Chapter LXXXI

4.9K 888 58
                                    

Chapter LXXXI: There's No Turning Back

May dalawang magkaibigan mula sa ikasiyam na dibisyon ang kasalukuyang nagmamasid sa mga nangyayari sa paligid. Pareho silang makikitaan ng pagkalito habang nasasaksihan nila ang pagmamadali ng iba't ibang miyembro na mula sa iba't ibang dibisyon. Pahinga sila ngayon sa pagtulong sa mga ekspertong inscription master na gumagawa ng mga conveying sound inscription, subalit hindi nila lubos akalain na habang nagpapahinga sila, makasasaksi sila ng kaguluhan at kakaibang pangyayari.

Tila ba napakabigat ng tensyon sa buong santuwaryo. Seryoso ang mga mandirigma ng New Order at halata sa mukha ng bawat isa sa mga ito na handa silang makidigma ano mang sandali mula ngayon.

Habang patuloy na nahihiwagaan ang dalawa sa nangyayari, lumapit sa kanila ang isa sa tatlong bise kapitan--si Brant Doria. Seryoso itong tumingin sa dalawa at taimtim na nagwika, “Hindi ito ang tamang panahon para magpakalat-kalat kayo rito. Bumalik na kayo sa gawaan at doon n'yo na ipagpatuloy ang inyong pagpapahinga.”

Natauhan ang dalawa. Magkasabay silang napabaling sa pinagmumulan ng boses at nang makita nila na isa sa kanilang pinuno ang nagsalita, agad silang yumuko ng bahagya. Naroroon pa rin ang pagkalito sa mga mukha nila at matapos magpakita ng paggalang, hindi napigilan ng isa sa dalawa na mag-usisa sa nangyayari.

“Ano'ng nangyayari, Bise Kapitan? Nagtitipon-tipon ang mga mandirigma ng ating puwertsa at bakit pakiramdam ko ay tila ba may kaguluhang nagaganap?” Naguguluhang tanong ng isa sa dalawa.

“Hindi n'yo ba naramdaman ang nakakikilabot na aura kanina? Ang nag-uumapaw na pagkahayok sa dugo?” Tanong ni Brant.

Napahinga ng malalim ang dalawa. Ang isa ay malalim na napaisip habang ang isa ay bumuka ang bibig at marahang nagwika, “N-Naramdaman ko iyon... Hindi ako sigurado, pero ang kakila-kilabot na iyon ay para bang kay Pinunong Finn. Subalit, ano ang dahilan bakit ganoon na lamang katindi ang pagkahayok ni Pinunong Finn sa dugo? Sino ang gusto niyang patayin bakit siya nag-uumapaw sa kagustuhang kumitil?”

Bumuntong-hininga si Brant at bahagya siyang umiling. Seryoso niyang tiningnan ang dalawa at taimtim siyang tumugon, “Si Bise Kapitan Azur kasama ang ilang miyembro ng ikapitong dibisyon ay pinuntirya at pinaslang. Nasagap ko na sinalakay ang mga ito ng mga miyembro ng Darkeous Clan at dahil dito, tumindi ang galit ni Pinunong Finn kay Raseous Drudon at sa buong Darkeous Clan. Pinapatawag niya ngayon ang lahat ng mandirigmang miyembro at binabalak niyang makidigma sa Darkeous Clan.”

“Gusto niyang pabagsakin si Raseous Drudon at ang Darkeous Clan,” dagdag niya pa.

“S-Si Bise Kapitan Azur Lilytel ay patay na..?” sambit ng isa sa dalawa. Natahimik siya sandali bago muling pabulong na nagwika, “Kung gayon, iyon pala ang rason kung bakit nagtitipon-tipon ang mga mandirigma ng ating puwersa sa harap ng kastilyo.”

Matapos makabawi, muli siyang tumingin ng deretso kay Brant at nagtanong, “Hindi ba tayo kabilang sa mga ipinatawag ni Pinunong Finn? Hindi ba natin sila tutulungan na pabagsakin ang Darkeous Clan?”

Ilan sa kanilang mga kasama ang pinuntirya at pinatay. Ang isa pa rito ay miyembro ng pamunuan ng New Order kaya hindi maikubli ng mga miyembro ng ikasiyam na dibisyon ang kanilang galit. Gusto rin nilang makidigma, gusto nilang tumulong at ipaghiganti ang kanilang mga kasama na namatay sa laban.

Sa sinabing ito ng isa sa dalawa, bahagyang umiling si Brant at seryosong nagwika, “Kung gusto n'yong tumulong, bumalik na kayo sa gawaan. Naroroon ang pangunahin nating trabaho kaya naroroon ang kailangan nating gawin. Ipaubaya na natin sa mga totoong mandirigma ang digmaan dahil sigurado naman ako na sila ang magwawagi sa laban.”

“Laban sa Darkeous Clan, malaki ang lamang natin. Sapat na sila para wakasan ang buong Darkeous Clan at walang saysay kung sasama tayo dahil magiging tagapanood lang tayo roon,” aniya.

Legend of Divine God [Vol 14: Remnants of the Gods]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon