Chapter XCIII

4.9K 836 42
                                    

Chapter XCIII: Formally Asking for Permission

Mabagal na humahakbang si Pluto papalapit sa isang puno habang mahina niyang tinutugtog ang kaniyang plauta. Nang makalapit siya sa punto, itinigil niya ang pagtugtog at bahagya siyang tumingala para tingnan si Vasiara na kasalukuyang nakaupo sa matabang sanga ng puno. Payapa ang presensya nito habang tinutugtog nito ang kaniyang arpa. Aakalain mong hindi ito masamang nilalang dahil maaliwalas ang ekspresyon nito at hindi ito naglalabas ng kakila-kilabot na aura.

Huminto si Vasiara sa pagkudlit sa mga pisi ng kaniyang arpa. Ang maaliwalas niyang ekspresyon sa mukha ay nanatili, subalit bumakas ang makahulugang ngiti sa kaniyang labi.

“Naririto ka rin ba para itanong kung ano ang nangyari sa aking misyon? Nasurpresa talaga ako dahil lahat kayo ay lumapit sa akin para itanong ang tungkol kay Finn Silva,” makahulugang sambit ni Vasiara.

Suminghal si Pluto. Lumutang siya at lumapag sa sanga kung saan nakaupo si Vasiara. Binalingan niya ito ng tingin at marahang sinabing, “Alam mo na ang sadya ko kaya sabihin mo na kung ano ang naging resulta ng iyong misyon. Personal akong nagtungo rito dahil gusto kong malaman ang lahat. Ayokong alamin sa iba kung ano ang nangyari dahil siguradong kulang sa detalye ang sasabihin nila sa akin.”

Tumawa si Vasiara. Bahagya siyang umiling at mas lumapad pa ang kaniyang ngiti. “Hindi ako mananalaysay ninyo. Hindi kasiya-siya ang pagkukuwento nang paulit-ulit, Pluto.”

“Pero dahil ikaw ang isa sa mga dahilan kaya nabuo ang grupo natin, magbibigay ako ng eksepsyon. Ikukuwento ko sa iyo ang nangyari sa teritoryo ng Darkeous Clan,” ani Vasiara.

Muling suminghal si Pluto. Ibinaling niya sa ibang direksyon ang tingin niya at taimtim siyang nagwika, “Kilala kita; siguradong sinabi mo rin sa iba kung ano ang sinabi mo sa akin. Isa kang tusong tunay at pinapalabas mo lang napipilitan ka para makuha mo ang pabor namin. Mahusay kang manggagamit at nalinlang mo kaming lahat kaya mo kami napagsama-sama sa grupong ito.”

Hindi nabubura ang ngiti ni Vasiara sa kaniyang labi. Hindi siya makikitaan ng inis; bagkus, tila ba mas lalo pa siyang nalilibang sa mga paratang sa kaniya ni Pluto.

“Bakit, nagsisisi ka na ba? Tayo ang magiging pinakamalakas na grupo ng kriminal sa hinaharap at lahat ng minimithi mo ay makukuha mo,” lahad ni Vasiara. “Galit ka sa mundo dahil hindi pantay-pantay ang pribilehiyo na mayroon ang bawat nilalang. Pakiramdam mo ay pinagdamutan ka ng mga biyaya at iyan ang rason kaya mo gustong tapakan ang mga nilalang na pinagpala. Alam mong magagawa mo lang ang lahat ng gusto mo kapag makapangyarihan ka dahil kung makapangyarihan ka, mapapaikot mo ang lahat sa iyong mga palad.”

Sumimangot si Pluto. Naging malamig ang kaniyang ekspresyon at mariin siyang nagwika, “Hindi mo kailangang ipaalala sa akin kung ano ang dapat kong gawin. Huwag mo nang subukan na bilugin ang ulo ko dahil alam ko na kung ano ang gusto mo.”

“Ang gusto mo ay kontrolin kaming lahat. Gusto mong gawin namin ang gusto mo dahil ang tingin mo sa amin ay madaling pasunurin. Tigilan mo na iyan dahil hindi mo na ako mapapaikot sa mga pakulo mo, Vasiara,” hayag niya.

Nagkibit-balikat si Vasiara. Naging kakila-kilabot ang ngiti niya at sinimulan niya muli ang pagtugtog sa kaniyang arpa.

“Nalungkot ako sa iyong mga sinabi. Hindi ko plano na paikutin kayo sa aking mga palad; ang gusto ko lang ay masaksihan ang mga pangyayari na magbibigay-libang sa akin,” aniya. “Gayunman, hindi na ako magpupumilit kung ayaw mong makinig sa akin. Ikukuwento ko na lang sa iyo ang lahat ng nangyari para makapag-isa na ako sa lugar na ito.”

Hindi na hinintay ni Vasiara na makatugon si Pluto. Agad niyang sinimulan ang pagsasalay ng nangyari. Nagsimula siya sa pangyayari kung saan nakarating siya sa teritoryo ng Darkeous Clan. Ipinaliwanag niya na hindi naging madali ang pakikipagkasundo niya kay Raseous, subalit sa huli, napapayag niya ito sa kaniyang gusto dahil pareho lang sila ng gustong mangyari--ang bumagsak si Finn.

Legend of Divine God [Vol 14: Remnants of the Gods]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon