Chapter I

7.8K 1K 139
                                    

Chapter I: At the Mansion Hall

Tahimik ang kabuoan ng paglalakad nina Finn magmula pa nang magdesisyon sila na umalis sa ampiteatro upang magtungo sa pribadong silid. Walang bumasag sa katahimikan, at tanging ingay lang ng mga yabag ang maririnig. Mayroong tensyong nararamdaman ang mga miyembro ng New Order, subalit hindi ito ganoon kalala. Nakatuon ang atensyon nila sa paligid at kanilang dinaraanan habang ginagabayan sila ng mga nakatataas at ng mga mandirigma ng Warwolf Clan.

Kahit na mukhang kalmado si Finn sa labas, hindi niya inaalis ang kaniyang pagiging alisto. Lagi siyang mapagbantay dahil hindi na siya ignorante at alam niyang anomang oras o sinoman ang kasama niya ay maaaring may mangyaring insidente.

Hindi sa wala siyang tiwala sa Warwolf Clan. Naniniwala siya sa mga ito na gusto nilang makipagkaibigan, subalit para sa kaniya, mas mabuti na'ng maging maingat kaysa magsisi sa huli.

Patuloy lang sila sa tahimik nilang paglakakad hanggang sa...

“Finn Silva, masyado tayong marami kaya napagdesisyunan ko na sa aking mansyon na lang tayo magsasagawa ng pribadong pagpupulong,” sambit ni Keanu. “Ayos lang ba iyon sa iyo?” Tanong niya pa.

Bahagyang ngumiti si Finn at tumango. Ibinuka niya ang kaniyang bibig at marahang tumugon, “Wala iyong problema sa akin. Hangga't ligtas ang lugar para sa amin, hindi problema kahit saang lugar tayo mag-usap.”

Humalakhak si Keanu at pinagkiskis niya ang kaniyang mga palad. Malapad siyang ngumiti kay Finn at sinabing, “Ang aking mansyon ay pribado kong pag-aari. Walang mga tagalabas na maaaring pumunta roon, at kailangan pa ng iba ang aking pahintulot bago sila pumasok doon.”

“Maliban sa ilang mga tagapagsilbi at tagapagbantay na maaari ko namang paalisin pansamantala, wala nang ibang naroroon kung hindi tayo lamang,” kumpyansang dagdag niya.

“Mas mainam kung gano'n. Maaaring may pag-usapan tayong sensitibong paksa; hindi naman angkop kung maririnig iyon ng iba, hindi ba?” Makahulugang hayag ni Finn.

Nanatiling walang imik ang ibang namumuno sa Warwolf Clan. Malinaw nilang nauunawaan kung ano ang ibig sabihin sa likod ng mga salita ni Finn. Naiintindihan nila na mayroon itong gustong sabihin, at hindi iyon maaaring malaman ng iba. Pakiramdam ng iba sa mga namumuno ay kabilang sila sa mga hindi maaaring makarinig ng mahahalagang sasabihin nito, at sa totoo lang, nakaramdam sila ng pagkadismaya dahil dito.

Ganoon man, sinarili na lang nila ang kanilang reaksyon at opinyon patungkol dito. Kahit na sila ay kabilang sa namununo sa Warwolf Clan, kumpara sa pagkatao at impluwensiyang mayroon si Finn, walang-wala sila.

Samantala, umismid si Keanu matapos niyang marinig ang pahayag ni Finn. Nagkibit-balikat siya at kaagad ding tumugon, “Alam ko, Finn Silva. Huwag kang mag-alala dahil alam ko na ang aking gagawin. Basta kapag mayroon kang nais sabihin na ako lang ang kailangang makaalam, maaari tayong gumamit ng Sound Concealing Skill.”

Napakunot ang noo ni Finn at napatitig siya sandali kay Keanu. Bahagya siyang ngumiti at marahang sinabing, “Maaari nga.”

Pagkatapos sambitin ni Finn ang katagang ito, ngumiti na lang si Keanu at hindi na nag-usal pa ng kahit anong salita.

Pinagpatuloy na nila ang tahimik nilang paglalakad patungo sa mansyon ni Keanu. Hindi maiwasan nina Finn na mapalingon sa paligid dahil sa ibang tagalabas na nakakasabay at nakakasalubong nila sa paglalakad. Karamihan sa mga tagalabas ay pinupukulan sila ng humahangang tingin habang may ilan na binibigyan sila ng masama at nakamamatay na tingin--kagaya na lang ng pangkat ni Delphine na kasalukuyang huminto pa sa paglalakad matapos silang makita.

Halatang hindi pa rin nito tanggap ang kanilang pagkatalo. Ramdam na ramdam ni Finn ang masamang intensyon sa aura nito, pero sa halip na patulan o hintuan, binigyan niya na lang ito ng matamis na ngiti habang patuloy pa rin sila sa paghakbang.

Legend of Divine God [Vol 14: Remnants of the Gods]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon