Chapter XXXVIII

4.5K 902 35
                                    

Chapter XXXVIII: Destroying the Formation (Part 2)

Matapos marinig ang mga sinabi ni Finn, hindi mapigilan ni Meiyin na mahiwagaan at magtanong. “May napagtanto lang ako, Kuya Finn... Kung ang Nine Saint Barrier Formation ay hindi na kasing tatag nang dati, at ang patibong na nandito sa unang Saint Barrier Formation ay naging kalansay na dahil sa tagal ng panahon, ibig bang sabihin ay maging ang mga patibong sa ibang Saint Barrier Formation ay wala na ring kuwenta? Marahil hindi na rin mapanganib ang mga patibong sa ibang Saint Barrier Formation dahil sa tagal ng panahon na hindi sila napapangalagaan,” tanong niya.

Sinulyapan ni Finn si Meiyin. Bahagya siyang ngumiti at nagkibit-balikat bago tumugon, “Maaari, pero maaari ding hindi. Ano pa man, bawat isa sa atin ay kailangan ng ibayong pag-iingat. Huwag na huwag ninyong ibababa ang inyong depensa dahil lang sa tingin ninyo ay walang panganib na nakaamba sa ating pangkat. Hindi ninyo maaaring pairalin ang kahambugan ninyo dahil kapag nagkataon na may panganib sa isa sa mga lugar na sineselyuhan ng Saint Barrier Formation, malaki ang posibilidad na malagay sa alanganin ang ating pangkat na maaaring magresulta sa pagkamatay ng ilan sa atin.”

Hindi ikinainis ni Meiyin ang mga sinabi ni Finn, bagkus maya't maya siyang tumatango at ipinapakita niya na isinasapuso niya ang mga pangaral ng kaniyang kuya. Masyado lang siyang nanabik sa posibilidad na hindi na nila kailangang mahirapan, pero hindi ibig sabihin noon ay nagpapakampante na siya.

Kagaya lang din siya ng kaniyang ama, tiyuhin, at kapatid na si Yuros--marunong din siyang mag-isip at mahusay siyang dumiskarte. Marahil hindi siya sobrang talentado, pero ang paraan niya sa mga bagay-bagay ay hindi bara-bara, bagkus, kaniya iyong pinag-iisipan.

“Bukod sa kalansay na 'yan, wala ng iba pang naririto. Mukhang nasa kinaroroonan nga talaga ng ikasiyam na Saint Barrier Formation ang mga kayamanan na pag-aari ng Beast God,” sabi ni Eon.

“Maganda nga talaga kung sakaling nasa ikasiyam na selyadong lugar ang mga kayamanan, pero posible ring wala talagang mga kayamanan...” sabi ni Finn. Sumeryoso ang kaniyang ekspresyon at nagpatuloy siya sa pagsasalita, “Pero, umaasa pa rin ako na may mga kayamanan pang nakatago sa islang ito. Sa paglaki ng ating puwersa, sa pagdami ng kayamanan na kailangan natin.”

Bumaling siya sa kinaroroonan ni Creed at ng ikasiyam na dibisyon. Umalis siya sa unahan at sinabing, “Ang kalansay ng Primordial Tiger Shark ay kayamanan at kapaki-pakinabang iyan sa paggawa ng iba't ibang produkto. Nakapanghihinayang lang dahil tuluyan nang naubos ang enerhiya sa loob ng kaniyang beast core. Masyadong manipis ang enerhiya sa bahaging ito ng lawa kaya hindi nito nagawang mapanatili ang enerhiya sa beast core.”

“Kung maayos pa sana ang energy niyan, siguradong napakalaki ng halaga niyan lalo na't siguradong napakalakas ng halimaw na 'yan noong nabubuhay pa 'yan,” ani Finn habang pailing-iling pa.

Kumilos na si Creed upang gawin ang gustong mangyari ni Finn. Hinarap niya ang dambuhalang kalansay at pagkatapos, pinahigop niya ito sa dala niyang interspatial ring.

Matapos kuhanin ang kalansay, ang lugar na kanilang kinaroroonan ay naging bakante na. Wala nang kahit na ano pang makikita roon bukod sa mga haligi, sahig, at kisame.

“Oras na para lisanin ang lugar na ito. May walong Saint Barrier Formation pa tayong wawasakin o aalisin,” ani Finn at kasama ang kaniyang mga manika, pinangunahan na nila ang paglabas sa lagusan.

Agad na sumunod sa kaniya sina Auberon. Sama-sama silang umahon sa lawa at walang pagsasayang ng oras silang nagtungo sa kinaroroonan ng ikalawang Saint Barrier Formation.

Ang selyadong lugar na pinagtatagan ng ikalawang Saint Barrier Formation ay isang kuweba. Wala silang ideya kung gaano ito kalawak at kagaya ng ibang selyadong lugar, hindi rin nila makita ang kaloob-looban nito dahil sa kakaibang kadiliman na mayroon dito.

Legend of Divine God [Vol 14: Remnants of the Gods]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon