"Saan ang next stop natin?" tanong ni Zoey nang makasakay na sila sa sasakyan ni Gavin. Tumigil lang kasi sila sa isang hotel para magpalipas ng gabi at ngayon nga ay balak na nilang umalis roon.
"Sa Nueva Ecija naman tayo," sabi nito sabay pihit ng susi upang paandarin ang sasakyan. Nang umandar na iyon ay saka pinatakbo.
"Nueva Ecija? Bakit? May kakilala ka ba roon?" kunot-noong tanong niya.
"Wala. Mas mabuti na ang walang nakakakilala sa atin para hindi ka nila madaling matunton."
"Sa tingin mo ba talaga hindi tayo matutunton roon?" Nag-aalala pa rin siya. Alam naman niyang napakaraming koneksiyon ng mga taong naghahanap sa kanya at hindi imposibleng makita na naman siya ng mga ito.
Saglit na sinulyapan siya nito at hinawakan ang kanyang mga kamay at bahagyang pinisil iyon. "Kasama mo na ako kaya huwag ka nang mag-alala okay?"
Tipid naman siyang ngumiti at tumango. Itinuon ulit ni Gavin ang atensiyon sa pagmamaneho. Kahit kinakabahan pa rin ay pilit niyang kinalma ang sarili. Tinitigan niya si Gavin. Kailangang ituon lang niya ang kanyang atensiyon kay Gavin. Dahil ito lang ang nag-iisang dahilan para lumaban siya at hindi sumuko. Habang kasama niya si Gavin ay panatag ang lahat. Hindi dapat siya mag-alala.
Niyakap niya ito at sumandal sa dibdib nito. Saglit na sumulyap at ngumiti sa kanya si Gavin.
"Salamat," aniya. Dinama niya ang init ng katawan nito at pumikit habang ito naman ay abala pa rin sa pagmamaneho.
"Gising na. Narito na tayo."
Dahan-dahang idinilat ni Zoey ang kanyang mga mata nang maramdaman ang tapik ni Gavin sa kanyang balikat at marinig ang salita nito. Kumurap-kurap pa siya bago luminga sa paligid. Isang malawak na kabukiran ang kanyang nasilayan. Luntian ang paligid dahil sa malawak na tanim na puro palay.
"Nasaan na tayo?"
"Narito na tayo sa Nueva Ecija," sabi naman nito.
Bumaba siya sa sasakyan habang nakaalalay sa kanya si Gavin. "Dito na tayo maninirahan mula ngayon. Halika, may nakausap na akong matanda sa kubong iyon. Ipapakilala kita sa kanya."
Sabay na silang naglakad sa tinutukoy nitong kubo. Naabutan nila ang hindi gaanong katandaang babae. Nasa singkuwenta lang marahil ang edad nito. Maganda pa ito sa edad nito kahit na may kaunting kulubot sa gilid ng mga mata nito at kaunting puting buhok. Mahaba ng kaunti ang medyo kulot na buhok nito na hanggang balikat. May suot itong balanggot na yari sa abaka.
"Magandang hapon po ulit, Manang Celia," bati ni Gavin sa babae. Tinanggal muna nito ang balanggot na suot bago tumingin sa kanila at ngumiti.
"Magandang hapon naman sa inyo."
"Siya po ang sinasabi kong asawa ko, Manang. Siya po si Carla," anito. Napatingin naman siya kay Gavin na nagtatanong ang mga mata. Nginitian lang siya nito na senyales na makisakay na lamang siya. Nakuha naman niya ang ibig sabihin nito. Sa tingin niya kailangan na naman talaga niyang magbago ng pangalan.
"Nagagalak akong makilala kayo. Iyon ang kubo ng aking kapatid. Wala nang nakatira roon kaya maaari ninyo iyong upahan," sabi naman ng matanda. Itinuro nito ang isang kubo sa gitna ng palayan na nasa hindi kalayuan.
"Mawalang-galang na po, nasaan po ang inyong kapatid?" tanong naman ni Zoey.
"Matagal na siya sa abroad. Hindi na bumalik mula nang magkahiwalay sila ng kasintahan niya. Hindi na nga rin siya nag-asawa mula noon." Bigla itong natawa na tila may naalala. "Matindi talaga magmahal ang isang iyon. Isang babae lang ang minahal sa buong buhay niya. Kayo ba, perslab ninyo ba ang isa't isa?" anitong hindi matuod ng maayos ang salitang first love pero naunawaan naman nila.
BINABASA MO ANG
Untold Story Of The Billionaire's Escort
RomanceMatagal nang prostitute si Zoey kaya naman sanay na siyang binabastos lang ng mga lalaki. Wala lang iyon sa kanya. Sanay na siya! Kaya naman niyang ibigay ang katawan niya sa kahit sinong lalaki basta may katumbas na halaga pero nagbago ang pananaw...