61: QUESTIONS

28 1 0
                                    

"Ayos ka lang ba?" tanong sa kanya ni Gavin nang makarating ito galing sa pamimili. Para lang kasi itong hangin na dumating at hindi man lang niya pinansin. Tulala lang siya habang nakaupo sa isang mahabang upuang gawa sa kawayan. Wala siyang imik at ang tanging tumatakbo sa kanyang isip ay ang mga sulat at larawan na nakita niya kanina.

Tinabihan siya ni Gavin at inakbayan. May pag-aalala sa mukha nito.

"Zoey," sambit nito sa kanyang pangalan. Saka pa lamang siya natauhan at napatingin dito.

"Gavin, nandiyan ka na pala," aniya na parang ngayon lang niya ito nakita.

"Wala ka na naman sa iyong sarili. Nag-aalala ka pa rin ba na baka matagpuan nila tayo rito?" tanong pa nito sa kanya.

Bumuntong hininga naman siya. "Pasensiya na," tanging nasambit niya.

Wala siyang planong sabihin kay Gavin ang kanyang natuklasan. Natatakot siya na baka magalit ito sa kanya kapag nalaman nitong siya ang dahilan ng pagkamatay ng ina nito. Alam niyang matagal nang naghahanap ng hustisya si Gavin para sa ina pero hindi niya kayang sabihin dito ang katotohanan sa kung paanong tunay na namatay ang ina nito. Ayaw na rin niyang alalahanin pa sana iyon dahil nag-uudyok iyon para atakihin na naman siya ng trauma.

"Huwag mo nang kaisipin iyon okay? Ligtas ka rito at walang mananakit sa'yo," sabi pa nito saka ngumiti at hinaplos ang kanyang mukha. Tumango naman siya at tipid na ngumiti.

"Siya nga pala, um-order na ako ng ref at tv. Ide-deliver na lang daw nila dito bukas nang umaga. Bale dalawang tv ang in-order ko. Balak kong ibigay ang isa kina Tatay Tasyo at Nanay Celia para naman may libangan rin sila."

Tumango naman siya. Tila wala pa rin siyang ganang magsalita. Hindi naman sa hindi siya sang-ayon sa sinabi nito, talaga lamang hindi niya alam ang sasabihin sa dami ng tumatakbo sa kanyang isip.

"Bumili na rin pala ako ng kutson. Alam kong nahihirapan kang matulog sa matigas na katre."

"Salamat," tipid na sagot niya. Kanina lang ay iniisip niya na sana ay bumili ng kutson si Gavin. Tila nabasa yata nito ang kanyang nasa isip kahit malayo na ito kaya bumili ito kahit hindi naman niya nasabi iyon.

Niyakap siya ni Gavin pagkatapos ay bumuntong hininga ito. "Zoey, patawarin mo ako kung hindi ko magawang pasayahin ka nang tuluyan. Hindi ko maalis sa'yo ang mag-alala pero sana kalimutan na natin ang nakaraan. Ngayong magkasama na tayo, gumawa tayo ng bagong alaala. Masasayang alaala. Kalimutan na natin sila. Ikaw na si Carla at ako si Miguel."

"Pero Gavin," aniya. Tiningala niya ito at kitang-kita niya ang lungkot sa mga mata nito. Nakaramdam siya ng awa sa nobyo. Nang dahil sa kanya, nalulungkot ito.

Hinawakan niya ang batok nito at inilapit ang mukha sa kanya. Dinampian niya ng halik ito sa labi saka ngumiti.

"Susubukan kong kalimutan ang lahat. Hindi mo na ako makikitang nag-aalala mula ngayon," aniya saka muling niyakap ng mahigpit ang nobyo. Hinalikan naman siya nito sa kanyang ulo.

"Naku! Bakit naman nag-abala pa kayong bumili ng ganyan? Nakakahiya naman," ani Aling Celia na hindi rin naman maitago ang kasiyahan habang nakatingin sa telebisyon na kadarating lang at ngayon ay ipinapasok sa kanilang maliit na sala.

"Ituring ninyo pong pasasalamat namin sa inyo iyan dahil sa pagpapatuloy po ninyo sa amin," sabi naman ni Gavin habang nakaakbay sa kanya.

"Salamat mga anak. Sa totoo lang ay matagal na naming gustong bumili ng ganyan para naman makapanood man lang kami ng balita," sabi pa nito.

"Ngayon, hindi lang po balita ang mapapanood ninyo. Maaari na po kayong manood ng iba't ibang palabas na gusto ninyo," sabi naman ni Zoey.

"Salamat talaga," tuwang-tuwang sabi ulit nito saka nilapitan ang tv na ngayon ay maayos nang nakapatong sa estante. Hinawakan nito at hinaplos ang tv na para bang ngayon lang ito nakakita niyon.

Untold Story Of The Billionaire's EscortTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon