66: DECISION

22 1 0
                                    


Hindi makatulog si Zoey nang mga oras na iyon. Pabiling-biling siya sa higaan. Hindi siya mapakali sapagkat alam niyang malaki ang tampo sa kanya ni Gavin. Hating-gabi na ay wala pa rin ito sa kanyang tabi.

Panay pa rin ang pahid niya sa kanyang mga luha. Napakabigat ng kanyang pakiramdam. Parang may nakadagan sa kanyang puso. Kahit na nasabi na niya ang lahat ng nagpapabigat roon ay tila mas lalong naging mabigat ang naging resulta niyon.

Bumangon siya at nagtungo siya sa labas. Inilinga niya ang paningin sa paligid at hinanap ng kanyang mga mata si Gavin. Natagpuan niya itong nakatalikod na nakatayo sa may puno ng mangga. Nakahawak ang isang kamay nito sa puno at ang isa namang kamay ay may hawak na bote ng alak. Panay ang tungga nito sa alak na hawak.

Kahit na hindi niya nakikita ng harapan si Gavin ay ramdam niya ang bigat ng kalooban na pinagdadaanan nito. Gusto niya itong yakapin at sabihin na "narito lang ako sa tabi mo" pero hindi niya magawa. Parang may pumipigil sa kanyang gawin iyon. Alam niyang hindi pa matanggap sa ngayon ni Gavin ang nalamang katotohanan at hindi niya ito masisisi. Kahit siya ang nasa kalagayan nito, mahihirapan din siyang tanggapin na ang taong mahal niya ang naging dahilan ng pagkamatay ng pinakamamahal niyang ina. Kasabay pa ang nalaman nitong pinatay ng kinilala niyang ama ang kanyang anak. Napakasakit niyon at ramdam na ramdam niya.

Napayuko na lamang siya at nanlulumong bumalik sa loob ng kanyang kuwarto. Doon niya ibinuhos ang mga luhang kanina pa panay ang pagbagsak mula sa kanyang mga mata. Unan ang naging karamay niya sa lahat ng bigat na nararamdaman niya.

"Patawarin mo ako," sambit pa niya na para bang kausap niya si Gavin. Walang salitang makakapagpagaan ng kanyang loob o ni Gavin. Ang salitang iyon ay patunay lamang na guilty siya sa lahat ng nangyari at naging resulta ng lahat.

Humihikbi pa siya nang maramdamang pumasok na si Gavin sa loob ng kanilang kuwarto. Hindi niya ito nilingon pero ramdam niya ang bigat ng awra nito. Umupo ito sa gilid ng kama patalikod sa kanya. Narinig pa niya ang sunod-sunod at malalim na buntong hininga nito. Hindi ito nagsalita at nahiga lamang sa tabi niya. Nang lingunin niya ito ay nakatalikod pa rin ito sa kanya.

"Galit kaya siya sa akin?" Iyon ang naglalaro sa kanyang isip at kahit hindi ito magsalita ay ramdam niyang ayaw siyang kausapin nito.

Nagpasya na lamang siyang tumalikod rin dito. Ipinikit niya ang kanyang mga mata at pinilit ang sarili na makatulog kahit mailap ang antok sa kanya. Umaasa pa rin siya na lalapit si Gavin para yakapin siya pero matagal siya sa ganoong posisyon ngunit hindi man lang ito natinag. Nakatalikod pa rin ito sa kanya nang marinig niya ang paghilik nito. Marahil ay sa labis na kalasingan.

Tulog na tulog pa rin si Gavin nang bumangon siya kinaumagahan. Alas kuwatro pa lang din naman ng madaling-araw kaya hinayaan lang niya itong matulog. At isa pa, wala siyang balak na gisingin ito bago siya umalis.

Oo, aalis siya. Napagdesisyunan niya iyon kagabi nang hindi siya makatulog. Alam niyang hindi siya mapapatawad ni Gavin. Papalipasin na lamang niya ang galit nito sa kanya. Mahirap kung ipagsisiksikan niya ang sarili niya rito ngayon. Ayaw naman niyang kumilos na parang dinadaanan lamang siya ng hangin dahil galit ito sa kanya.

Nagpakawala siya ng malalim na buntong hininga habang nakatitig sa mahimbing na natutulog na nobyo. Mabigat sa kalooban niya ang naging desisyon pero sa tingin niya, mas makabubuting lumayo muna siya. Para magkaroon sila espasyo at makapag-isip ng tama.

Inilapag niya sa lamesa na nasa gilid ng kama ang isang sulat ng pamamaalam at iniwan ito roon. Dinampot niya ang kanyang itim na travelling bag at binuhat iyon palabas ng bahay. Isang beses pa niyang nilingon ang bahay-kubong naging saksi rin sa kanilang matamis na pagmamahalan. Isa pang malalim na buntong hininga bago niya inihakbang ang kanyang mga paa palayo.

Untold Story Of The Billionaire's EscortTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon