54: EVIL PLAN

27 1 0
                                    

"Doon ka sa cashier ia-assign. Siguro naman ay hindi ka madaling masilaw sa pera. Araw-araw na ino-audit ang benta kada araw kaya alam na alam kaagad kung may mawawala o may kinuha," sabi ni Regine sa kanya pagkaturo sa kanya sa kinaroroonan ng cashier area. Naroon ang kaha at computer kung saan naka-record ang mga order ng bawat costumer. Talagang upgraded na rin ang karinderyang ito. Hindi ito isang pipitsuging karinderya na turo-turo, para na nga itong mini restaurant pero style karinderya pa rin.

Halata kay Regine na malamig ang pakikitungo nito sa kanya. Ni hindi nga ito ngumingiti mula pa nang ipakilala sila ni Matilda dito.

Pumuwesto naman siya sa kaha na tinutukoy nito at tumayo roon. Tinabihan siya nito at itinuro kung paano gamitin ang computer. Nagpanggap na lamang siyang walang alam kahit ang totoo, natutunan na niya iyon sa tagal niyang nagtrabaho sa Glorioso.

"Ayan, ganyan lang iyan kadali kaya huwag kang tatanga-tanga," mapang-insulto pang sabi ni Regine.

Nagtitimpi naman siya. Kanina pa niya gustong pilosopohin ito pero pinipigilan lang niya ang sarili. Ayaw niyang mag-umpisa ang gulo sa kaniya lalo na at kakaumpisa palang niya sa trabaho. Ayaw niyang magalit agad ang may-ari at tanggalin sila sa trabaho nang dahil lamang hindi sila magkasundo ni Regine.

Umalis na ito sa tabi niya matapos siyang turuan. Dinala nito si Chelsea sa may kusina at itinuro naman ang mga hugasin. Ginawa nitong dishwashers si Chelsea gayong puwede naman nitong gawing waitress ito. Inalis nito sa puwesto ang dating tagahugas na isang lalaki at ginawa iyong waiter. Alam niyang nagtitimpi lang din si Chelsea. Kanina pa niya ito nakikitang nakasimangot at parang gustong ibato kay Regine ang hawak na plato.

Nagdatingan na ang customers bandang alas onse ng tanghali. Isa-isang kinuha ng dalawang waiter ang mga order at dinala sa kanya. Ginawan niya iyon ng resibo. Pay as you order kasi ang patakaran kaya bayad muna bago ang pagbibigay ng order. Kapag naresibuhan na niya at naibigay ang sukli ay saka lamang niya iyon ipapaskil ang order sa may counter kung saan makikita iyon ng nagse-serve ng mga lutong pagkain. Isa-isa iyong ilalagay sa tray kasama ang resibo pagkatapos ay tatawagin muli ang waiter para i-serve iyon sa costumer.

Paulit-ulit na ganoon ang kanyang ginawa hanggang sa maubos ang costumer bandang alas dos ng hapon. Paisa-isa na lamang ang nadating at hindi gaya ng tanghalian na dagsa ang mga costumer. Medyo nakahinga na siya ng maluwag.

Nilapitan naman siya ni Regine. "Anong feeling ng busy sa counter?" sarkastikong tanong nito.

"Okay lang naman," nakangiting tugon niya.

"Baka kulang-kulang ang sukli mo ha?" sabi pa nito.

"Huwag kang mag-alala, best in mathematics ako noong high school," pilosopong sabi niya. Inirapan naman siya nito.

"Hi!"

Sabay silang napalingon sa lalaking bumati at nakatayo sa harap nila. Nanlaki ang mga mata niya nang makita si Vil. Ngiting-ngiti naman si Regine at mabilis na umabrisyete sa lalaki.

"Himala! Dinalaw mo ako dito," ambisyosang sambit ni Regine.

Hindi naman nakatingin si Vil dito kundi sa kanya nakatutok ang mata nito. Umiwas naman siya ng tingin. Naiilang kasi siya sa mga tingin nito na tila nakakatunaw.

"Hindi naman ikaw ang dinadalaw ko kundi si Grace," sabi pa nito.

Inis na naitulak ni Regine si Vil at sinamaan naman siya ng tingin. "Wala namang sakit ang babaeng iyan para dalawin mo a," sabi pa nito.

"Kinukumusta ko lang kung ayos lang ba ang trabaho niya dito."

"Ayos pa naman pero kapag hindi siya tumigil sa kakalandi sa'yo, matatanggal siya sa trabaho," anito na may kasamang pagbabanta.

Untold Story Of The Billionaire's EscortTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon