87: EXPLOSION

40 1 0
                                    


Tulala si Zoey nang muli silang hawakan ng mga tauhan ni Don Guillermo. Samantalang si Angela ay walang tigil pa rin sa pag-iyak at sa pagtili. Nagpupumiglas ito sa pagkakahawak ng mga lalaki.

"Bitiwan ninyo ako! Aaaahhh!" Kasabay niyon ang walang tigil na hagulgol.

Sabay silang inihagis pabalik sa loob ng silid kung saan nakabulagta pa rin ang dalawang tauhan ni Don Guillermo at si Aloha na hindi man lang pinakialaman nito matapos patayin.

"Inay!" muling tawag ni Angela. Mabilis nitong niyakap at nilapitan ang ina.

Awang-awa naman si Zoey habang nakatingin sa dalagita. Ramdam niya ang trauma na nararamdaman ni Angela. Marami ng tao ang pinatay sa harapan nito. Sa murang edad nito ay hindi dapat ito nakakaranas ng ganoong kalupit na mga pangyayari.

"Demonyo ka talaga, Don Guillermo," halos pabulong na sabi niya. Parang bigla siyang nakaramdam ng matinding panghihina nang makita niyang walang awang patayin nito si Dancel. Hindi pa rin siya makapaniwalang kayang gawin ni Don Guillermo ang bagay na iyon. Hindi rin niya akalaing sa ganoong pangyayari magtatapos ang buhay ni Dancel. Kahit na malaki ang kasalanan nito sa kanya ay hindi niya ninais na mamatay ito sa ganoong karumal-dumal na kamatayan.

Tumulo ang luha sa mga mata ni Zoey. Unti-unti na siyang nawawalan ng pag-asa. Sa ginawa ni Don Guillermo, tiyak siyang hindi rin nito sasantuhin si Gavin. Ayaw niyang makita itong mamatay sa harapan niya. Baka ikamatay rin niya o baka magpakamatay na rin siya kapag namatay ito.

Sinenyasan ni Don Guillermo ang mga tauhan nila upang muli silang itali. Hindi na siya pumalag dahil alam naman niyang wala rin iyong magagawa. Sinubukan na lamang niyang salubungin ang tingin ni Don Guillermo. Isinusumpa niya ito sa kanyang isip.

"Mamamatay ka rin, demonyo ka!"

Lumapit sa kanya si Don Guillermo na nakangisi. Yumuko pa ito upang abutin ang kanyang mukha.

"Do you want to tell me something, Zoey?" tanong nito sa kanya. Nabasa marahil nito ang nasa isip niya.

"Ano pa bang salita ang nararapat sa isang katulad mo?" mataray niyang sabi. Pinipilit lang niyang lakasan ang loob kahit ang totoo ay nauubusan na siya nito.

"No words can describe what I am," sagot naman nito saka siya tinalikuran.

"Gavin's clock is ticking. Maibigay kaya niya ang hinihingi ko?" tanong pa nito sa kanya pagkatapos kumuha ng sigarilyo at sindihan iyon. Sinubo at hinithit saka ibinuga ang usok sa kawalan.

Hindi siya sumagot. Wala siyang ideya sa kung anong klaseng ebidensiya ang hinihingi nito. Hindi pa niya nakikita kung ano iyon basta ang alam lang niya ay isang kahon iyon na may susi. Susi na ibinigay ni Selena sa kanya at ibinigay naman niya kay Gavin. Ang alam niya nahanap na ni Gavin ang ebidensiyang iyon kaya naman natatakot siya sa oras na mapasakamay na ito ni Don Guillermo. Tiyak na katapusan na rin nila.

Tumingin ito sa orasan pagkuwan ay kinuha ang cell phone. May dinayal ito roon. Nagsalubong pa ang kilay nito matapos na walang sumagot sa tawag nito.

"Mukhang walang pakialam sa'yo ang boyfriend mo. Hindi niya sinasagot ang tawag ko," sabi pa nito na ang tinutukoy ay si Gavin. Muli nitong dinayal ang numero. Inihagis nito ang cell phone sa pader nang walang sumagot sa tawag nito. Nagkadurog-durog ang cell phone na bumagsak sa sahig.

Nilapitan siyang muli ni Don Guillermo. Gigil nitong pinisil ang kanyang magkabilang pisngi.

"Sinusubukan ninyo ba talaga ako ni Gavin ha?" galit na sambit nito.

"W-wala ring alam si Gavin sa ebidensiyang sinasabi mo kaya wala kang mapapala sa amin. P-patayin mo na lang kami tutal mamamatay-tao ka naman!" matapang niyang sagot kahit na hirap magsalita sa pagkakaipit ng kanyang bibig.

Untold Story Of The Billionaire's EscortTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon