Chapter LXIV

4.9K 965 99
                                    

Chapter LXIV: Without an Effort

“Lahat ba tayong naririto ay naiintindihan na ang kasalukuyang sitwasyon? O baka naman mayroon pa sa inyong nais magpahayag ng opinyon?” Kalmadong hayag ni Voraan at pagkatapos, binigyan niya ng tingin ang bawat isa sa anim na elder. “Alam nating lahat kung ano ang isinisimbolo ng apoy na iyon... Iniisip ng iba na iyon na ang pinakamataas na uri ng alchemy flame na maaaring gamitin ng isang alchemist, ganoon man, higit sa lahat, tayo ang nakakaalam kung ano talaga iyon,” aniya.

“Pero, kailangan pa rin nating pag-aralan ang kaniyang karakter, Pinuno. Mas maganda siguro kung titimbangin muna natin siya bago tayo magdesisyon. Hindi dahil nagtataglay siya ng apoy na iyon ay pagbibigyan na natin ang mga gusto niya. Tayo ang tagapangalaga ng Tree of Life at kung hindi siya nararapat, kahit pa tinataglay niya ang apoy na iyon, sa tingin ko ay hindi pa rin natin dapat ibigay kung ano ang hinihiling niya,” komento ni Fentian.

Tumuon ang atensyon ni Voraan kay Fentian. Bahagya siyang umiling at marahan siyang tumugon, “Hindi na natin siya kailangan pang pag-aralan dahil personal ko nang nasukat ang kaniyang karakter. Sa sandali naming pag-uusap, naliwanagan na ako kung anong klase ng nilalang si Finn Doria.”

Inilahad niya ang kaniyang kamay at nagpatuloy siya sa pagsasalita, “Isa siyang mabuting nilalang na may mabuting layunin. Sa mayaman kong karanasan, madali na lang para sa akin na matukoy kung siya ay nagsisinungaling, subalit purong sinseridad ang nakita ko sa kaniya habang ipinapaliwanag niya sa akin kung ano ang kanilang layunin. Mabuti siya kagaya ng unang nagtaglay ng apoy na iyon, ang pinagkaiba nga lang, mas mataas ang ambisyon niya at para sa ikakaayos ng sanlibutan ang layunin niya.”

“Hindi kahambugan ang nakikita ko sa kaniya. Sa dinami-rami ng mga nakilala kong may mataas na ambisyon, siya ang pinaka kakaiba dahil nananatili ang pagpapakumbaba sa kaniya,” dagdag niya.

“Nakikita kong interesadong-interesado ka sa kaniya. Kung hindi ka interesado sa kaniya, hindi mo siya papaboran ng ganiyan, hindi ba, Pinuno?” Ani Vivian at makahulugan siyang ngumiti. “Ano'ng dahilan bakit ganiyan na lang kataas ang tingin mo sa kaniya? Kahit na nagtataglay siya ng apoy na iyon, napakahina niya pa rin at hindi pa rin siya pasok sa aking panlasa.”

Bumuntong-hininga si Voraan. Nginitian niya ang mga elder at muli siyang nagwika, “Bukod sa apoy na iyon, ang pananaw niya ang isa sa aking pinakamalaking dahilan kung bakit pabor ako sa kaniya. Kagaya nga ng sinabi ko kanina, malaki ang kaniyang ambisyon... at ang ambisyon na iyon ay ang mapuksa ang mga diyablo para magpatuloy ang pagkabalanse sa kanilang mundo.”

Sa sinabing ito ni Voraan, bumakas ang pagkasurpresa sa mukha nina Vivian, Sylvie, Fentian, Dalon, Kax, at Nerie. Pare-pareho silang nakaramdam ng interes, at hindi nila napigilan na bumaling sa direksyon kung saan naroroon si Finn.

“Ang mga diyablo? Iyon ang kaniyang ambisyon at gusto niyang maisakatuparan iyon para sa pagkabalanse ng kanilang mundo?” Ulit ni Fentian. “Malaki ang kaniyang ambisyon at medyo... kakaiba,” dagdag niya.

“At iyon ang dahilan kaya nakikita ko siya bilang interesanteng indibidwal. Ang intensyon niya ay puro at sa ganang akin, karapat-dapat na mapagbigyan ang kaniyang hiling. Higit pa roon, mayroon pa akong nais imungkahi sa inyong anim,” lahad ni Voraan.

Nagkatinginan ang anim na elder. Hindi pa sila lubusang pumapayag sa desisyon nito. Medyo nakukumbinsi na sila, subalit bilang namumuno sa tribo at nangangalaga sa sagradong puno, kailangan nilang maging matalino sa pagdedesisyon.

--

“Guro, hindi sa gano'n...” agad na tugon ni Poll matapos ang tanong ni Finn. Bumaling siya kay Meiyin at mahinang nagwika, “Kulang ang kahit anong salita para makapagpasalamat kay Meiyin. Nagsakripisyo siya para sa akin... at habang buhay kong tatanawin iyon bilang malaking utang na loob. Tungkol sa kung bakit hindi ko pa ginagamit ang Fruit of Life, iyon ay dahil hinihintay ka namin, Guro. Gusto rin naming hingin ang opinyon mo kung ito na ba ang tamang pagkakataon para gamitin iyon.”

Legend of Divine God [Vol 14: Remnants of the Gods]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon