Chapter LXXII: Challenge of a Conceited One
“Masaya ako sa pagbibigay mo ng pagkakataon na makausap ka tungkol sa bagay na ito. At bilang tugon sa iyong tanong, naparito ako para makipagkasundo sa iyo at sa inyong buong tribo,” tugon ni Finn. Nanatiling seryoso ang kaniyang ekspresyon. Inilahad niya rin ang kaniyang kamay at sinabing, “Kung alam n'yo na ang nangyari sa Creation Palace at Warwolf Clan, sigurado akong alam n'yo na rin kung ano ang aking layunin. Inanunsyo ko na kung ano ang dahilan ko kung bakit ako bumubuo ng hukbo, at nasabi ko na rin na ang hangarin ko at ng puwersang pinamumunuan ko ay maging pinakamalakas sa buong mundo.”
Matapos niyang sambitin ang mga salitang ito, tila ba nanlamig ang ekspresyon ni Eaton ganoon din ang pitong water celestial na nakapalibot sa kaniya. Nagsitayuan na ang mga ito at marahan silang humakbang patungo sa likuran ng kanilang pinuno.
Matalim ang kanilang mga mata at halata sa kanilang mukha na hindi nila nagustuhan kung ano man ang ipinahihiwatig ni Finn.
“Huwag kang kumagat ng higit sa kaya mong nguyain. Dahil lang sa koneksyon mo sa mga ankur, masyado na yatang tumaas ang tingin mo sa iyong sarili,” sabi ng isa sa pito na kanina pa siya pinag-iinitan. “Pagbibigay-respeto lang sa mga ankur ang dahilan kaya ka pinagbigyan ng aming pinuno. Hindi kami tanga, Finn Silva. Malinaw naming naiintindihan kung ano ang ibig sabihin ng mga salitang iyong sinambit, at ang iyong gustong mangyari ay malaking kawalang-galang sa aming tribo.”
Tumingin siya kay Eaton at nagpatuloy sa pagsasalita, “Palayasin na natin siya sa ating teritoryo. Isa nang malaking pribilehiyo sa kaniya na makaharap ka, Pinuno, subalit ang paglalapastangan niya sa ating tribo ay walang kapatawaran.”
“Tama, Pinuno! Gusto niyang maglingkod tayo sa kaniya?! Hmph! Masyado siyang mataas mangarap para sa isang water celestial na hindi pa nakakatuntong sa Demigod Rank!” Pagsang-ayon ng isa pa habang marahas siyang nakatingin kay Finn.
Ang maliwanag na ekspresyon ni Finn ay agad na napalitan ng panlulumo matapos niyang makita ang matinding pagtutol ng mga water celestial sa kaniyang sinabi. Hindi niya pa direktang ipinapahayag ang kaniyang nais na mangyari, subalit naintindihan na agad ng mga ito kung ano ang binabalak niya.
Itinuon niya ang kaniyang tingin kay Eaton. Sinuri niya ang reaksyon nito at kagaya ng pito, malamig din ang ekspresyon nito at matalim ang tingin sa kaniya.
“Narinig mo ang sinabi nila, Finn Silva. Bigyan mo ako ngayon ng pabor at umalis ka na habang may pagkakataon ka pa dahil kapag ipinagpatuloy mo pa ang iyong kawalan ng galang, magsisisi ka at haharap ka sa karampatang parusa. Kinikilala namin ang mga ankur dahil mayroong nakaraan ang aming tribo sa Life God, subalit kung lalapastanganin mo ang aming tribo, babalewalain namin ang koneksyong mayroon ka sa mga ankur,” malamig na lahad ni Eaton. “Isang napakalaking kalapastangan ang gusto mong mangyari kaya hinding-hindi kami aayon doon. Hinding-hindi kami susumpa ng katapatan sa isang tagalabas na kagaya mo kahit na gaano ka pa ka-talentado sa iba't ibang larangan.”
Huminto siya sa pagsasalita. Huminahon siya at marahang nagpatuloy, “Gayunpaman, bukas kami kung sasali ka sa aming tribo. Tatanggapin ka namin ng buo dahil kwalipikado kang maging isa sa amin. Isa ka ring water celestial, at matutulungan ka naming maging malakas. Kung malaki ang iyong potensyal, darating ang panahon na marami kang mapapagtagumpayan sa mundong ito at kikilalanin ka ng iba't ibang puwersa.”
Nanatiling seryoso ang ekspresyon ni Finn. Taimtim ang kaniyang mga mata at mahina siyang nagwika, “Wala sa mundong ito ang layunin ko. Malaki ang responsibilidad na nakaatang sa balikat ko at dahil sa mga biyayang ipinagkaloob sa akin ng maykapal, kailangan kong isakatuparan ang pagpuksa sa mga diyablo.”
“Maraming naniniwala sa akin. Umaasa sila na magagawa naming mapuksa ang mga diyablo dahil nangako ako sa kanila,” aniya.
Nangibabaw ang katahimikan dahil sa sinabi ni Finn. Pero makaraan ang ilang sandali, bigla na lang naghalakhakan ang ilan sa mga water celestial habang ang iba ay nanghahamak na nakangiti sa kaniya.
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God [Vol 14: Remnants of the Gods]
FantasyArmado ng mahahalagang impormasyon at bagay na makatutulong sa kanilang paglalakbay, ipinagpapatuloy ni Finn at ng buong New Order ang kanilang pakikipagsapalaran sa mundo ng pinagmulan. Dahil sa mga napagtagumpayan ni Finn, tatlo sa kilalang puwers...