Chapter XCVII

4.7K 868 48
                                    

Chapter XCVII: Persuasion

Sa pagbabalik ng mga mandirigma ng siyam na dibisyon, muling naging abala ang New Order dahil sa pag-aasikaso ng mga kontribusyon at mga kayamanang kanilang nasamsam sa digmaan. Marami-raming tatrabahuhin ang ikasiyam at ikasampung dibisyon dahil kailangan pa nila itong isabay sa kanilang paggawa ng mga Four Guardians Killing Formation, Conveying Sound Inscription, at iba pang mga bagay na kapaki-pakinabang sa paglalakbay at pakikipagsapalaran sa mundo ng pinagmulan.

Sa kabilang banda, minadali ni Finn ang pagpunta sa ilalim ng kastilyo para tagpuin si Aokin. Hindi niya alam kung ano ang kahihinatnan ng kaniyang binabalak. Wala siyang ideya kung magtatagumpay ba siya dahil hindi siya ganoon kagaling mangumbinsi ng iba. Ganoon man, walang masama kung susubukan niya, bagkus, magbebenepisyo pa siya kung sakaling magtagumpay siya.

Si Aokin ay may potensyal na kanilang maging kasapi. Anak ito ni Auberon kaya sigurado siya na hindi rin pangkaraniwan ang potensyal nito kagaya nina Aemir at Porion. Ang kailangan lang nito ay mas matinding pagsasanay at mga kayamanan na makatutulong sa kaniya para magising ang kaniyang potensyal.

Nang marating ni Finn ang pasukan patungo sa pribadong silid, naabutan niyang naghihintay na roon si Auberon at ang dalawang miyembro ng ikalawang dibisyon.

“Nasa loob na si Aokin, batang panginoon. Tinanggal na rin namin ang mga nakagapos sa kaniya, subalit nanghihina pa rin siya dahil sa mga tinamo niyang pinsala. Gusto mo bang samahan kita na harapin siya?” Taimtim na tanong ni Auberon matapos makalapit ni Finn sa kanila.

Bahagyang umiling si Finn at malumanay na sinabing, “Hindi na kailangan. Maaari na kayong bumalik sa inyong puwesto dahil may mga trabaho pa kayong kailangang tapusin. Ipaubaya n'yo na sa akin si Aokin. Ako na ang bahala sa kaniya magmula ngayon.”

Sumaludo ang dalawang miyembro ng ikalawang dibisyon kina Finn at Auberon. Agad na nagpaalam ang mga ito at walang pag-aalinlangan silang umalis sa lugar na iyon.

“Isa siyang rebelde, batang panginoon. Wala nang saysay kung kukumbinsihin mo pa siya at magsasayang ka lang ng panahon sa kaniya,” seryosong sambit ni Auberon.

Bahagyang ngumiti si Finn. Umiling siya kay Auberon at marahan siyang tumugon, “Para sa akin, hindi kailanman naging pagsasayang ang pangungumbinsi sa isang nilalang na kahit papaano ay may kaugnayan din sa akin. Anak mo siya, at protektor kita, Auberon. Gusto kong makabawi sa iyo at ito ang isa sa mga nakikita kong paraan para mapagtagumpayan ko iyon.”

“Hindi mo man sabihin, alam kong malaking bagay kung mababago natin ang pananaw ni Aokin. Isa siyang ligaw na tupa at susubukan ko siyang ibalik kung saan talaga siya nababagay. Pero, huwag kang mag-alala dahil alam ko kung kailan ko kailangang sumuko. Kung wala na talagang pag-asa na makumbinsi siya, ipauubaya ko na siya sa iyo,” aniya at binigyan niya ng mahinang ngiti si Auberon.

Hindi kaagad nagbigay ng tugon si Auberon. Taimtim niyang tiningnan si Finn at makaraan ang ilang sandali, bumuntong-hininga siya at malumanay na ngumiti, “Naiintindihan ko. Hindi na kita gagambalain pa, ipatawag mo na lang ako kapag kailangan mo ang aking presensya, batang panginoon.”

Tumango si Finn. Hinayaan niya nang umalis si Auberon at noong maiwan siyang mag-isa, hinarap niya na ang pinto ng pribadong silid at nagdesisyon na siyang buksan ito para harapin na si Aokin.

Pagkabukas niya ng pinto, kaagad niya ring isinara ito. Napakalawak ng espasyo sa silid. Wala ring kahit anong makikita rito dahil ang silid na ito ay pinasadya para sa kaniyang tahimik na pagsasanay at pagninilay-nilay.

Hinanap niya ang kinaroroonan ni Aokin. Nakita niyang nakahiga ito sa sahig kaya nagsimula na siyang humakbang papalapit dito. Naabutan niya itong nakapikit, subalit alam niyang gising ito dahil sa padron ng paghinga nito. Nagkukunwari lang itong tulog, pero hindi ito magaling sa pagkukunwari kaya kaagad niya itong nahuli.

Legend of Divine God [Vol 14: Remnants of the Gods]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon