"Sigurado ka na ba sa desisyon mong paglabas?" tanong ni Zoey kay Gavin. Bakas sa mukha nito ang labis na pag-aalala.
Tumango naman siya at ngumiti. Hinawakan pa niya ang balikat nito. "Huwag kang mag-alala, mag-iingat ako."
"Pero..."
"Sasamahan na kita. Alam kong pinaghahanap ka rin ng mga pulis dahil sa ginawa mong pag-kidnap kay Zoey," sabi naman ni Sgt. Martinez. Tinanguan lang ito ni Gavin.
"Aalis na kami. Mag-ingat kayo rito," sabi pa niya saka dinampian ng halik sa labi si Zoey.
Sabay na silang lumabas ng bahay. Sasakay na sana siya sa kanyang kotse nang pigilan siya ni Sgt. Martinez.
"Hindi mo maaaring gamitin ang sasakyan mong iyan. Tiyak nan aka-monitor na iyan sa mga kapulisan," sabi naman nito saka binuksan ang Honda civic nitong sasakyan na dark orange ang kulay. Doon sila sumakay. Ito na rin ang nagmaneho ng sasakyan.
"Sa tingin mo ba makukuha natin agad ang kahon na iyon?" tanong sa kanya ni Sgt. Martinez.
"I'm not sure. Ni hindi ko alam kung anong itsura ng kahon na hinahanap natin at lalong hindi tayo sigurado kung sa bahay ko nga itinago iyon ni Mama," sabi naman niyang bahagyang nag-aalala.
"Umaasa na lamang tayo na doon nga iyon tinago ng Mama mo," sabi na lang ni Sgt. Martinez habang patuloy sa pagmamaneho.
Tumango lamang siya at tahimik na naupo sa passenger's seat. Maraming bagay ang tumatakbo sa kanyang isip. Inaalala pa rin niya ang kalagayan ni Zoey sa safe house kahit na alam niyang ligtas ito roon.
Bago sila magdesisyon na pagplanuhan noon na kunin si Zoey sa kamay ni Dancel ay naisipan na nilang ipaalam muna iyon kay Sgt. Martinez na kaibigan ng kanyang amang si Alvin. Mabuti na lamang at naisipan nitong mas makabubuti kung lilipat sila sa safe house dahil tiyak silang unang pupuntahan ang kanilang bahay ng mga taong naghahanap sa kanila.
Matagal ang naging biyahe nila patungo sa dati niyang tinitirhan. Malayo rin kasi ang safe house na kanilang tinutuluyan. Gabing-gabi na nang makarating sila sa gate ng village. Sinalubong sila ng guwardiya ng village na iyon. Yumuko naman si Gavin at itinago ang kanyang mukha sa sombrero niyang suot. Tiyak kasi silang magre-report ang mga ito patungkol sa kinaroroonan niya.
"Sir, saan po ang punta ninyo?" tanong ng guwardiya kay Sgt. Martinez.
Naglabas naman ito ng chapa at ipinakita sa guwardiya. "Pulis ako at isa ako sa nag-iimbestiga sa kaso ni Gavin Jameson. Gusto ko lang tiyakin kung umuuwi pa siya diyan sa bahay niya."
"Ah ganoon ba, Sir? Hindi pa po nagagawi diyan si Mr. Jameson mula noong kidnap-in niya si Miss Candice."
"Nais kong makasiguro kaya maaari ninyo ba kaming papasukin?" tanong pa nito.
"Ah sige po pero may curfew po tayo sa mga bisita ng village, Sir. Hanggang alas diyes lang po puwede."
Tumango naman ito saka itinago ang chapa sa bulsa. "Sige, sandali lang naman ako. Magmamanman lang ng kaunti."
"Sige, Sir!" Sumaludo pa ang guwardiya kay Sgt. Martinez na ginantihan din nito ng mabilis na pagsaludo.
Pinaandar na nito ang sasakyan patungo sa kanilang bahay pero hindi pa man sila nakakalapit ay nakita na nila ang isang police mobile na nasa tapat mismo ng bahay ni Gavin. Itinigil ni Sgt. Martinez ang kotse sa hindi kalayuan. Sa hindi mahahalata ng mga ito.
"Mukhang bantay-sarado din ang mga pulis sa pagtugis sa'yo, Gavin. Matindi pala talagang kalaban ang Dancel Rodriguez na iyan. Kaya niyang baligtarin ang sitwasyon."
BINABASA MO ANG
Untold Story Of The Billionaire's Escort
RomanceMatagal nang prostitute si Zoey kaya naman sanay na siyang binabastos lang ng mga lalaki. Wala lang iyon sa kanya. Sanay na siya! Kaya naman niyang ibigay ang katawan niya sa kahit sinong lalaki basta may katumbas na halaga pero nagbago ang pananaw...