59: WORRIED

26 1 0
                                    

Sabay at magkahawak ang mga kamay nila habang naglalakad sa palengke. Itinuro ni Aling Celia sa kanila ang patungo roon. Sumama na rin ito sa kanila pero humiwalay rin ng landas dahil may iba pa raw pupuntahan ito.

Palinga-linga si Zoey sa paligid. Napakaraming tao sa palengke. Magkakaiba ng landas na pinupuntahan. Mayroong kasabay nila sa iisang direksiyon at mayroon namang kasalungat at nakakasalubong nila. Marami ang namimili sa iba't ibang tindahang naroon. May mga nagtitinda ng isda, gulay, karne at iba pa. Naaaliw siyang pagmasdan ang lahat ng mamimili na panay ang tawad sa mga nagtitinda.

"Anong gusto mong bilhin natin para mamaya sa hapunan?" tanong ni Gavin sa kanya.

Nilingon naman niya ito bago sumagot. "Parang gusto ko ng sinigang na bangus." Itinuro niya ang isang tindahan ng tilapia at bangus na nakita niya sa hindi kalayuan sa kinatatayuan nila.

Tumango naman si Gavin at inumpisahan nilang magmartsa palapit roon. Hawak pa rin ni Gavin ang kanyang kamay nang ituro nito sa tindera ang nais bilhin.

"Miss, isang kilong bangus nga po," anito.

Natigilan naman ang dalagang nagtitinda ng bangus. Nakatitig ito kay Gavin na tila nakakita ng isang artista. Napatigil din ang mga kamay nitong may hawak ng kutsilyo sa ere. Wala itong kakurap-kurap kahit pa naulit na ni Gavin ang sinabi nito.

"Miss," tawag pa ni Gavin.

Tumaas naman ang kilay niya. Alam niyang na-starstruck ang babae sa kanyang nobyo. Sino ba namang hindi e talaga namang guwapo ang kanyang nobyo. Tumikhim siya bago tinapik sa balikat ang tila natutulog ng gising na babae.

"Hoy Miss, nabili kami. Baka gusto mo kaming pagbilhan," mataray na sabi niya.

Nilingon naman siya ng babae at inirapan. Mabilis ding ibinalik ang tingin kay Gavin at ngumiti.

"Pasensiya na pogi. Ano ulit ang binibili mo?" tanong pa nito kay Gavin.

"Sabi niya, isang kilong bangus raw," mataray ulit niyang sagot.

Tiningnan siya ng masama ng dalaga at tinaasan ng kilay. "Hindi ikaw ang tinatanong ko."

"For your info, kasama po niya ako." Itinaas niya ang magkahawak nilang kamay ni Gavin. "Asawa ko siya kaya hindi mo na siya puwedeng pagpantasyahan."

Tila naman napahiya ang babae. Napayuko ito at hindi na nakasagot. Kinuha na lamang nito ang bangus at tinimbang pagkuwan ay nilinisan na iyon at hinati. Natatawa naman si Gavin habang pinagmamasdan ang dalawang babae.

"Ito na po. Bale 180 pesos po," sabi ng babae sabay abot ng supot ng bangus.

Nag-abot naman ng halagang dalawang daan si Gavin. "Keep the change na lang," sabi pa nito sabay ngiti.

Kinurot naman niya sa tagiliran si Gavin nang makalayo na sila roon. Napadaing naman ito sa sakit.

"Aray naman. Bakit ka ba nangungurot?" reklamo nito pero halatang natutuwa pa ito sa naging reaksiyon niya.

"Akala mo ba hindi ko nakita ang pagpapa-cute mo sa babaeng iyon?" mataray na sabi niya.

"Pagpapa-cute? Ako?" Itinuro pa nito ang sarili.

"At sino pa ba?"

"Hindi ako nagpapa-cute dahil matagal na akong cute," biro pa nito.

"Tse!" Inirapan niya ito sabay cross arm.

Hinatak naman siya nito sa bewang gamit ang isang kamay. May hawak kasing bayong sa isang kamay ito.

"Ang asawa ko, nagseselos," tudyo pa nito.

Untold Story Of The Billionaire's EscortTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon