Chapter LXXX

5.1K 929 44
                                    

Chapter LXXX: Overflowing Killing Intent

“Ano na'ng gagawin natin ngayon, Ceemara? Pakikisamahan pa ba natin ang Eon na 'yan? Mahaba ang pasensya ko, pero sobra na ang paghahari-harian niya. Si Panginoong Finn ay mapagkumbaba at maayos makitungo, subalit siya, na isang miyembro lang din ay sobra kung umasta. Sa tingin niya ba ay pagtitiisan ko siya dahil lang espesyal ang relasyon niya kay Panginoong Finn?!” Mariing sambit ni Blaze habang matalim siyang nakatingin sa kinaroroonan ni Eon.

Nakahiwalay sila sa iba. May kaniya-kaniyang pangkat ang mga silenus, warwolf, centaurion, at silang mga Arcane Knights. Hindi sila sumasama kina Eon dahil sa kasalukuyan, mainit sila rito. Ang tanging kasama lang nina Eon ay ang ilang formation master, alchemist, blacksmith, at inscription master. Ang mga ito lang ang nakakatiis sa pag-uugali nito dahil ang mga ito ay matagal nang kilala si Eon.

Nasa isang lugar sila kung saan mayroong napakalaking bulkan. Nasa paanan pa sila ng bulkan at hindi pa nila nahahanap kung nasaan ang lagusan papasok dahil sa kasalukuyan, nagkakaroon pa ng girian sa pagitan ng espesyal na dibisyon at ni Eon.

Gusto ni Eon na paunahin ang ilang miyembro ng espesyal na dibisyon para malaman kung ligtas ba ang loob ng bulkan, pero hindi ito gusto ng mga bise kapitan dahil animo'y gusto nito na gawing alay ang mahihinang miyembro para masiguro ang kaligtasan nila.

Handang magsakripisyo ang espesyal na dibisyon, pero magboboluntaryo lang sila kung si Finn ang naririto. Nanumpa sila ng katapatan dito at kasama sa kanilang panunumpa na handa silang ibuwis ang sarili nilang buhay kung kinakailangan. Ganoon man, ang panunumpang ito ay para lamang kay Finn, hindi sa kahit na sinong miyembro ng New Order.

Sa kasalukuyan, nababalutan ng sound concealing skill ang mga Arcane Knights at kahit na hindi nila ipinaririnig ang kanilang mga sinasabi, ipinapakita nila na hindi sila masaya dahil sa mga iniuutos sa kanila ni Eon.

Seryosong tiningnan ni Ceemara si Blaze. Bahagya niyang ibinuka ang kaniyang bibig at taimtim na nagtanong dito, “Ano ang iminumungkahi mo? Gusto mo bang iwanan na natin sila at bumalik na sa New Order's Sanctuary?”

Nanatiling inis ang ekspresyon ni Blaze sa kabila ng pagtatanong ni Ceemara. Kitang-kita pa rin sa kaniyang mga mata ang matinding inis dahil hindi niya matanggap kung ano ang nangyayari sa kasalukuyan.

“Ibig mong sabihin ay titiisin na lang natin ang magaspang niyang pag-uugali na para bang siya ang panginoon natin? Marahil kabilang siya sa maharlikang lahi, subalit hindi siya ang ating panginoon at hindi siya kwalipikado para tayo ay utos-utusan lamang,” muling sambit ni Blaze.

“Hindi tayo maaaring bumalik,” komento ni Ruagor--ang isa pa sa tatlong Chaos Saint Rank na miyembro ng grupong Arcane Knights. Huminga siya ng malalim at nagpatuloy sa pagsasalita, “Kapag bumalik tayo... matatagalan pa bago natin makuha ang tiwala ni Panginoong Finn. Malinaw na sinusubok niya ang ating katapatan sa pamamagitan ng misyon na ito kaya kung babalik tayo at susuko agad dahil sa magaspang na ugali ng Eon na iyon, mahihirapan na tayong makuha ang buong tiwala niya.”

“Kailangan natin na makuha ang tiwala niya dahil siya ang pinili natin na paglingkuran. Sa tingin ko, kung kinakailangan nating magtiis, magtitiis tayo alang-alang sa tiwala ni Pinunong Finn,” dagdag niya.

Hindi makapaniwala ang ekspresyon ni Blaze habang tinitingnan niya si Ruagor. Binalingan niya rin ng tingin ang iba pa niyang kasama at napaawang na lang ang bibig niya dahil wala man lamang kahit isang kumukontra sa sinasabi nito. Nararamdaman niyang nagrereklamo rin ang iba niyang kasama, subalit hindi iniisip ng mga ito na sukuan ang misyon.

“Hindi ako makapaniwala sa inyo. Hindi ako makapaniwala na darating tayo sa puntong ito kung saan wala tayong magawa kung hindi ang magtiis,” tila ba nanghahamak sa sariling sabi niya. “Tayo ay grupo na nagpapatupad ng hustisya, pero ngayon, nalilimitahan na ang ating mga kilos at pilit tayong kinokontrol ng hindi naman natin panginoon.”

Legend of Divine God [Vol 14: Remnants of the Gods]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon