Chapter XCVIII: A Must Learn Power
Pinanood lang ni Finn ang paghagulhol ni Aokin. Hindi niya na muna ito kinausap dahil alam niya na kailangan nitong mailabas ang bigat na kaniyang dinadala.
Para kay Finn, hindi sa lahat ng pagkakataon ay kahinaan ang pag-iyak. Minsan ay senyales pa ito ng katapangan dahil sa mundong ito kung saan napakaraming mapagmalaking nilalang, iilan lang ang hindi natatakot na ipahayag ang kanilang nararamdamang takot, pangamba, o pighati. Natatakot silang makita ng iba na umiyak dahil ayaw nilang sila ay kaawaan o isiping mahina. Iniisip nilang madudungisan ang kanilang dignidad kapag umiyak sila. Ayaw nilang mapahiya at pagtawanan kaya itinanim nila sa kanilang utak na imbis na umiyak, kikimkimin na lang nila ang kanilang nadarama.
Makaraan pa ang ilang sandali, huminto si Aokin sa paghagulhol. Unti-unti na siyang huminahon. Sinimulan niya na rin ang pagpahid sa kaniyang luha at nang medyo maayos na siya, pabulong siyang nagwika, “Hindi ko alam kung paano magsisimula ulit. Wala nang tatanggap sa hangal na kagaya ko... Siguradong hindi niya ako mapapatawad dahil kumampi ako sa kaniyang pinaka-kinamumuhiang kaaway.”
Huminga ng malalim si Finn. Pilit siyang ngumiti at malumanay na nagwika, “Patawarin ka man niya o hindi, ang mahalaga ay humingi ka ng tawad. Basta handa kang aminin ang pagkakamali mo at handa kang magbago, ayos na iyon. Itama mo ang mga pagkakamali mo na kaya pang itama dahil walang saysay ang pagsisisi kung hindi ka magbabago at kung hindi mo aaminin sa nagawan mo ng kasalanan na nagkamali ka.”
Tinitigan ni Aokin si Finn. Nakita niya ang napakaaliwalas na ekspresyon nito at hindi niya alam kung bakit tila ba nakaramdam siya ng kapayapaan. Sinuportahan niya ang kaniyang sarili at muli siyang umupo. Tumitig siya sa sahig at nagtanong, “Siya ay isang nilalang na hindi yuyuko sa kahit na kanino. Kahit ang mga tanyag na indibidwal sa divine realm ay hindi siya mapaamo. Nahihiwagaan tuloy ako kung paano mo siya nakumbinsi na maglingkod sa iyo... Isa pa, bakit ka niya tinatawag na batang panginoon?”
Nanatiling nakangiti si Finn. Tumulala siya sa ibang direksyon at sinimulan niya ang pagsasalaysay tungkol sa gustong malaman ni Aokin. Ipinaalam niya rito ang lahat ng kaniyang nalalaman. Hindi niya ikinubli na ang kaniyang ama ang dahilan kaya ganito makitungo sa kaniya si Auberon.
Higit pa roon, ipinaliwanag niya kay Aokin na napilitan lang si Auberon dahil nakakabit sa kaniyang buhay ang pag-iral ng Holy Light Realm.
Matapos marinig ang pahayag ni Finn, napatulala siya rito. Hindi siya makapaniwala sa kaniyang nalaman, at hindi niya mapigilan na mahiwagaan sa totoong pagkatao nito.
“Ibig sabihin, mas pinili niyang lumuhod at magpaalipin para sa kapakanan ng Holy Light Realm at Order of the Holy Light. Isinantabi niya ang kaniyang paninindigan para sa puwersang kaniyang pinamumunuan at mundong kaniyang pinoprotektahan--ang mga iyon ang hindi ko agad nakita sa kaniya,” hayag ni Aokin. “Pero, nahihiwagaan lang ako... ano o sino ang iyong ama? Ikaw, sino ka ba talaga, Finn Silva?”
Huminga si Finn at matamis siyang ngumiti. Ibinuka niya ang kaniyang bibig at marahan siyang tumugon, “Hindi ko alam kung ano siya. Hindi ko pa siya kilala nang lubusan dahil iisang beses ko pa lang siyang nakakausap. At para sagutin ang ikalawa mong tanong...”
“...ako si Finn Doria, ang pinuno ng New Order na may layong mawakasan ng tuluyan ang mga diyablo.”
“Ang mga diyablo...” ulit ni Aokin matapos niyang marinig ang huling sinabi ni Finn.
“Gusto mo ba kaming samahan? Oo, inaalok kita na maging bahagi ng New Order. Kailangan namin ng mga makakasama sa hangaring ito at nakikita ko na mayroon kang potensyal na matulungan kami sa aming layunin,” pag-aalok ni Finn na naging dahilan para mapaisip si Aokin.
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God [Vol 14: Remnants of the Gods]
FantasyArmado ng mahahalagang impormasyon at bagay na makatutulong sa kanilang paglalakbay, ipinagpapatuloy ni Finn at ng buong New Order ang kanilang pakikipagsapalaran sa mundo ng pinagmulan. Dahil sa mga napagtagumpayan ni Finn, tatlo sa kilalang puwers...