55: TRAITOR

38 1 0
                                    


"Nabalitaan ko ang nangyari sa karinderya kanina a," sabi ni Aling Helga nang makauwi sina Zoey at Chelsea sa bahay nito. Mag-aala sais na sila ng gabi nakauwi. Hanggang alas singko lamang ang oras ng trabaho nila kay Aling Matilda pero dahil nasa kabilang kanto pa iyon at medyo malayo-layo sa bahay ni Aling Helga at naglakad lang sila kaya inabot na sila ng ganoong oras. At isa pa, nag-o-audit pa kasi si Aling Matilda.

"Ang bilis yata ng paggapang ng balita, nauna pa sa kanila," isip-isip ni Zoey.

"Sino pong nagbalita sa inyo?" tanong agad ni Zoey.

"Alam mo naman ang mga tsismosang kapitbahay, updated. Nakita daw nilang umalis at umiiyak si Ronnel galing sa karinderya. Naitanong kung bakit at ayon natanggal daw sa trabaho dahil sa pangungupit. Talaga naman, sinayang ang trabaho para sa isang maliit na halaga. Tsk!" nailing pang sabi nito.

"Hindi naman po niya sinasadya iyon," sabi pa ni Zoey.

"Paano ka naman nakakasiguro?" tanong pa nito na napatingin sa kanya.

"Siguro gipit lang po iyong tao," sabi na lamang niya. Ayaw na niyang ungkatin ang hinala na may kinalaman si Regine sa ginawang pangungupit ni Ronnel. Hindi rin naman siya sigurado kaya ayaw na lang din niyang mangbintang o manghusga.

Kumibit balikat naman ito. "Sa tingin ko naman, mas gipit pa kayo sa kanya pero hindi naman ninyo nagawang magnakaw o kumupit."

"Mas mahalaga po sa amin ang trabaho kaysa sa konting halaga na sisira sa pagkatao namin," sabi pa ni Zoey.

"Kaya nga ba may tiwala ako sa inyo kahit na hindi ko kayo masyadong kakilala," sabi pa ni Aling Helga.

"Salamat po kung ganoon," tugon niya.

"Magsasaing na po ba ako?" tanong naman ni Chelsea na naglakad na patungo sa kusina.

"Ay oo, puwede naman na tutal ala sais na rin naman," tugon naman ni Aling Helga.

"Sige po, magsasaing na ako," sabi naman ni Chelsea. Nawala na ito sa kanyang paningin. Naiwan siya sa sala kasama si Aling Helga. Nakaupo sila na magkahiwalay sa sofa na naroon. Nakaupo siya sa mahabang sofa samantalang nakaupo ito sa single sofa. Bukas ang tv at nanonood na ito ng programa roon.

"Aling Helga kapag po nakasahod na kami, aalis na po kami dito," aniya.

"Ay bakit naman? Hindi ko naman kayo pinapaalis." Lumingon ito sa kanya.

"Nakakahiya naman po kasi kung magtatagal kami rito. Sapat na rin naman po ang naitulong ninyo sa amin. Balang araw po ay makakabawi rin ako sa inyo."

"Walang anuman iyon hija. Hindi naman ako nanghihingi ng kapalit. Masaya na akong makatulong sa aking kapwa."

"Napakabuti po ninyo." Matamis na nginitian niya ito.

"Mabait talaga si Inay," sabat naman ni Vic na kapapasok lang. Galing ito sa vulcanizing shop. Kasunod nitong pumasok si Vil. Nagtama pa ang paningin nilang dalawa nang dumaan ito sa harap niya.

"Welcome naman kayo dito sa bahay kahit magtagal pa kayo," sabi naman ni Vil.

"Hindi naman kasi iyon puwede," sabi niya.

"Oo nga naman hijo, may sariling buhay sila at baka nga hinihintay o hinahanap na sila ng mga kaanak nila. Teka, hindi man lang ba ninyo alam kung saan ninyo puwedeng ma-contact ang isa sa mga kamag-anak ninyo?" biglang tanong nito na nagpakaba sa kanya.

Sigurado siyang pinaghahanap na siya ng mga taong nakakakilala sa kanya at gustong magtaka sa kanyang buhay ngunit hindi siya puwedeng matunton ng mga ito. Lalong hindi niya papayagan na mapahamak dahil sa kanya ang mga taong tumutulong sa kanya ngayon. Hindi rin niya maaaring sabihin sa mga ito ang totoo. Baka magdala lang ito ng takot sa mga ito.

Untold Story Of The Billionaire's EscortTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon