"Sino ba ang lalaking iyon?" tanong ni Mang Alvin.
Nakaupo na sila sa harap ng hapag-kainan. Hindi pa rin makasubo si Zoey kahit na kanina pa nakalagay ang pagkain sa kanyang plato. Lumalamig na ito pero hindi man lang niya magalaw. Nakatulala siya pagkain habang hawak ang kutsara. Napakalayo ng kanyang isip. Naglalakbay sa kung saan.
"Siya si Dancel," tugon naman ni Gavin sabay buntong-hininga. Hindi rin niya maunawaan kung bakit natagpuan sila nito. Para talaga itong aso na malakas ang pang-amoy. Kahit sa malayo ay nakakaamoy ito.
Sinulyapan ni Gavin si Zoey at napansin nito ang labis na pag-aalala niya. Hinawakan nito ang kanyang kamay at bahagyang pinisil iyon. Tila nagising naman siya sa mahabang pagkakatulog at napagtanto niyang nasa realidad na siya nang makita si Gavin sa tabi niya.
"Huwag mo nang isipin si Dancel," sabi pa nito sa kanya.
"Pasensiya na. Na-shock lang siguro ako sa biglaang pagpunta niya rito," aniya sabay buntong hininga. Muli niyang itinuon ang mata sa pagkain pero nawalan na talaga siya ng gana. Ni hindi niya magawang isubo iyon.
"Ano bang papel ng Dancel na iyon sa buhay ninyo?" tanong pa ni Mang Alvin.
"Siya po kasi ang lalaking nakapulot kay Zoey noong panahong nabaliw siya dahil sa ginawa ni Don Guillermo sa kanya. Binigyan siya nito ng bagong katauhan pero nang malaman niya na nagkabalikan na kami ni Zoey, gumawa siya ng paraan para paghiwalayin rin kami pero hindi siya nagtagumpay," sagot naman ni Gavin.
"Isa rin palang baliw," komento naman ni Mang Alvin na naiiling.
"Totoo. Hindi ko nga akalain na ganoon ang ugali ng lalaking iyon. Sa totoo lang, mukha siyang maamong tupa pero nagtatago sa kanya ang isang mabangis na lobo," sabi pa ni Gavin.
"Delikado ang ganoong tao. Hindi mo alam kung anong tumatakbo sa kanyang isip," sabi pa ni Mang Alvin.
"Hindi naman ako natatakot sa lalaking iyon. Ang inaalala ko lang ay si Zoey." Tumingin pa ito sa kanya.
Pinilit naman niyang isubo ang kanin na nasa kanyang kutsara at nginuya iyon.
"Sa tingin mo ba, kailangan ninyong umalis dito?" tanong pa ni Mang Alvin.
Umiling naman si Gavin. "Hindi ako magpapasindak sa lalaking iyon. Hindi kami aalis dito para lang ipakita sa kanya na natatakot kami sa kanya. Lalabanan ko siya nang harapan."
Tumango-tango naman si Mang Alvin. "Siguro, kailangan lang nating magdoble ingat. Hindi natin alam kung anong pinaplano ng kalaban."
"Tama po kayo," tugon naman ni Gavin.
Nakaupo si Zoey sa ilalim ng punong mangga habang nakatanaw kay Gavin na abala sa pagtatanim ng palay sa hindi kalayuan. Tagaktak na ang pawis nito dahil sa tindi ng sikat ng araw pero hindi nito iniinda. Nakangiti pa rin ito habang nagtatrabaho at panay ang sulyap sa kanya.
Natutuwa naman siya habang pinagmamasdan ito. Hindi mo aakalaing lumaki ito sa mayamang pamilya at sa buhay na maginhawa. Kung titingnan mo ito ngayon, parang totoong taga-probinsiya na sanay sa gawaing mabibigat. Bagay na bagay dito ang suot na sumbrerong gawa sa abaka at damit ng isang magsasaka. Long sleeve na itim at pantalong itim na nakataas ang laylayan hanggang sa tuhod. Nakabota rin ito.
"Ang guwapo pa rin niyang tingnan kahit na ganoon ang itsura niya," naisaloob niya.
Mas lalo siyang humahanga kay Gavin. Mas pinili nitong maghirap kasama siya para lang mapatunayan nito kung gaano siya nito kamahal.
"Oh, narito na ang pagkain ng tatlong macho," biro naman ni Aling Celia bitbit ang isang malaking basket na may lamang pagkain. Isa-isa nitong inilapag sa nakalatag na dahon ng saging ang mga pagkain. Tinulungan naman niya itong maghain.
BINABASA MO ANG
Untold Story Of The Billionaire's Escort
RomanceMatagal nang prostitute si Zoey kaya naman sanay na siyang binabastos lang ng mga lalaki. Wala lang iyon sa kanya. Sanay na siya! Kaya naman niyang ibigay ang katawan niya sa kahit sinong lalaki basta may katumbas na halaga pero nagbago ang pananaw...