Chapter XVI

5.3K 993 87
                                    

Chapter XVI: Plans

Nakatanaw si Finn sa bintana ng ginawa niyang pansamantalang pribadong silid sa air ship. Halata sa kaniya ang malalim na pag-iisip habang pinagmamasdan ang nililiparan ng kanilang sinasakyan. Kasalukuyan siyang walang kaalam-alam na pinoprotektahan na pala siya nina Grogen, Leonel, at Loen mula sa dilim, at kung malalaman niya na ang mga ito na ang gumagawa ng paraan para hindi kaagad makarating sa Blood Demon Emperor ang tungkol sa paggamit niya kay Reden bilang soul puppet, siguradong magugulat siya at maguguluhan.

Magugulat siya dahil kailanman, hindi niya inaasahan na poprotektahan at tutulungan siya ni Grogen sa ganitong bagay. Nasanay siyang hinahayaan siya nito na sumabak nang mag-isa sa panganib, at higit sa lahat ito ay isa sa kaniyang mga kinagagalitan.

Pareho nilang ayaw sa isa't isa noon pa man dahil sa magkaiba nilang pananaw at paniniwala. Hindi naging maayos ang pakikitungo nilang dalawa sa isa't isa na naging dahilan para humantong sila sa paghihiwalay ng landas. Pinalayas niya si Grogen dahil sa malaking kasalanan nito sa kaniya. Inakala niya noon na patay na ang lahat ng nasa Ancestral Continent, subalit ang lahat pala ay kagagawan lang nito para linlangin at paniwalain siya.

Pinaikot siya ni Grogen sa mga palad niya, at iyon ang labis na gumalit sa kaniya dahilan para tuluyan silang magkasirang dalawa.

Ganoon man, dahil sa mga nangyari at nalaman ni Finn, bahagya nang nagbago ang tingin niya kay Grogen. Naisip niya rin ang mga ginawa nitong kabutihan sa kaniya--lalong-lalo na ang pinlano nitong pagbuhay kina Riyum at Enox. Nagkaroon man ng masamang epekto at naging sakripisyo man ang lifespan at life force ni Poll, sa loob-loob niya ay nagpapasalamat pa rin siya dahil naisip ni Grogen na buhayin ang dalawang nagkaroon ng parte sa buhay niya.

Dahil sa napagtantong mga kabutihan ni Grogen, bukas siya na patawarin ito kung magpapakumbaba at hihingi ito ng tawad sa kaniya. Tatanggapin niya muli ito dahil kahit papaano, napakalaki ng naiambag nito sa kaniyang pag-unlad bilang isang adventurer. Kahit na hindi maganda ang karanasan niya rito, naging bahagi pa rin kung bakit naging ganito ang kaniyang pagkatao.

Samantala, patuloy pa rin sa malalim na pag-iisip si Finn habang nakatanaw siya sa bintana. Wala siya sa kaniyang sarili at hindi niya alam kung ano ang nangyayari sa kaniyang paligid. Masyado siyang nalunod sa malalim na pag-iisip patungkol sa mga planong kailangan nilang maisakatuparan  kaya hindi niya agad napansin na sina Auberon at Kiden ay dumating na para tugunan ang kaniyang pagtawag.

Tumayo ang dalawa sa kaniyang likuran. Si Auberon ay nanatiling kalmado habang si Kiden ay hindi alam kung kukuhanin niya ba ang atensyon ni Finn o maghihintay na lang din siya. Sa huli, mas nanaig ang kaniyang pananahimik. Ginaya niya na lang si Auberon habang kalmado nitong hinihintay na mapansin sila ni Finn.

Hindi nagtagal, bumalik si Finn sa ulirat at huminga siya ng malalim. Tapos na siya sa kaniyang malalim na pag-iisip. Nakaisip na siya ng plano, subalit hindi pa ito sobrang buo at kailangan niya pa itong mapag-isipan nang maayos. Kakailanganin niya pa rin itong ikonsulta pamunuan ng New Order upang masiguro niya na angkop ang naiisip niyang susunod nilang hakbang.

Dahil bumalik na siya sa ulirat, doon niya na rin napagtanto na hindi na siya nag-iisa sa loob ng silid. Nakaramdam siya ng dalawang pamilyar na presensya sa kaniyang likuran kaya dahan-dahan siyang lumingon sa mga ito.

Taimtim na mga mata niyang pinagmasdan sina Auberon at Kiden. Pumihit na rin siya upang harapin ang dalawa.

“Kanina pa ba kayo riyan?” Tanong ni Finn sa dalawa. “Dapat ay nagsabi kayo kaagad para hindi ko kayo napaghintay,” aniya pa.

“Kararating lang din namin, batang panginoon. Hindi ka namin ginambala sa iyong pagninilay-nilay dahil mukhang napakalalim ng iyong iniisip,” malumanay na tugon ni Auberon.

Legend of Divine God [Vol 14: Remnants of the Gods]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon