47: NIGHTMARE

30 1 0
                                    

Samantala, handa na ang lahat para sa dinner nila ni Zoey. Pinaghandaan niya iyon. Dinner with candle lights. Siya rin mismo ang nagluto ng mga putaheng inihanda niya. Panay rin ang tingin niya sa orasan. Hindi niya maitago ang excitement sa pagkikita nila ni Zoey. Para siyang teenager na bago pa lang nai-inlove.

Nag-shower siya pagkatapos iluto ang lahat ng pagkaing ihahanda niya. Pinili rin niya ang pinakamabangong pabango na paborito ni Zoey na lagi niyang ini-spray sa katawan niya. Pati ang pinili niyang suotin ay tiyak na hahangaan ni Zoey. Pinalantsa pa niya ang long sleeve polo niya para mas maayos tingnan pati ang kanyang slack pants at sapatos ay pormal na pormal. Ayaw niyang ma-disappoint si Zoey kaya naman lahat ay ginawa niya para mapasaya lang ito.

Pagpatak ng ala sais y medya ng gabi ay sinubukan na niyang tawagan ito para alamin kung nakaalis na ba ito sa opisina nito. Nakailang ring na ang cell phone nito pero hindi man lang nito sinasagot. Nakaramdam siya ng pag-aalala kaya patuloy pa rin niyang dinayal ang numero nito pero sa pagkakataong iyon, hindi na nagri-ring iyon. Puro operator na lamang ang tanging nagsasalita sa kabilang linya.

The number you have dialed is now unattended. Please try again later.

Paulit-ulit na ganoon ang naririnig niya. Nakuyom niya ang kanyang palad. Unti-unti na rin siyang nakakaramdam ng pagkainis dahil hindi niya ito ma-contact. Sinubukan niyang mag-text dito ng ilang beses. Nagbabakasakali pa rin siyang mababasa nito ang kanyang mensahe. Naghintay siya ng sagot ngunit wala ni isang reply mula rito.

Muli niyang dinayal ang numero nito. Talagang hindi ito ma-contact. Nakapatay talaga ang cell phone nito.

Sandali siyang nag-isip kung sino ang puwede niyang tawagan para alamin ang kinaroroonan ni Zoey. Naisip niyang idayal ang numero ng kumpanyang pinamamahalaan ni Zoey. Mabuti na lamang at may sumagot pa sa kanya ng ganoong oras. Karaniwan ay tapos na ng ala singko ang office hours ng mga ito.

"Hello, Glorioso Group of Companies, how may I help you?" anang babaeng sumagot sa kanyang tawag.

"Can I talk to Miss Candice Smith?" tanong niya rito.

"Oh I am very sorry Sir but she already left," tugon naman ng babae.

"May I know what time she left?"

"Ahm, almost 20 minutes ago, I guess?" tila hindi siguradong sambit nito.

Naisip niyang ito ang mga oras na natawag siya dito pero hindi nito sinasagot. Siguro ay na-lowbat lang ito. Kinalma niya ang sarili bago muling binaling ang atensiyon sa kausap.

"Ah, thank you Miss. Bye," aniya saka pinindot ang end button.

Nagpasya na lamang siyang hintayin si Zoey. Siguro ay on the way na ito.

Ngunit... unti-unti nang nauupos ang kandila sa kanyang harapan. Ilang oras na siyang nakaupo sa harap ng lamesa kung saan nakahanda ang lahat ng pagkain para sa dinner nila ni Zoey. Unti-unti na rin siyang dinadalaw ng antok pero walang Zoey na dumarating.

Tumayo siya at sumilip sa glass window. Napakadilim na ng paligid at wala na ni isang sasakyan ang dumaraan. Tahimik ang paligid at walang senyales na may paparating na sasakyan.

Muli niyang tiningnan ang orasan. Almost ten in the evening. Malamig na ang pagkain na nasa lamesa. Sa tingin niya, nabalewala lang ang pinaghirapan niya. Wala nang Zoey na darating. Nawalan na rin siya ng ganang kumain kahit na kanina pa siya nagugutom.

Nagpasya na lamang siyang pumasok sa kanyang kuwarto at pinabayaang nakahain ang pagkain sa dining area. Ni hindi na siya nag-abala pang takpan man lang iyon. Wala na siyang pakialam kahit pa pag-fiestahan iyon ng mga daga at ipis kung mayroon man sa malinis niyang bahay.

Untold Story Of The Billionaire's EscortTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon