis na sabi ng pulis.

"Parehas lang tayo, pare. Sa totoo lang, hindi ko lang siya gustong makita sa kulungan. Gusto kong makita siyang binibitay. He killed Selena and I curse him for that!" gigil na sambit ni Mang Alvin.Nakakuyom ang mga palad nito at naniningkit ang mga mata na na nakatingin sa sahig at para bang nakikita nito roon ang lalaking binabanggit nito.

"Naiintindihan ko kayo. Kahit naman ako, kinamumuhian ko ang lalaking tinuring kong ama. Ngunit mas matimbang sa akin ang kaligtasan ni Zoey."

"Salamat, Gavin." Pinisil niya ng bahagya ang braso nito at sumandal sa dibdib nito.

"Walang anuman. Basta para sa'yo. Kung sakaling may maalala ka, sabihin mo lang sa akin."

Tumango naman siya.

"Oh, mabuti pa magpahinga na tayong lahat. Tiyak na sobrang pagod na rin si Zoey sa nangyari ngayong araw," sabi naman ng pulis saka tumayo na sa kinauupuan.

"Mabuti pa nga. Napagod rin ako kahit wala akong masyadong ginagawa. Nakakainip ring magtago sa ganitong lugar," sabi naman ni Mang Alvin. "Sa totoo lang, sabik na ako sa totoong aksiyon."

"Parang action star lang, Papa?" biro naman ni Gavin sa ama.

"Oo. Idol ko kaya si Jeric Raval, Philip Salvador, Eddie Garcia at iba pang action star. Taratatatat! Beng! Patay silang lahat!" Umakto pa ito na may binabaril.

Natawa naman silang lahat sa inakto nito.

"Pare, ang corny mo," sabi naman ng pulis at tinapik pa sa balikat ang kumpare.

"Tumawa ka naman e," sabi pa nito saka tumawa ulit.

"Oh siya, matulog ka na at pagod lang iyan."

Sabay nang naglakad ang dalawa patungo sa silid na inuukupa ng mga ito. Naiwan naman sina Gavin na nakaupo sa may sofa.

Bumuntong hininga siya. Para bang marami pang gumugulo sa isip niya pero halo-halo iyon sa kanyang utak kaya't hindi malinaw sa kanya.

"Okay ka lang ba?" tanong sa kanya ni Gavin.

Tumango naman siya. "Iniisip ko lang iyong lalaki sa alaala ko. Siya kaya ang tinutukoy ni Sgt. Martinez na Don Guillermo?"

"Anong alaala ba ang nakita mo sa lalaking tinutukoy mo?"

Hindi agad siya nakasagot. Sumikip ang kanyang dibdib at sumakit ang kanyang ulo nang muli niyang alalahanin ang nakita sa kanyang alaala. Awtomatikong tumulo ang luha sa kanyang mga mata. Pinahid naman agad iyon ni Gavin.

Untold Story Of The Billionaire's EscortTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon