Chapter XLVIII

5K 974 40
                                    

Chapter XLVIII: Good News

Patuloy na pinag-aaralan ni Finn ang talaan ng mga bago nilang kayamanan. Pinaalis niya na si Creed dahil alam niyang abala pa ito sa ibang bagay. Hindi niya na kailangan ang tulong o gabay nito kaya sinusuri niya na ng mag-isa ang bawat kayamanang nasa talaan at sa tuwing nakakakita siya ng mga bagay na maaari nilang mapakinabangan sa kasalukuyan, kaagad siyang nag-iisip ng plano para dito. Ang kalimitang bagay na kaniyang pinag-iinteresan ay mga artepaktong may pambihirang kakayahan. Balak niya sanang ipamahagi ang mga ito sa mga karapat-dapat na miyembro dahil alam niyang hindi kalaunan ay sasabak sila sa isang madugong labanan.

Si Fenris ang nakapagsabi sa kaniya na darating ang sandaling ibibigay na ng Land of Origins ang hamon nito sa mga tagalabas. Ipinaalam ni Fenris sa kaniya na kailangan nilang maghanda para lumaki ang pag-asa nila na malampasan o mapagtagumpayan kung anoman ang hamon na ibibigay sa kanila ng mundong ito.

Dahil dito kaya kailangan niya ring ihanda ang New Order habang maaga pa lang. Kailangan niyang masigurado na armado ng mga kaalaman at kayamanan ang mga kapitan, bise kapitan, at pangkaraniwang miyembro upang sa oras na magsimula ang hamon ng mundong ito, makatatagal sila at lalaki ang kanilang tsansa na magtagumpay.

“Ang karamihan sa mga technique at skill ay hindi para sa lahat... Angkop ang mga iyon sa mga monstrous beast at halimaw na nagkatawang-tao kaya kailangang masiguro na mapupunta ang mga iyon sa tamang miyembro,” pabulong na sambit ni Finn habang patuloy niyang binubuklat ang mga pahina ng libro.

Kasalukuyan niyang sinusuri ang bahagi ng talaan kung saan makikita ang mga manwal ng technique at skill na kabilang sa kanilang nakuha sa mga kayamanan ng Beast God. Pinag-aaralan niya ang mga ito at pinag-iisipan niyang mabuti kung ano ang kaniyang magiging instruksyon sa ikasiyam na dibisyon patungkol dito.

Sa sobrang pagiging abala niya, hindi na siya nakaisip na magpahinga. Sineryoso niya ang pagsuri sa talaan dahil alam niyang sa hinaharap ay magiging abala muli siya at hindi na siya magkakaroon ng libreng oras para sa ganitong bagay.

At dahil pagsuri at pag-aaral lang ang kaniyang ginagawa, ito na ang nagsisilbi niyang pahinga. Marami siyang responsibilidad bilang pinuno ng isang puwersang napakabilis ang pag-usbong kaya wala siyang pagpipilian kung hindi pagsabayin ang tungkulin niya ganoon din ang kaniyang pagpapahinga.

Nawalan na siya ng bakas sa oras dahil masyado siyang nalunod sa pagsuri sa talaan at pag-iisip ng plano para sa mga kayamanan. At dahil sa kaniyang walang pahingang pagsuri, naabot niya ang dulong bahagi ng talaan. Naging mabilis ang kaniyang paglipat sa mga pahina dahil sa kasalukuyan, ang mga bagay na nakatala rito ay mga kayamanan na hindi pa tukoy kung ano ang kakayahan. Nasa proseso pa ang mga ito ng pag-aaral kagaya na lang ng selyadong itim bolang kristal na sinasabi ni Creed.

Hindi nagsayang ng panahon si Finn na suriin ang mga bagay na walang pagkakakilanlan dahil alam niyang kahit anong gawin niyang pagtitig sa larawan ng mga ito, hindi niya malalaman kung ano ang kakayahan ng mga ito. Ipinaubaya niya na sa ikasiyam na dibisyon ang pag-aaral at pag-alam sa mga kayamanan na hindi pa malinaw sa kanila kung ano ang kakayahan.

Itinago na ni Finn ang talaan ng mga kayamanan at minasahe niya ang kaniyang sintido. Maraming impormasyon ang pumasok sa kaniyang utak kaya natural lang na manakit ang kaniyang ulo at makaramdam siya ng pagod. Hindi siya pisikal na pagod; bagkus, napagod siya dahil sa pag-iisip ng mga plano sa hinaharap gamit ang mga kayamanan na kanilang nakolekta.

Matapos ang ilang sandali, huminga siya ng malalim at tumayo na siya. Umalis siya sa kaniyang puwesto at habang humahakbang siya patungo sa pintuan ng kaniyang opisina, mahina siyang bumubulong.

“Bibisitahin ko muna ang bawat dibisyon para malaman ko kung ano ang kasalukuyan nilang sitwasyon. Pupunta na rin ako kina ama para maibigay ko na ang aking instruksyon patungkol sa mga kayamanan,” ani Finn.

Legend of Divine God [Vol 14: Remnants of the Gods]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon