23: LET GO

43 1 0
                                    


Gabi na ngunit hindi pa rin siya dinadalaw ng antok. Naroon pa rin siya sa bahay ni Mang Damian. Nakahiga siya sa banig na nakalatag sa sahig. Malamig at matigas iyon kumpara sa kama na tinutulugan niya sa bahay ni Gavin pero hindi niya magawang magreklamo. Nakatulala lamang ang kanyang mga mata sa kisame at inaalala ang kanilang maiksing pagsasama.

Mahimbing nang natutulog ang mag-ama sa maliit na katre. Hindi kasi siya pumayag na doon matulog. Katwiran na rito ay bisita lamang siya at hindi kailangang itratong parang prinsesa. At isa pa, mas kailangan ng mga ito ang mas maayos na higaan kumpara sa kanya. Kaya naman niya ang tigas at lamig ng semento.

Bumangon siya at dahan-dahang naglakad palabas ng bahay. Iniwasan niyang makagawa ng anumang ingay. Halos wala ring space sa labas ng bahay dahil napakakipot ng daanan roon. Para lang sa dalawang taong magkasalubong ang daan.

Kahit na gabi na ay maingay pa rin ang paligid. Parang walang kapaguran ang mga tao. Gising na gising ang mga ito at waring hindi maubos-ubos ang kuwentuhan. Ganoon marahil sa squatter's area. Hating gabi na kung matulog ang mga tao.

Sanay naman siya sa ganoon. Sa totoo lang, medyo na-miss nga niya ang maingay na paligid sa gabi. Medyo matagal rin tumahimik ang kanyang mundo mula nang makilala niya si Gavin at hindi na siya nito pabalikin sa casa.

Huminga siya nang malalim at nilanghap ang hindi gaanong malinis na hangin. Tumingala siya sa kalangitan habang nakasandal ang likuran sa pader ng barong-barong. Wala naman kasi siyang maupuan roon. Masyadong makakaabala kung maglalagay pa siya ng monoblock na kanyang uupuan.

Mula sa kinatatayuan ay kita niya ang mga bituin sa langit. Kaunti lamang iyon dahil natatakpan ng ulap at mga bubong sa paligid. Ngunit kahit paano ay nakikita pa rin niya iyon. Naa-appreciate pa rin niya ang mga ito. Matagal-tagal na rin niyang hindi napagmamasdan ng ganoon ang kalangitan.

Muli siyang bumuntong hininga. Ang tanging nakikita niya ay mukha ni Gavin. Nanghihinayang siya sa maiksing pagsasama nila. Alam niya sa sarili niya na ito lang ang lalaking nagpasaya sa kanya. Wala nang iba. Ito ang bumago sa magulo niyang mundo. Ito ang nagbigay ng kulay sa kanyang pagkatao.

Pinahid niya ang luhang basta na lamang pumatak mula sa kanyang mga mata.

"Gavin," sambit niya.

"Bakit hindi ka na lang kasi bumalik sa kanya?" Napapitlag siya nang marinig ang boses mula sa likuran.

"Tay Damian," sambit niya. Ang akala niya ay mahimbing na itong natutulog.

Tumabi ito sa kanya.

"Anak, mahirap ang umiiwas sa problema. Hindi masosolusyunan iyon kung tataguan mo lang," sabi naman ng matanda sa kanya.

"Paano po kung ang problema ay ang mismong taong kailangan mong iwasan?"

"Bakit mo ba kailangang iwasan kung puwede mo namang kausapin?" tugon naman nito.

"Pero itay..."

"Anuman ang dahilan mo ay madadaan sa maayos at mahinahong usapan. Huwag mo nang tikisin iyang nararamdaman mo dahil alam kong nahihirapan ka rin," sabi naman ng matanda saka siya tinapik sa kanyang balikat.

"Tama si Tatay Damian." Nilingon niya ang boses ng taong biglang nagsalita sa kanyang tabi. Hindi niya namalayan ang paglapit nito.

"G-Gavin?" gulat na sambit niya.

"Tinawagan ko siya kanina. Alam kong kailangan ninyong mag-usap," tugon naman ni Mang Damian.

Laglag naman ang kanyang balikat na tumigin kay Mang Damian bago muling tumingin kay Gavin.

Untold Story Of The Billionaire's EscortTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon