"Good morning!" nakangiting bati sa kanila nila ni Mang Alvin. Sabay at magkaakbay silang lumabas ng kuwarto at bumungad agad sa kanila ito. May hawak itong mainit na kape sa kanang kamay nito. Itinaas pa nito iyon at inialok sa kanila. "Kape tayo!"
"Salamat po," tugon naman ni Zoey. "Ako na po ang magtitimpla ng kape namin ni Miguel."
Naglakad siya patungo sa kusina samantalang si Gavin ay naupo sa tabi ni Mang Alvin.
"Mukhang masarap ang tulog niya kagabi a," sabi pa ni Mang Alvin na tila may ibig ipakahulugan.
"Sobrang sarap po," sabi naman ni Gavin sabay tawa na parang nakuha nito ang ibig sabihin ni Alvin.
"Masarap talaga kapag may katabi sa pagtulog," ani Mang Alvin saka humigop ng kape.
"Nami-miss ninyo po si Selena?" tanong naman ni Zoey na kababalik lang galing sa kusina. Inabot niya ang tasa ng kape kay Gavin at tumabi dito. Hawak rin niya ang tasa ng kape at hinigop iyon habang naghihintay ng isasagot ng lalaki.
"Oo. Lagi ko naman siyang nami-miss. Hindi lumilipas ang mga sandaling hindi ko siya naaalala. Umaasa ako na magkikita pa kami." Lumungkot ang mga mata nito at napabuntong hininga.
"Alam ninyo po ba kung saan matatagpuan si Selena?" tanong pa niya.
Tumango ito. "Alam ko pero hindi na ako nagtangkang lumapit pa sa kanila. Ang huling kita ko sa kanya ay noong panahong magkakasama sila ng kanyang asawa at anak sa labas ng kanilang bahay. Dalawang taon na siguro ang anak niya noon at naglalaro na. Naisip ko noon na, masaya na siya kaya hindi ko na siya nagawang guluhin pa. Doon na ako nagpasyang lumayo at hindi na magparamdam pa," malungkot na saad nito.
"Ngayong nagbalik na po kayo, may balak po ba kayong alamin kung ano nang nangyari sa kanya?" tanong pa ni Zoey. Nais talaga niyang malaman ang mga balak nito dahil natatakot siya na baka makaisip ito na alamin ang nangyari sa kasintahan nito at malaman nitong namatay na iyon. Kapag nagkataon, mapapalapit na naman sila kay Don Guillermo at ayaw niyang mangyari iyon.
"Ilang beses na ring sumagi sa isip ko na puntahan siya ulit sa dati niyang tinitirhan at kumustahin. Bilang kaibigan siguro." Tumawa pa ito ng pagak. "Mahigit dalawang dekada na naman ang nakalipas at siguro naman ay wala nang kaso kung kumustahin ko siya."
"Mabuti pa po ay huwag na lang," suhestiyon naman ni Zoey na ipinagtaka ng dalawang lalaki. Parehas na kumunot ang noo ng mga ito.
"Bakit naman?" tanong pa nito.
"Kasi kayo na rin po ang may sabi na masaya na siya sa asawa at anak niya. Kung magpapakita pa po kayo sa kanya, baka po mabuhay pa ang sugat na iniwan ninyo. Ibig kong sabihin, panigurado po akong nasaktan si Selena nang iwan ninyo siya at hindi ipaglaban. Kapag po nagpakita kayo sa kanya, tiyak na maaalala niya ang sakit na iyon at magdudulot lang iyon ng hirap ng kalooban niya," sabi pa ni Zoey.
Tumango-tango naman ang lalaki. "Siguro nga tama ka. Matagal na rin naman iyon at tiyak na nakalimutan na niya ako."
"Pero wala namang masama kung alamin ninyo pa rin kung ano na ang kalagayan niya kahit hindi na kayo magpakita pa sa kanya," suhestiyon naman ni Gavin na ikinagulat ni Zoey. Hindi niya akalaing sasalungat ito sa kanyang sinabi.
Sandaling nag-isip ang lalaki. "Sabagay may punto ka rin. Sa totoo lang, gusto ko rin malaman kung ano nang nangyari sa kanya paglipas ng mahabang panahon. Gusto kong malaman kung okay pa rin ba siya?"
"Pero..." ani Zoey. Nais pa sana niyang kumontra pero nagbago ang kanyang isip. Hindi niya puwedeng ipaggiitan dito ang nais niya.
"May problema ba?" tanong ni Gavin.
BINABASA MO ANG
Untold Story Of The Billionaire's Escort
RomanceMatagal nang prostitute si Zoey kaya naman sanay na siyang binabastos lang ng mga lalaki. Wala lang iyon sa kanya. Sanay na siya! Kaya naman niyang ibigay ang katawan niya sa kahit sinong lalaki basta may katumbas na halaga pero nagbago ang pananaw...