Chapter LXXVII

5.3K 892 34
                                    

Chapter LXXVII: Within Expectations (Part 1)

Dahil ayaw ni Finn na manatiling nakahiga na lang, kaagad siyang tumayo at inayos niya ang kaniyang sarili. Wala siyang panahon para magpahinga nang matagal dahil mayroon pa siyang mga kailangang gawin bilang pinuno ng New Order. Wala pa silang malinaw na sunod na hakbang at dahil wala pa rin siyang ideya kung hanggang kailan sila magtatagal sa mundong ito, kailangan nilang sulitin ang bawat sandali na naririto sila dahil sayang ang pagkakataon kung wala silang gagawin para makapangalap ng mga kayamanan at malalakas na kakampi.

Humakbang siya palayo sa higaan. Walang pag-aalinlangan siyang lumabas ng silid at ang una niyang naisip ay ang magtungo sa kinaroroonan ni Auberon.

Kailangan niya pang makibalita rito kung ano ang mga nangyari at nangyayari sa New Order. Gusto niya ring alamin kung nasunod ba ang kaniyang utos patungkol sa paglalakbay nina Eon patungo sa lugar na itinuturo ng mapa na nakuha nila sa angkan ng mga warwolf.

Naglakad siya sa pasilyo ng kastilyo. May mga miyembro siyang nakakasalubong at magalang siyang binabati ng mga ito. Bilang tugon, tinatanguhan niya na lang ang mga ito at agad ding nilalampasan. Walang dahilan para makipagkuwentuhan siya sa mga miyembrong nagbabantay sa kastilyo dahil ang kailangan niya ay si Auberon na nakakaalam ng kabuoang nangyayari sa kanilang teritoryo.

Hindi nagtagal, narating niya kung saan karaniwang namamalagi si Auberon. Agad siyang nakita nito at ang una nitong ginawa ay ang lumapit sa kaniya at lumuhod sa harap niya.

“Nagising ka na rin sa wakas. Natutuwa ako na nasa maayos na ang iyong kalagayan, batang panginoon,” panimula ni Auberon. “Nakita ka ng ilang mga miyembro na bigla na lamang lumitaw sa harap ng kastilyo. Basang-basa ka at punong-puno ng mga sugat ang iyong katawan kaya agad kitang dinala sa iyong silid para gamutin.”

“Ano ang nangyari sa iyo, batang panginoon? Bakit gayon na lamang ang pinsalang tinamo mo sa puntong nawalan ka ng malay pagkabalik mo rito?” pagtatanong niya pa.

“Tumayo ka muna para maisalaysay ko sa iyo nang maayos ang mga nangyari sa akin matapos kong humiwalay kina Eon. Mayroon din akong mga itatanong sa iyo pagkatapos kaya mas mainam na mag-usap tayo sa iyong balkonahe,” taimtim na ekspresyong sambit ni Finn.

Agad na tumayo si Auberon at tumugon, “Masusunod, batang panginoon.”

Tumango na lang si Finn at nagkusa na siyang humakbang patungo sa balkonahe ng opisina ni Auberon. Walang matibay na dahilan kung bakit sa balkonahe niya nais isalaysay kay Auberon ang mga nangyari sa kaniya. Sa lugar na iyon niya lang napili na magkuwento dahil gusto niyang matanaw ang mga nangyayari sa labas ng kastilyo habang nagsasalaysay siya.

Nang makarating siya sa balkonahe, tinanaw niya ang mga nasa baba. Sinulyapan niya ang mga miyembro ng New Order at nang maramdaman niya na nasa likod niya na si Auberon, nagsimula na siyang magsalita.

“May tatlong inatasan ang Earth Celestial Queen para manmanan ako. Sinundan nila kami patungo sa pinagtataguan ng mga ankur. Wala silang ginawa. Sumunod lang talaga sila at buong pagsusumikap nilang itinago ang kanilang presensya't aura mula sa amin, subalit hindi sila nakawala sa matalas na pandama namin ni Eon,” ani Finn. “Nalaman pa rin namin na sinusundan nila kami, pero hinayaan ko na lang sila hanggang sa makarating kami sa tribo ng mga ankur.”

“Narinig ko ang tungkol sa bagay na iyan kay Meiyin, batang panginoon. Sinabi niya sa akin na ayon sa inyong dalawa ni Eon, naramdaman n'yo na sinusundan kayo ng mga tauhan ng Earth Celestial Queen noong umalis kayo rito,” tugon ni Auberon. Seryoso lang ang kaniyang ekspresyon. Tumulala siya sa kawalan at muli siyang nagpatuloy sa pagsasalita, “Hindi na nakapagtatakang ipag-uutos iyon ng Earth Celestial Queen sa kaniyang mga tauhan. Siguradong mayroon silang pinaplano laban sa iyo, batang panginoon. Halata namang hindi niya matanggap ang kaniyang pagkatalo at wala siyang balak na palampasin ang pamamahiyang ginawa mo sa kaniyang mga tauhan sa naganap na paligsahan sa Warwolf Clan.”

Legend of Divine God [Vol 14: Remnants of the Gods]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon